Bungkal-daan at iba pang kahunghangan

0
294

Ilang linggo na rin ang nakaraan noong nagulat ako na mayroon na namang nagbubungkal ng eskinita malapit sa amin, at hanggang ngayo’y nagkalat pa rin doon ang malalaking tipak ng semento at lupa sa isang gilid ng sinira nilang daanan habang ang isang gilid pa lamang ang nagawa nila.

Ang kaso’y dumami pa ang konstruksiyon matapos ng tagpong ito: tatlong eskinita na ang kanilang winakwakan ng semento upang buhusan ng bagong semento at taasan, at ngayo’y inaabala nila ang umaga’t hapon namin sa ingay ng kanilang mga jackhammer at mga makinarya na ginagamit nila sa mabagal na pagpapataas ng mga eskinita.

Hindi ko mahanap ang lohika sa pagpapataas nila ng mga eskinitang iyon, dahil ang kailangan lang naman gawin doon ay tapalan ang mga butas sa sementadong daanan at hindi na ito poproblemahing muli. Sa pagpapataas pa nilang ito ay mukhang tataasan na rin ang mga mas malalaking daanan, tulad ng nasa harap ng aming bahay, na lalong ikabababa ng aming garahe na hanggang tuhod na mas mababa na sa daan sa tapat nito. Matagal na rin naman noong huling bumaha dito.

Saka ko lamang naalalang malapit na naman ang eleksyon pang-barangay, at mukhang wala na naman silang mapaglaanan ng pondo kaya’t nagparamdam na lamang silang muli.

Lalabas na naman ang mga kagawad na hindi ko naramdaman para muling mang-harana ng mga boto, at ang kapitan… sino nga kaya ang susunod naming kapitan? Abangan. Sa mga muling tatakbong mga kagawad ay ang mga pamilyar na namang apelyido, tulad na lang ni… tulad na lamang ng tito ko na organizer ng lokal na beauty pageant sa siyudad, fashion designer, at maraming pinagkakautangan.

Tila iba ang sistema ng kampanya tuwing eleksyon pang-barangay: imbes na plataporma, pag-iikot, at debate ang labanan, sa word of mouth dumedepende ang mga kandidato ng eleksyon pang-barangay. Kahit sumikat sila sa kontrobersiyang kabali-balita sa Bomba ay okay lamang sa kanila dahil paraan pa rin ito upang maikalat ang kanyang pangalan; ika nga, bad publicity is still publicity. Iiral pa ang utang na loob sa mga boboto, tulad ng isa pang kagawad sa aming nagpapautang ng isang sako ng bigas sa halagang P1,300.

Isa pang nagiging palaisipan sa akin ay ang mga tatakbo sa Sangguniang Kabataan sa amin. Ano na nga ba ang nagawa ng mga kasalukuyang Sangguniang Kabataan sa aming barangay? Sa totoo lang, mayroon nga ba, o tulad lang sila ng mga kagawad dito na naging display lamang, at bigla na lang nagpapakita tuwing Pasko? Paano nga ba namin malalaman ang kanilang mga prinsipyo at plataporma kung hindi sila nangangampanya? Dedepende na naman ba sa word of mouth, sa tsismis, at sa sabi-sabi?

Ang kaso’y hindi lahat ng sisi ay maibubuhos ko sa mga mangangandidato, nasa mga botante na rin ang iba. Bakit, kailan pa ba may nagkaroon ng pakialam sa mga nagaganap sa aming barangay?

Ang katotohanan ay ito: masyado nang maraming iniisip ang mga tao kaya’y parang nalilimutan na nito ang mga kaganapan sa kanyang paligid. Kaso, kapag pinagsawalang-bahala ang tila simpleng pagboto sa mga uupo sa barangay ay tutuloy lamang ang kawalan ng mga bagay na ikapapayapa na rin ng ating mga kalooban.

Panahon na para hindi maging kalokohan ang barangay elections. Mahalaga ang pag-isipan na kung sino ang iboboto natin na mamumuno sa barangay tulad ng kung gaanong ka-kritikal nating bubusisiin ang mga iluluklok natin sa general elections, dahil sila rin ang magdidikta ng kapalaran ng ating kapaligiran: kung aayos, gaganda, at papayapa ba ito o muli na naman natin silang kaiinisan sa kanilang mga pa-liga at pagbubungkal ng daan.

More Dreams

More Horoscopes

More Palmistry

More Astrology/Pahula

More Pamahiin

More Kapangyarihan

More Chinese Horoscope

More Sikreto

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here