CIRCUS SA KAHARIAN NG MGA ENGKANTO

Ravenson Biason

Isang 18- anyos na binata ang sinabing dinukot at umano siya ng mga engkanto noong siya’y 12 taong gulang noon. Parang istorya noon ng magpinsang batang  babae na sina  Elsie  Wright at Frances Griffin tungkol sa Cottingley Fairies na umano’y nakakita ng mga fairies.

Sa pahayag ni Anthony “Tonet” Tamayo, hindi niya malilimutan ang karanasan sa piling ng mga taong mga albino na inakala niya noon na mga Amerikano lamang.  Iyon pala, saka niya napagtantong pawang mga engkanto pala ang mga it ayon na rin sa sinasabi sa kanya ng mga matatanda.

Sa isang isinagawang panayam ko kay Tonet, nangyari ang naturang insidente noong taong 2003, noong  nagkaroon ng isang field trip sa Los Banos, Laguna ang mga Grade 6 pupils sa naturang pook. Kuwento ng binatilyo lang noon na si Tonet, naligo sila sa isang resort pagkatapos ng ilang serye ng pagdalaw sa Manila Ocean Park, Manila Zoo, at sa National Museum.

Pagkatapos naming bumista sa National Museum ay dumiretso na kami sa Laguna. Bale, tatlong bus ang sinasakyan ng buong estudyanteng nagtungo roon. Nang makarating  kami sa isang resort at nang makaligo ako sa swimming pool ay naisipan kong manghuli ng gagambang buli dahil may nakita akong sapot sa mga talahib na nasa loob ng resort,” pahayag ng kelot na may asawa na ngayon.

Habang mag-isa akong naghahanap ng gagamba ay may tumawag sa aking 2 babae na pawang nakasuot ng bughaw na toga. Mapuputi sila at mukhang anak-araw. Manila-nilaw na puti ang kanilang mga buhok at wala silang kanal sa pagitan ng ilong at bibig. Tinawag nila ako at lumapit naman ako dahil namangha ako sa kanilam dahil akala ko ay mga foreigner sila. Tuwang-tuwa ako noon dahil akala ko ay uutusan nila ako para bigyan ng pera.”

Paglapit ko, sinabi nila na kung gusto ko raw sumama sa kanila sa isang circus sa karnabal. Siyempre, pumayag ako dahil sa bata lang ako. Pero, ang ipinagtataka ko ay wala naman kaming namataan o nakitang karnabal sa Laguna, maliban sa madadaanan mong Enchanted Kingdom dun. Binigyan ako ng isa na mas malaki sa kasama niya ng mansanas na pagkatapos kong kainin e parang na-hipnotismo na nila akong sumama sa kanila. Nang tila wala na ako sa sarili ay inakay ako ng isa ay pumasok kami sa isang pintuan sa gilid ng isang umbok na bato. May nakita nga ako roong circus na may mga nagtatanghal na parang mga duwende.” pahayag ni Tonet .

Ayon pa kay Mr. Tamayo, habang nawiwili siyang nanonood ng circus ay hinahanap pala siya ng kanyang adviser na guro at mga kaklase dahil kakain na ng tanghalian. Sinabi ng isa niyang kaklase na nakita siya nitong natutulog sa isang duyan na nakatali sa magkabilang cottage. Pero, nang suriing mabuti ay isa lamang pala iyong putol na puno ng saging kaya nagtaka ang mga mag-aaral.

Nang makita kung gumabi na sa lugar na iyon ay nagpaalam na akong umuwi sa kanila at pinayagan naman nila. Inihatid ako ng isang batang may boses ng duwende sa isang pintuan at lumusot ako pabalik sa resort. Akala ko ay gabi na, pero mag-aala-una palang pala ng hapon. Nang usisain ako ng aking guro kong saan ako nanggaling ay nagdahilan ako at sinabi kong masama ang aking pakiramdam. Pero, hindi ako nakalusot dahil hinanap nila ako kung saan, kahit sa bus at sa mga tindahang nasa labas ng resort,” ani pa ni Tonet.

Para matigil na ang katatanong sa kanya ay sinabi ni Tonet ang totoo at nagulat ang kanyang guro. Sinabi ng kanyang guro na na-engkanto raw siya, kung kaya nilagnat siya nang makauwi na sa kanilang bahay galing sa excursion. Mula noon, kakatwa na kay Tonet na habang tulog ay nagsasalita habang naglalakad (sleepwalker). May ilang gabi siyang ganun ang kondisyon. Pero, nawala na iyon nang magsimula na bago siya matulog ay nananalangin muna siya. WAKAS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here