Cha-Cha at RevGov: Solusyon Nga Ba sa mga Sumisira ng Ating Demokrasya?

1
1936

Kristine Joyce M Belonio

Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

Ang PIlipinas ay kilala bilang isang bansa kung saan ang mga pampulitikang retorika ay tila’y naging isang anyo ng sining. Subalit, ang bansa ay nasa gitna ng panahon ng pananakot at pangamba, kung saan wari’y umaapila sa nakaraan at madilim na usapin tungkol sa diktadurang nakatago bilang mga anino.

Sa nakalipas na mga buwan at linggo, naging maugong ang mga balita tungkol sa Cha-Cha o Charter Change at RevGov o Revolutionary Government na siyang isinusulong umano ng administrasyong Duterte. Batay sa aking sariling pang-unawa sa mga usaping ito, umaasa ang mga tagasuporta o tagasulong ng mga panukalang ito na ang pagdedeklara ng isang rebolusyonaryong pamahalaan at pagbabago ng Konstitusyon ay kailangan para sa mas malalim at makabuluhang reporma sa ating bansa.

Ngunit kung ating pag-isipan nang mabuti, maraming mga salik o kadahilanan na humaharang sa lubusang pag-unlad ng ating bansa. Ayon sa Rappler, ang kaunlaran ng bansa ay nahahadlangan ng mga maling batas, ng mga oligarka at ng mga dinastiya. Binigyang-diin rin ng mga may-akda na ang pagdedeklara ng RevGov ay hindi solusyon para sa mga sumisira ng demokrasya ng Pilipinas.

Dagdag pa nito, ang kakulangan ng kumpetisyon pagdating sa ekonomiya at pulitika sa bansa ay dahilan kung bakit humihina ang ating pamahalaan at ang mga planong pang-unlad nito. At dahil sa mga tiyak na interes ng maraming tao, ang reporma sa bansa ay nagiging mas mahirap.

RevGov

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang isang rebolusyonaryong pamahalaan (Revolutionary Government o RevGov) ay naideklara sa bansa sa dalawang magkaibang pagkakataon — noong 1898 at noong 1986 People Power Revolution. Ayon sa ulat, opisyal na dineklara ni Emilio Aguinaldo ang isang RevGov upang ipaglaban ang kalayaan ng bansa noong June 18, 1898.

Habang sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon C. Aquino, idineklara ang isang RevGov upang ibalik sa lalong mas madaling panahon ang demokrasya at kalayaan sa Pilipinas matapos pigilan ito nang magdeklara ng Batas Militar si dating Presidenteng Ferdinand E. Marcos. Ngunit, ano nga ba ang ibig sabihin ng isang rebolusyonaryong pamahalaan?

Ang salitang rebolusyon o rebolusyonaryong pamahalaan ay walang

DANTE GATMAYTAN

tiyak na pamantayan o pangkaraniwang klasipikasyon pagdating sa tunay na kahulugan nito. Ngunit batay sa kahulugan at pagkakakilanlan na ginamit ni Jeff Colgan ng Brown University, ang RevGov ay tumutukoy sa pagbabago ng mga “umiiral na sosyal, pampulitika at pang-ekonomiyang relasyon ng estado sa pamamagitan ng pagpapabagsak o pagtanggi sa mga punong institusyon na umiiral.”

Ano ang Mangyayari kung Magdeklara ng RevGov si Pangulong Duterte?

Dahil sa mga balita at usap-usapan tungkol sa RevGov, maraming katanungan ang bumabagabag sa maraming Pilipino — Maaari nga bang magdeklara si Pangulong Duterte ng RevGov? Sa anong kadahilanan? At ano ang mangyayari sa ilalim ng RevGov?

Ayon kay Political Science Associate Professor Aries Arugay ng University of the Philippines (UP), ang pangulo ay maaaring magtatag ng isang rebolusyonarong pamahalaan subalit ang deklarasyong ito ay mangangahulugan ng “pagtapon ng anumang pagkakahalintulad ng konstitusyonalidad.” Ang konsepto ng RevGov ay hindi rin nakatakda sa anumang umiiral na mga legal na dokumento sa Pilipinas, tulad ng 1987 Philippine Constitution.

Kahit palaging binabanggit ni Pangulong Duterte ang destabilisasyon at mga pagbabanta sa pambansang seguridad bilang mga dahilan ng pagdedeklara ng isang RevGov, iginiit ni UP Law Professor Dante Gatmaytan na hindi kailangan magdeklara ng RevGov dahil ang emergency powers ng pangulo ay sapat na para tugunan ang mga problema ng bansa.

“Walang dahilan upang umalis mula sa konstitusyunal na kaayusan,” paliwanag ni Gatmaytan. “Iyan ang dahilan kung bakit inilagay ang mga emergency powers para harapin ang lahat ng bagay at walang ibang bagay na maaari nating isipin na hindi naisulat sa Konstitusyon.”

Dagdag pa ni Arugay, naihirang si Pangulong Duterte sa pamamagitan ng demokratikong pamahalaan kaya ang pagdedeklara nito ay tila’y nangangahulugan ng pagpapatalsik sa kanyang sarili. Samantala, ang Kongreso ay may kapangyarihan na magbigay ng permiso sa pangulo ng bansa na gamitin ang emergency powers ngunit ito ay may mga limitasyon.

