Dahilan kaya marami ang nagpapakamatay

0
97

Jhen Dechilla

My name is Jhen Dechilla, a single mother and one-time OFW but I now choose to stay in the Philippines to be with my daughter.

“Bakla ako kaya hindi ako tanggap ng pamilya ko kaya sino pa ang mag-aalaga sa akin kapag naputulan ako ng paa, wala! Mabuti pang mamatay na lang ako.” Ito ang post ng isang senior na itago na lang natin sa pangalang Mang Ricky.

Hay naku, mga katsismosa, hindi ko talaga maiwasan ang mapaiyak nang mabasa ko ang kanyang post. Nag-comment pa nga ako sa kanya. Sabi ko, kahit anong problema, may solusyon. Alisin niya sa isip niya ang tungkol sa kamatayan. Pero, kinabukasan ay nakita ko na lang ang post ng kanyang anak na nagpakamatay ang kanyang ama.

Oo, mayroon siyang anak kahit siya ay isang bading. Siguro nu’ng kabataan niya ay pinilit din niya ang magpakalalaki. Siyempre, napakalaking kahihiyan naman noong kanyang kapanahunan kung aamin siya na lalaki rin ang kanyang gusto. Kaya, para magawa niyang itago ang tunay niyang pagkatao, pinili niyang mag-asawa ng isang babae.

Ngunit, sabi nga, walang katotohanan na hindi nabubunyag. Hindi rin naman manhid ang misis niya niya para ‘di malaman ang tunay niyang pagkatao. Gayunman, nagkaroon din sila ng dalawang anak. Kaya lang, kahit anong pilit niya, lumabas pa rin ang tunay niyang pagkatao. Hindi rin niya napigilan ang kanyang sarili dahil lalaki talaga ang gusto niya kaya iyon ang pinili niya. Iniwanan niya ang kanyang pamilya para sa lalaki.

Talaga nga lang yatang walang forever para kay Mang Ricky dahil noong wala na siyang maibigay sa kanyang boyfriend ay iniwan din siya nito. Kaya, napilitan din siyang bumalik sa kanyang pamilya pero hindi siyempre naging madali ang kanyang pagbabalik. Dahil sa alam na nga ang kanyang tunay na pagkatao, parang naging mahirap sa kanyang mga anak na siya ay tanggapin. Ang kanyang misis naman ay hindi siya gaanong pinapansin. Kung mahal man siya nito noon, marahil nabura na. Hindi naman kasi manhid si Mang Ricky kaya ramdam niyang pinandidirihan siya ng kanyang sariling pamilya.

Dahil sa matanda na siya, pakiramdam niya ay wala na siyang pakinabang pa sa mundo. Ang paggamit na lang ng social media sites ang libangang nagagawa niya. Kaya nga lang, dahil siguro ang sikip-sikip na ng dibdib niya, sa pagpu-post na lang niya nailalabas ang sama ng loob niya. Hindi kasi siya pinapansin ng kanyang pamilya. Hanggang isang araw ay nalaman niyang mayroon siyang diabetes at kailangang putulin ang kanyang paa.

Kung puputulin ang kanyang paa, paano na siya? Kahit isang paa lang naman ang kailangang putulin, mawawalan pa rin siya ng bahagi ng kanyang katawan at sobrang hirap noon. Dahil sa pakiramdam niya ay nag-iisa na lang siya sa mundo. Oo nga mayroon pa siyang pamilya kaya lang hindi siya nakasisiguro kung aalagaan siya ng mga ito.

Marahil, mas masakit sa kanya kung ipamumukha sa kanya ng pamilya na kahit na anong mangyari sa kanya ay wala pa ring pakialam ang mga ito kaya naman pinili niyang maglaslas ng pulso. Magkabilang pulsuhan ang kanyang nilaslas para siguradong mamamatay siya.

‘Yan ang dahilan kung bakit marami ang nagpapakamatay. Nakakaramdam sila ng depression dahil pakiramdam nila ay wala na namang nagmamahal sa kanila. Na ang tingin nila sa kanilang sarili ay pabigat na lang. Tapos kasi na anong post nila sa social media sites ay wala pa ring pamilya na lumalapit sa kanila para sabihing ‘mahal kita’ o ‘pinapatawad na kita’.

Ikaw, mayroon ka bang kaibigan o kamag-anak na nakikitang sobrang nasasaktan? Kung mayroon, huwag mo sana silang balewalain kapag nakikita mo naman na sila ay mayroong pinagdaraanan. Nakakaawa naman kasi sila. Hindi sila nagsasalita pero tiyak na sobra-sobra ang sakit ng loob na nararamdaman nila lalo pa’t dama niyang hindi siya lubos na tinatanggap ng mga mahal niya sa buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here