Coronavirus, Patuloy Ang Paglaganap

Seryoso na talaga ang patuloy na paglaganap ng coronavirus o NCOV. Mistulang ghost town na ang Wuhan kung saan ang sentro ng paglaganap nito. Yung akala natin sa pelikula lang nangyayari ay posible pala na mangyari rin sa tunay na buhay. Napanood ko na ang pelikula na halos tulad sa nangyayari ngayon at habang pinapanood ko ang pelikulang iyon ay gumapang talaga ang kilabot sa katawan ko. Nakakatakot na nakakaiyak dahil mararamdaman mo talaga yung pakiramdam ng mga tauhan sa pelikula. Yung kawalan ng pag-asa at parang hinihintay na lang nila ang kamatayan nila. Sa pelikula pa lang ito. Paano pa kaya kung sa totoong buhay na, na nangyayari na nga ngayon sa Wuhan China? Hindi man ako tagaroon at wala man akong kamag-anak ro’n, grabe na ang takot na naramdaman ko, ano pa kaya ang mga may kamag-anak, kaibigan at mismong nakatira roon?

Kamakailan lang ay isang nurse sa Wuhan ang naglabas ng video at nagsiwalat sa totoong kaganapan doon. Nakikiusap ang nurse na tulungan sila sa kanilang mga pangangailangan sa facemask, goggles and clothes dahil nauubusan na sila nito. Nakikiusap din siya sa lahat ng mga tao roon na huwag na munang lumabas. Sinabi niya na lahat ng doktor sa front line ay humaharap sa isang malaking panganib. Sinabi rin niya na ang bagong coronavirus ay may second mutation. Kung ang unang mutation ay nagkaroon ng lunas at nagkaroon ito ng secondary mutation, isang nakakatakot na bagay na talaga ang mangyayari. Sa iba pang video na kumakalat ngayon sa social media ay makikita ang mga taong nagsisiksikan sa ospital ng Wuhan. Mga tao na bigla na lang nagcocollapse sa daan. Mga tao na nagpanic buying. Mga eksena na sa pelikula lang natin nakikita. At patuloy itong lumalaganap sa iba’t-ibang parte na ng mundo. Aminado ang Mayor ng Wuhan City na nagkaroon sila ng pagkukulang para ihayag agad sa mga tao ang tunay na pangyayari kung kaya’t lumawak pa ito at marami ang nabiktima. Sa mga ganitong senaryo ng buhay, kailangan na kailangan ang pagkakaisa, pagtutulungan at panalangin ng lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here