Sa ilalim ng isang RevGov, magkakaroon ng malaking pagbabago sa mga institusyon at istraktura ng lipunan. Ito ay nangangahulugan rin na lahat ng sangay ng pamahalaan, kabilang ang hudikatura at lehislatibo, ay aalisin at ang Saligang Batas ay mawawalan ng bisa.

Sa ganitong uri ng pamahalaan, ang lider ay may kapangyarihang baguhin ang umiiral na istraktura batay sa kagustuhan nito. At dahil ang lider ang siyang namumuno at may kapangyarihan na baguhin ang lahat ng antas ng pamahalaan, tila’y magiging impossible ang pagkakaroon ng mga institusyon o mga mekanismo para sa mga layuning suriin at balansehen (check and balance) ang mga kapangyarihan ng bawat sangay ng gobyerno.

Higit sa lahat, ang kalayaan at demokrasya ay malalagay sa kompromiso sa ilalim ng RevGov. Ang Katipunan ng mga Karapatan o Bill of Rights ay mawawalan din ng bisa dahil ang bagong pamahalaan ay magtatala ng mga bagong institusyon, mga alintuntunin o mga batas.

“Ang [mga rebolusyonaryong pamahalaan] ay maaaring magkaroon ng pinakamahusay na intensyon ngunit ang daan patungong impyerno ay pinagbabatayan ng mabubuting hangarin,” paliwanag ni Arugay. “Ang rebolusyon ay pumapatay ng sarili nitong mga anak dahil sa isang proseso na walang mga pagsusuri at pagbabalanse, walang mga institusyonal na kontrol.”

At ayon sa mga eksperto, ang ganitong uri ng pamahalaan ay lalong mas magulo at kung magkakaroon ng isang rebolusyon sa ilalim ng pamahalaang RevGov, ang maaaring kahihinatnan nito ay isang digmaang sibil o Civil War. Upang maiwasan ito, binigyang diin ng mga eksperto ang kahalagahan at kapangyarihan ng demokrasya dahil ang matibay na institusyon ay maaaring lumaban sa anumang uri ng pagbabanta.

Cha-Cha

Maliban sa RevGov, isinusulong din umano ng administrasyong Duterte ang Cha-Cha o Charter Change, kung saan sumasakop ito sa mga pampulitikang probisyon tulad ng sistema ng pamahalaan at mga seksyong pang-ekonomiya. Ngunit hindi lahat ay sang-ayon sa panukalang ito.

Sa katunayan, ang pagsulong ng Cha-Cha ng administrasyong Duterte ay masasabing isang mapanganib na hakbang. Ayon sa ulat ng Inquirer, magkakaroon si Pangulong Duterte ng kapangyarihan o kabuuang control sa tatlong independiyenteng o malayang konstitusyonal na komisyon gaya ng Komisyon sa Halalan (Commission on Elections), Komisyon sa Serbisyo Sibil (Commission on Civil Service) at Komisyon ng Pagsusuri (Commission on Audit).

Ayon kay Bayan Muna chair at dating Rep. Neri Colmenares, ito ay nangangahulugan nang pagbigay ng kapangyarihan kay Pangulong Duterte na magtalaga ng mga miyembro ng lahat ng mga konstitusyonal na komisyon at ang pagkokontrol ng mga tipanan ng lahat ng mga komisyonado sa isang mabilisang pagkilos. Sa ilalim ng Cha-Cha, kahit ang pananatili ng mga empleyado ng mga komisyon ay hindi rin ligtas.

Kahit na ang Resolution of Both Houses o RBH No. 8 ay walang sapat na suporta mula sa Malacañang, ang panukalang ito ay maaaring magdala ng pagbabago sa hurisdiksyon at komposisyon ng mga konstitusyonal na komisyon.

Marahil ang mga panukalang ito ay hindi rin maipapatupad pero minsan nang sinabi ni dating Pangulong Cory Aquino na ang hangin ng ambisyon ay maaaring humantong sa isang bagyo ng paniniil. Kaya nama’y huwag nating kalimutang protektahan ang alab ng liwanag ng demokrasya upang hindi na mamatay ang kalayaang matagal nating ipinaglaban.

Kung ikaw ang tatanungin, sang-ayon ka ba sa RevGov at Cha-Cha? Ano ang masasabi mo sa mga posibleng pagbabago na ito? At bilang isang Pilipino, handa ka bang isakrispisyo ang kalayaan at demokrasya para sa pagbabago?

SOURCES:

https://www.rappler.com/thought-leaders/189535-revgov-will-destroy-democratic-economic-gains

https://www.rappler.com/newsbreak/flashback/189506-look-back-philippines-history-revolutionary-government

https://www.rappler.com/newsbreak/iq/189338-rodrigo-duterte-revolutionary-government-fast-facts

http://opinion.inquirer.net/108914/no-revgov

SHARE
Previous articleI Can See Your Voice Review: SEE-nger o SEE-ntunado?
Next articleHoroscope, Nobyembre 28, 2017
Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

1 COMMENT

  1. Ang isang bahay na may sariling tanim ay dapat hindi basta basta mapasok ng mga hayop.. ano ang ibig sabihin; ang bahay ay ang regional, ang tanim ay kita ng regional, at ang hayop ay ang mga nasa kapangyarihan (national) na mga corrupt…
    Kaya dapat matuloy ang federalismo…

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here