WALA kang kasing saya nang tanungin ka ni labs ng ‘Will you marry me?’ at dahil mahal na mahal mo siya, ang isasagot mo sa kanya ay ‘yes, i will marry you’.Pagkatapos ay mayoon pang confetti na babagsak sa ulo mo at mayroon pang magpapaputok na para bang isini-celebrate ninyo na malapit na kayong ikasal.
Sa paghahanda ng kasal ninyo ay masyado pa kayong excited. Kung maaari lang, imbitahin ninyo ang buong mundo ay ginawa na ninyo. Gusto ninyo kasing maging memorable ang kasal ninyo kaya naman ibig ninyong nasa the best na simbahan kayo at sa pinakamagandang hotel. Kumukuti-kutitap pa ang mga mata ninyo habang nagpapalitan ng ‘I do’.
Dahil sa labis-labis ninyong pagmamahalan, nakakasiguro na kayong natagpuan na ninyo ang forever sa piling ng isa’t isa.
Nakakalungkot nga lang isipin na kung minsan ang forever na ‘yan ay matatagpuan lamang sa mga libro. Paano ba naman kasi, kapag nagsama na sa isang bubong ang mag-asawa ay marami na silang matutuklasan sa isa’t isa. Lalabas na ang tunay nilang ugali at paglipas ng mga taon ay matutuklasan nilang hindi sila maaaring magkasundo. Kaya, sa huli, maghihiwalay din sila.
Okay lang sana kung maghiwalay sila ng maaayos, at least, nandoon pa rin ang respeto nila sa isa’t isa. Ngunit, may pagkakataon na hindi lamang ang pagmamahal ang nawawala, pati na rin ang respeto nila sa isa’t isa. May mga pagkakataon pa na magsisiraan sila nang magsisiraan. Iyon bang tipong hindi sila titigil hangga’t hindi nila nagagawang durugin ang isa’t isa. Tulad na lang ng kuwento ng mag-asawang naging kontrobersyal nitong nakalipas na araw.
Ang estranged wife ng Comelec Chirman na si Andy Bautista ay nagpakita ng passbook at envelopes na naglalaman ng pera. Ayon kay Patricia ‘Tish’ Bautista, ito raw ay pag-aari ng lalaki.
Ibig sabihin nito talagang tinapos na ni girl ang pagiging mag-asawa nila ng Chairman kaya inilaglag nito ng ganoon ang mister. Kahit naman kasi sabihing may katotohanan ang mga sinabi nito, para pa ring mali na dito nanggaling ang kasiraan ng asawa. Hayan tuloy, ang relasyon nila ay tuluyang nasira. Paano, nilabas na nila ang baho ng isa’t isa.
Hindi naman kasi talaga biro iyong sabihin ng iyong asawa na mayroon kang P300 million gayung ikaw ay isang Comelec Chairman.
At bilang tagapakinig o tagabasa, paanong hindi ka magdududa kung mayroong ‘commission sheet’ na pruweba kung saan naroroon ang mga pangalan ng mga abogado ng Divina Law at Smartmatic.
Sinabi pa ni Tish ang mga tanong na ‘bakit kakailanganin ng Smartmatic na bayaran ang Divina Law para ihanda ang drafting of proposed amendment ng Omnibus Election Code of the Philippines.
Bakit nga ba?
Hindi ba marami ang duda sa pagkakapanalo ni VP Leni? Ooooppps, ako po ay nagtatanong lang. Kung mayroon kasing binayaran baka nga may dahilan talaga para pagdudahan ang pagkakapanalo ng ilang opisyal. Anyway, kung magkakaroon naman nang masusing imbestigasyon, lalabas at lalabas din ang totoo. Sabi nga, walang lihim na ‘di nabubunyag.
Kaya, sundan na lang natin ang kanilang kuwento dahil baka nga may katotohanan tayong matuklasan.