CPD Act: Pahirap at Perwisyo Nga Ba Sa Mga Pilipinong Propesyonal?

1
1588

Kristine Joyce M Belonio

Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

Halos lahat ng mga Pilipinong propesyonal na mayroong PRC license ay marahil nagulat sa pagpapatupad ng batas na nag-uutos na lahat ng mga propesyonal ay kailangang umipon ng Continuing Professional Development (CPD) Units bago makapag-renew ng kanilang mga lisensya. Ang pagpapatupad ng R.A. 10919 o ang CPD Act ay iminungkahi ni Senador Antonio Trillanes IV, ang tagapangulo n komite ng Senado para sa serbisyong sibil, muling pagbubuo ng pamahalaan and regulasyon ng mga propesyonal (Senate committee on civil service, government reorganization and professional regulation).

Ang batas ay ipinatupad noong Marso ng taong ito ngunit maraming Pilipinong prospesyonal ang umalma sa panukalang ito. Ang isa sa mga nakikitang kadahilanan kung bakit marami ang hindi sang-ayon dito ay ang katotohanan na ang pagkuha ng mga CPD units ay magiging pabigat lamang sa mga Pilipinong propesyunal dahil ang mga pagsasanay, pagpupulong at komperensya ay nangangailangan ng paggugol ng oras at masyadong magastos.

Tulad ko na isang medical technologist, kailangan kong makaipon ng 45 CPD units. Ang bawat pagsasanay o pagpupulong ay nagkakahalaga ng humigat-kumulang sa P4,500 ngunit ang CPD units na makukuha mo ay 5 hanggang 15 units lamang. Sa sahod na P10,000 kada buwan, masyadong mahal ito para sa akin. Ito rin ang daing ng karamihan sa mga Pilipinong propesyonal na lumagda sa isang petisyon na ipinakalat online sa pamamagitan ng Change.org.

Ayon sa ulat ng Inquirer, may tinatayang 43,000 na mga Pilipinong propesyonal ang lumagda sa online petisyon na naglalayong na muling suriin ang mga kinakailangan para sa pagrenew ng kanilang mga lisensya sa ilalim ng CPD Act. Ang petisyon ay sinimulan ni Junven Lavapie, isang 23-taong-gulang na inhinyerong sibil.

Ayon kay Lavapie, ang panukalang ito ay tila hindi makatarungan para sa mga propesyonal. Magiging katanggap-tanggap lamang ito kung ang pamahalaan ay naghanda o nagkaroon ng mga subsidized na programa para makaipon o makakuha ng mga yunit ng CPD bago ipinatupad ang batas.

“Bilang mga propesyonal sa Pilipinas, nagsisikap kami na mabuhay para sa aming mga pamilya,” sabi ni Lavapie. “Ang maliit na plastic card na nakuha namin sa pamamagitan ng pagpasa ng mga board exams, ay nakamit namin sa loob ng apat hanggang walong taon na pag-aaral sa kolehiyo. Ito ay isang katiyakan para sa aming tenureship. Sa katunayan, karamihan sa amin ay nararamdaman na ang pagkakaroon ng lisensya ngayon ay higit pa sa isang pasanin kaysa isang pribilehiyo.”

Kahit na naglabas ng mga bagong alintuntunin ang Komisyon sa Regulasyon ng mga Propesyon (PRC) tungkol sa implementasyon ng naturang batas, ito ay pasanin pa rin sa karamihan ng mga propesyonal sa bansa na karaniwang may mababang sahod. Sa katunayan, ang grupo ng mga nars sa bansa ay tumututol sa bagong alintuntunin sa pag-renew ng kanilang mga lisensya batay sa CPD Act.

Ayon sa Filipino Nurses United (FNU), magiging pabigat lamang sa mga nars ang pagpapatupad ng CPD Act, gayun din sa iba pang mga manggagawa sa pampublikong kalusugan. Maliban sa ito’y magastos, magiging mahirap din sa kanila ang paglalaan ng oras dahil karamihan ay may masikip na iskedyul ng trabaho.

Ang CPD Act ay pasanin din sa ibang mga propesyonal na walang trabaho o nagtatrabaho sa mga malalayong lugar. Habang ang layunin ng CPD Act ay tiyakin ang kakayahan ng mga propesyonal sa kani-kanilang mga larangan, naniniwala ang FNU na ang panukalang ito ay mas naglalayong na sumunod sa mga rekisito ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) integration na lumikha ng isang pool ng mga bihasang manggagawa ngunit may napakamurang manpower, at dito kilala ang ating bansa sa pandaigdigang merkado.

Gaya ng FNU, nananawagan din ang Optometric Association of the Philippines (OAP) na suriing muli ang pagpapatupad ng CPD Act. Humigit kumulang sa 62,000 Pilipinong propesyonal rin ang lumagda sa online petisyon na naglalayong muling suriin ang mga kinakailangan para sa pagpapanibago ng kanilang mga lisensya sa ilalim ng naturang batas.

Samantala, ang PRC ay naglabas ng mga alintuntunin para sa CPD exemption. Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, ang mga OFW o mga biktima ng kalamidad ay pansamantalang exempted sa pagpasa ng CPD units. Ang pribelihiyong ito ay maaaring ibigay sa mga propesyonal na may makatwirang kadahilanan na tutukuyin ng mga director ng rehiyon na kinabibilangan nito.

Kabilang sa mga kadahilanang ito ay medikal na dahilan, hindi inaasahan o hindi kontrol na mga kaganapan (hal. Deklarasyon ng batas militar, kamakailang bagyo, sunog, et al.), mga propesyonal na nagtatrabaho sa ibang bansa, walang trabaho o mga nangangailangan ng pinansiyal na tulong. Dahil dito, gumagawa rin ng paraan ang PRC para magbigay ng mga libreng CPD na programa para sa mga propesyonal.

Kung ikaw ay tatanugin bilang isang propesyonal, sang-ayon ka ba sa pagpapatupad ng CPD Act? Pahirap at perwisyo nga ba ito para sa mga Pilipinong propesyonal?

 

SOURCES:

http://newsinfo.inquirer.net/921563/professional-regulation-commission-continuing-professional-development-act-sen-antonio-trillanes-iv

http://newsinfo.inquirer.net/919181/professionals-sign-petition-questioning-requirements-for-license-renewal

https://news.mb.com.ph/2017/07/31/prc-issues-cpd-exemption-guidelines/

http://newsinfo.inquirer.net/944924/nurses-slam-new-law-on-license-renewal

https://globalnation.inquirer.net/162235/212000-ofws-gain-asean-labor-accord

SHARE
Previous articleThe Good Son REVIEW: Sino nga ba ang pumatay?
Next articleHindi na nabalikan ni Mommy ang 2 anak dahil nagkaroon ng cancer
Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here