Dahilan kaya napapanaginipan ang ex

Tunghayan naman natin ngayon ang panaginip ni Ana tungkol sa isang lalaki na naging bahagi ng kanyang nakaraan na lagi pa rin niyang napapanaginipan. 

Dear Maestro,

May isa po akong panaginip, na lagi kong napapanaginipan. Madalas kong mapanaginipan ang isang tao sa aking nakaraan. Matagal na po kaming hiwalay at may asawa na po ako. Ang nagtataka ako ay hindi ko naman siya iniisip at lalong wala na akong nararamdaman sa kanya, pero, bakit palagi at madalas siyang lumalabas sa aking panaginip?  

KASAGUTAN:

Sa makaluma o pang-tradisyunal na interpretasyon sinasabing napapanaginipan mo ang taong dating naging bahagi ng buhay mo, dahil marahil ay may problema sa kasalukuyan ang taong naging bahagi ng iyong nakaraan, kung kaya siya ay sunud-sunod at madalas na nagpapakita sa’yong panaginip.

Kung hindi naman seloso ang iyong mister, (pero siyempre mahirap na ring ipagsapalaran ang ganitong payo, pero, ikaw na ang bahalang magpasya), hindi naman siguro kalabisan kung kukumustahin mo ang kalagayan ng taong dating naging bahagi ng iyong nakaraan”  upang malaman natin, kung okey ba siya sa ngayon o hindi?

Matapos mo kasing makumusta ang kalagayan niya, maaaring ito na ang magiging daan o simula upang hindi mo na siya uli mapanagipan pa.

Puwede namang hindi mo siya kumustahin ng personal, sa halip, alamin mo lang ang kanyang kalagayan. Matapos mong malaman ang kanyang kalagayan, maaaring ito na ang magiging simula upang hindi mo na siya mapanaginipan pa.

 Ang isa pang dahilan kung bakit mo siya napapanaginipan, “malamang na magpahanggang ngayon ay may gusto pa rin siya sa iyo kaya siya ay bigla-bigla na lang pumapasok sayong panaginip.

Pero, anuman ang dahilan, dahil may asawa ka na sa ngayon, mas maganda kung hindi mo na uli bubuhayin ang komunikasyon ninyong dalawa, dahil baka makaabala pa ito sa kasalukuyan mong pamilya na okey sa alright naman  yata at kapwa naman yata kayo maligaya ng asawa mo sa piling ng inyong pamilya?

Naitanong natin ang parte na ‘yan, “maligaya naman yata kayo ng iyong asawa sa ngayon?” dahil minsan, kaya natin napapanagipan ang mga taong dati nating nakarelasyon ay dahil parang unconsciously namimiss natin ang presensiya niya..

Kumbaga,, ganito ang sinasabi ng hindi natin namamalayang sarili: Kung kami kaya ang nagkatuluyan at hindi ang kasalukuyan kong asawa, ano kaya ang sitwasyon namin sa ngayon? Sa bagay ang tanong na nabanggit ay tanong ng isang unconscious self na hindi maligaya sa kasalukuyan niyang sitwasyon? Kaya ikaw din naman, Ana, ang makasasagot ng tanong na nabanggit at ng dahilan kung bakit nga napapanaginipan mo hanggang ngayon ang isang taong naging bahagi ng iyong nakaraan.

Samantala sa biglang tingin, maraming naniniwala na kaya mo raw napapanaginipan ang taong naging bahagi ng buhay mo  ay dahil   may gusto ka pa rin sa kanya hanggang ngayon.” Kaya ang nangyari, hanggang ngayon ay patuloy kang ginugulo ng sarili mo sa iyong panaginip.

Sabi pa nga nila, nabuhay sa iyong panaginip ang nasabing lalaki, dahil sa totoo lang mahal mo pa rin siya pero ayaw mo lang tanggapin o ayaw mo lang aminin!

At maaari ring kabaligtaran, tulad ng nasabi na sa itaas, napapanaginipan mo ang isang taong dating malapit sa puso mo, dahil maaaring sa kasalukuyan ay may gusto pa rin siya sa iyo.

Bagamat parang ganoon na nga, pero hindi ganoong kasimple ang kahulugan kapag napanaginipan mo ang isang taong naging bahagi ng iyong nakaraan, ay hindi naman talaga siya ang nami-miss mo, kundi ang  “sitwasyon o pangyayari na magkasama kayong dalawa.

At mapapaisip ka ngayon, “baka ang masarap na pangyayari ninyong dalawa dati ng lalaking naging bahagi ng iyong nakaraan, ay hindi ganoon kasarap na natutugunan ng kasalukuyan mong asawa sa ngayon?

Kumbaga, sa saktong salita, “baka may kulang sa inyong relasyon ng iyong asawa, kaya napapanaginipan mo ang isang nilalang na naging bahagi ng iyong nakaraan?

Kung ganoon ang dahilan, kailangang “mapunan ang pagkukulang na nabanggit” upang sa ganoon, kapag nakumpleto na ulit ang inyong pagmamahalan ng iyong asawa, Oo, hindi mo na uli mapapanaginpan pa ang nasabing lalaki na naging bahagi ng iyong nakaraan.  

Kaya nga, Ana, masuwerte ka. Ang iyong panaginip ay naghahayag o lantarang nagsasabing ito ang tamang panahon upang lalo ninyong paunlarin at pag-ibayuhin ang inyong relasyon ng iyong asawa. Oo, palaguin nyo ang inyong pagmamahalan at dagdagan ang sweet moments ninyong mag-asawa upang sa ganon manatiling matatag at maligaya habang buhay ang kasalukuyan ninyong pamilya.

Kapag nangyari ng muling yumabong at lumago ang pagmamahalan ninyong mag-asawa, makikita mo, kailanmany hindi ka na dadalawin pa at hindi na rin magpapakita pa sayong panaginip ang isang nilalang na naging bahagi ng iyong nakaraan dahil tuluyan na siyang mamamatay at mawawala sa iyong  isipan. Dahil tulad ng nasabi na, naging masaya na ulit at naging very satisfied na ang relasyon ninyong mag-asawa, kaya naman ang magiging resulta, ay ang kasiguraduhan  ng isang maligaya at pang habang buhay ng pamilya.