DAHIL SA FREE DATA, FREEDOM NAIBENTA

1144
commentary on philippineone.com

Yang salitang FREE, ang sinasabing isa sa mga malakas makaakit sa mamimili. Ilagay mo ang salitang iyan sa iyong produkto o sa harapan ng tindahan mo at asahan mong lalapit ang mamimili para alamin kung ano ang FREE o libre. Mas malamang na bibili siya kahit di niya naman kailangan ang ibinebenta mo. Ang mamimiling Pinoy, tulad ng maraming ibang lahi, ay mahilig sa FREE o libre.

Ang salitang free ay makikita sa salitang freedom tulad ng salitang libre na nakapaloob sa salitang libertad o kalayaan. Buti pa sa wika natin ang laya ay hindi inilalagay sa mga paninda para makahalina. Pero ang salitang laya ay di maihihiwalay sa salitang kalayaan. Siguro kaya rin FREE kasi kung tutuusin, may laya naman ang mamimiling magdesisyon kung bibili o hindi. Di naman sapilitan. Pero sa daigdig na alipin ng konsumerismo, ang salitang free ay mahirap tanggihan. Halimbawa na lang ng produkto o serbisyong gustong-gusto ng maraming Pinoy, ang load na may free data.

Di aksidente na ang paboritong ilibre o gawing free ng mga telco sa pagbebenta nila ng load ay ang free Facebook. Sikat ang socmed platform na ito sa buong mundo at ang magkaroon ng access dito kahit ilang saglit kapalit ng ilang pisong load, ay ang kalayaan na yatang pinakamimithi ng maraming Pilipinong salat man sa pambili ng pagkain ay pipiliing bumili ng load makapagFB lang. Ang saya kayang makita ang posts ng iyong mga kamag-anak abroad o mga kaklase noon at ngayon sa iyong newsfeed habang iniyayabang mo rin ang sarili mong mga ginawa sa isang araw. Lumalawak ang mundo mo dahil sa FB na dala ng free data mo. Yun ang akala mo.

Ang free data na naglulunsad sa Pinoy sa malawak na mundo ng Facebook ang siya ring naglimita sa pananaw ng Pinoy sa mga bagay-bagay na dapat sana niyang matamang pinag-aaralan o inuusisa kung mas mahabang oras sana mayroon siya at kung di lang ang gadget ang pinakabintana niya sa mundo. Lumalabas na nakakulong sa gadget na nilimitahan ng kakaunting free data at ikinwadro ng Facebook ang larawan ng mundong dapat sana ay kilala ng Pinoy na mahilig pumailanlang sa Internet. Bakit nagkaganoon?

Balikan kung paanong pinakitid ng FB ang pananaw ng marami sa atin tungkol sa mga nagawa ng nakaraang administrasyon. Naglipana ang mga account na tumuligsa rito. Pagtuligsang may halong malisya dahil marami sa mga pagpuna ay naging paninira lang pala gamit ang mga binaluktot o pinalabong impormasyon. At dahil napakabilis ng daloy ng impormasyon sa newsfeed ay di na nabibigyan ng sapat na pag-usisa ang mga nasisipat na balita, kwento, at opinyon. Naging batayan na lang ng pagtitiwala sa nasagap na impormasyon ang dami ng likes at reposts. Kung libu-libo nga naman ang nag-like sa isang post, mas malamang na totoo ito. Iyan ang naging pamantayan ng maraming Pinoy. Hanggang sa nabilog na ang kanilang mga opinyon at pananaw. “Sabi sa FB”, “nakita ko sa FB”, “kalat na sa FB”, ang dahilan kung bakit pinaniniwalaan nila ang isang bagay.

Nagsikap ba ang Pinoy na alamin ang katotohanan sa likod ng mga kahina-hinalang kwento o balita? Walang ganoong panahon dahil sayang ang free data, mas magagamit pa ito sa mga kumustahan, payabangan, tuksuhan online. E ano ba kung mali ang nabasa? Marami rin naman ang nagbasa kaya marami ang mali. Okay na yun. Ngunit lumipas ang panahon at dinala tayo sa mahalagang pagdedesisyon noong Mayo 9, 2016. Maraming Pinoy lalo na yaong nasa ibayong dagat ang nagdesisyon na kailangan ng Pilipinas ang pagbabagong pangako ng isang mayor mula sa Mindanao. Naniwala silang walang nagawang magaling ang anak ni Cory kahit pa sigeng puri ng daigdig sa pagsulong na nasimulan nito para sa bansa.

Ngayon, ayan na ang ebidensiya. Ang Pilipinas, ang pangalawa sa pinakamaraming nabiktima ng panggagamt ng kanilang FB account sa orkestradong pag-impluwensya sa pag-iisip at pagdedesisyon ng mga botante. Mahigit isang milyong account daw ayon sa balita ang sangkot sa sistematikong panggagamit na ito ng ngayo’y inuulan ng eskandalong Cambridge Analytica. Di pa rin gagap ng Pinoy na mahilig sa free data at alipin ng FB ang kaseryosohan ng balitang ito. Di pa rin gagap ng marami na ang matinding kasikatang tinamasa ni Duterte sa kampanya pa lang ay bunga na ng matinding pagbebrainwash ng isang makinarya ng propaganda gamit ang FB.

Ngayon, ang mahilig sa free datang mga Pinoy na nakalalasap ng matinding kalayaan sa pagpapahayag sa Facebook ay di pa yata gising sa unti-unting pagwawaldas ng kasarinlan at kalayaan sa pamumuno ng rehimeng ipinamimigay ang bansa sa mga naglalaway sa kayamanan nito. Free data ba kamo? Sige, kapalit ng freedom mo. Gising na Pilipino! #

More Dear Maria

More K-Pop

More Movie Reviews

More Beauty and Health

More Beauty Pageants

More Commentary

More Politics

More OFW

More @nagmamatyag