Dahilan kaya maraming paslit ang pagala-gala sa kalye

1
66

Maria Angela Gonzales

PhilippineOne Editor in Chief:Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat,nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

NAKAKALUNGKOT isipin pero hindi lahat ng mga magulang ay responsable. Mayroon kasing kaysa gamitin ang kanilang isip, mas pinapairal ang puso at init ng katawan. Inaakala nila na ang sarap ay pirming makapagbibigay ng ligaya pero ang totoo, isang malaking kalokohan iyon.

“Ano ang gusto mong maging paglaki mo?” Ito ang kalimitang tinatanong sa paslit. At kadalasan, ang kanilang sinasagot ay gusto nilang maging doktor, architech, engineer, flight stewardess at kung anu-ano pa. Basta ang lahat ng iyon ay magaganda ang trabaho. Siyempre, walang sasagot na gusto niyang maging basurero, metro aide o karpintero. Ang dahilan, kapag nangangarap tayo ay ibig nating taasan.

Ang tanong nga lang, natutupad ba?

Sabi ng utak natin ay gusto nating tuparin ang ating mga pangarap. Kaya nga lang, nahihirapan tayong abutin iyon kapag dumarating na ang problema sa ating buhay at ang kalimitang problema natin ay pera. Ito ang dahilan kaya maraming hindi na ipinagpapatuloy ang kanilang pag-aaral dahil sa kakulangan sa salapi. May ilan naman na kapag nakapagtrabaho na ay hindi na gugustuhin pang bumalik sa pag-aaral. Ganoon din naman daw kasi ang suma. Mag-aaral ka para makapagtrabaho kaya, bakit pa papahirapan natin ang ating mga sarili sa pag-aaral?

Ito ang malungkot na katotohanan. Kapag nakapagtrabaho na tayo, nagagawa na nating kalimutan ang ating pangarap. Ang iniisip na lang natin ay ang kasalukuyan at binabalewala na natin ang ating kinabukasan.

Bukod na kontento na tayo sa kumikita tayo ngayon, pinipili nating sundin na lang kung ano ang sinasabi ng ating puso at kasabay noon ay ang init ng ating katawan. Karamihan sa atin na umaasa na mayroong forever. Ang ibig sabihin nito, may mga pagkakataon na gusto nating takasan kung ano ang nangyayari sa ating buhay. Ibig nating maging masaya at magagawa natin iyon kapag nakahanap tayo ng kasama o karamay.

O, hindi ba, kalimitan ay naghahanap tayo ng partner in life. Handa man tayo o hindi, gusto nating may makasama tayo sa ating buhay. Iyon nga lang, inaakala natin na ang pag-aasawa ay puro sarap. Hindi natin nagawang paghandaan na may mga pagkakataon na ang sarap ngayon ay maaaring maging pagdurusa bukas.

Kung ikaw ay nag-asawa at wala kang matinong trabaho, paano mo bubuhayin ang iyong anak o inyong mga anak? Tapos dahil sa sobrang nasarapan kayo sa isa’t isa, hindi ninyo namamalayan na nadaragdagan nang nadaragdagan ang inyong mga anak. Kapag nangyari iyon, doon na ninyong simulang maramdaman na hindi masarap ang buhay na inyong pinasok.

Ngunit, wala na kayong magagawa kundi panindigan ang kamiserablehan ng inyong buhay. Oo nga at ibig ninyong ipagpatuloy na lang ang buhay ninyo kaya lang mararamdaman na lang ninyong pumasok kayo sa magulong buhay.

Kung kapwa kayo walang natapos na mag-asawa, anong hanap buhay ninyo? Paano kung may mga anak kayo? Sino ang nag-aalaga sa kanila? Imposible naman kasing mayroong kayong pambayad sa yaya. Kahit pa sabihin na mayroon silang lola at lolo na tumitingin sa kanila kung masyadong marami ang inyong mga anak siguradong hindi nila mababantayan ang inyong mga anak. Kung ganoon ay may tendensiya na mapabayaan na lamang sila, gaya na lamang ng mga bata sa larawang ito.

Musmos pa lamang sila ngunit buhay kasada na ang kinamulatan nila, gayung ang dapat ay sa paaralan sila pumapasok.

Hay naku, sabihin man na sanay sila sa buhay kalye, hindi pa rin maitatawa na sila ay mga bata pa. Sanay man sila na mabuhay sa kalsada, hindi pa rin nila magagawang ipagtanggol ang kanilang sarili sa kapahamakan. Ang totoo nga niyan ay madali silang maakay sa panganib. Iyon ang dahilan kung bakit marami ang nagiging pusher. Sa hirap kasi ng buhay ngayon, parang imposible na ang mga batang ito ay makukontento na lamang sa pagtitinda-tinda.

Oh, sana naman ay maakay sila sa tamang landas. Huwag sanang hayaan ng mga taong may mabubuting kalooban na dumami pa ang mga batang pagala-gala. At sana, ang mga magulang at magiging magulang, isipin muna ang kinabukasan bago pumasok sa sitwasyon na napakagulo tulad na lamang ng pag-aasawa kahit hindi pa handa.

SHARE
Previous articleKahulugan ng hagdanan
Next articleAmazing Filipina: Senator Grace Poe

PhilippineOne Editor in Chief: Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat, nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

1 COMMENT

  1. napaniginipan ko po ang aking anak n namatay tas number na 12 at 19 ano pong ibig sabihin nito ,sana mbigyan kasagutan salamat po?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here