BUHAY HIGH SCHOOL

0
486

Latest posts by JEFANIE TUAZON (see all)

“Sarap maging high school ulit”

“Nakakamiss ang buhay high school”

Nasabi mo na ba ang mga salitang yan? Malamang ay oo, lalo na kung ikaw ay nasa kolehiyo na o may trabaho na. Hindi nga naman maipagkakailang ang buhay high school ang isa sa pinakamasaya at pinakahindi makakalimutang yugto ng buhay ninuman. Pero ano nga ba ang meron sa high school at hindi natin makalimutan? Ngayon isa-isahin natin ang mga bagay na nakakamiss sa high school at malamang ay masagot ang tanong mo.

Una, dito nagsimula ang unti-unting pagbabago sa ating pisikal na pangangatawan at pagkakaron ng kaisipan. Karamihan sa kalalakihan ay nakapagpatuli na bago pa magsimula ang klase kaya’t ang kanilang agarang pagtangkad at paglaki ng katawan ang naging kapansin-pansin. Samantalang, sa mga kababaihan ay dito pa lamang sila nag-umpisang magkaroon ng “buwanang dalaw” na bumabahala at tumatakot sa kanila sa una nitong pagdalaw. Buwan-buwan ay nagkakaron ang mga kababaihan at naging kapansin-pansin din ang pagbabago sa hubog ng kanilang katawan tulad ng paglaki ng dibdib at bewang. Kasabay din ng mga pagbabagong ito ay ang pagkakaroon ng hindi kaaya-ayang amoy ang katawan dahilan para makilala ang deodorant.

Pangalawa, aminin mo na, dito ka rin nagsimulang umibig para sa isang tao. Huwag mo ng itanggi! Alam ko yan! Ito yung panahong ganadong-ganado ka pumasok kasi makikita mo na naman si crush pero bigla kang malulungkot kasi absent pala. Siya yung taong kakapasok mo pa lang siya na agad yung hinahanap mo. Siya din yung nagsisilbing inspirasyon mo at pinapangarap na mapasayo. Ngunit may mga ilang pinalad at nagkatuluyan sila ng taong mahal niya. Sila yung mga magkasintahang laging sa likod nakaupo habang naglalambingan. Yung sa sobrang sweet nila mapapasigaw ka nalang ng “walang forever!”

Pangatlo, sa high school mo din makikilala ang mga taong makapagpalalabas ng tinatago mong kalokohan at kakulitan, ang barkada. Sila yung mga taong hindi mo aakalaing magiging kaibigan mo dahil sa sobrang ingay at kakulitan nila. Sila din yung halos kasama mo sa lahat ng kalokohan at kahihiyan na nangyari sa buhay high school mo. Saya nilang kasama diba? Yung tipong harap-harapan ka nila nilalait at binubully pero tuwang-tuwa ka pa na parang baliw lang. Sila din yung mga tumutulak sayo pagnandyan si crush. Yung mga taong mag “aayieeee” at mas una pang kikiligin kesa sayo pagmagkatabi kayo ni crush. At sila din yung mga taong hindi kayo maglalayo-layo ng upuan kahit may sitting arrangement. Motto nyo? Walang titibag!

Pang-apat, syempre kasama din sa listahan ang mga minamahal nating guro. Aminin mo man o hindi meron talaga guro na hinding-hindi mo malilimutan kesyo masaya, malungkot, o nakakatakot na alaala ang meron ka sa kanya. Mga guro, sila yung masayang-masaya ang klase pag-absent kasi maaga uwian. Sila yung tagasaway pagmarumi ang silid, hindi ka nakauniform, o masyado kang maingat at hindi nakikinig sa klase niya. Yung sabay-sabay silang magbibigay ng takdang-aralin na sa sobrang dami gusto mo nalang sumabog at maglaho nalang. Pero kahit ganoon ay malaki ang naitulong at naiambag nila sa iyo lalo na kaalaman at pagkatao. Saludo para sa nga guro!

Panglima, ang galawang estudyante. Unang-una sa listahan ang malalang kaso ng kopyahan. Mas talamak pa ito sa droga kaya dapat mga sangkot dito tinotokhang din. Pero aminin mo, na minsan sa buhay high school mo ay nagawa mo na ito lalo na kung may guro kang hindi naman pumapasok o nagtuturo pero ang lakas ng loob magbigay ng pagsusulit. Pero dapat talaga aral aral din mga bes! Sayang pampaaral! Sumunod ay ang walang katapusang flag ceremony tuwing lunes ng umaga. Pustahan, bilang lang ang pagdalo mo dito. Pero kung mali ako at palagi kang nakakapunta dito abay congrats! Maihahalintulad kita sa agila ng pilipinas, konting-konti nalang kayo. At syempre hindi mawawala ang mga nakakahitang pangyayari sa buhay high school tulad ng pagkahulog mo sa hagdan, nadapa ka sa harap ng madaming tao, mali ang silid na iyong napasukan at ang pinakamalala sa lahat, nakalimutan mo ang iyong baon. Buti nalang at nauso ang salitang buraot at nakakain ka.

Madami pa yan, bibigyan ko pa kayo ng iba. Yung canteen niyo na sobrang taas ng presyo ang sarap pasabugin. Yung upuan mo na may sulat ng pangalan at minsan sagot sa exam. Yung bentilador niyo na lagi nalang nasisira. At ang pinakadabest sa lahat, yung linyang “Sir, cr lang po” pero sa canteen ang punta.

Nakakamiss no? Namiss mo ba? Sayang at hindi na pwede pang maibalik at ulitin ang mga sandaling yun. Ang mahalaga ito ay iyong napagdaanan at naranasan. Ito at nag-iwan ng mga alaalang lagi mong mababalikan. Yung tipong mapapangitin ka nalang pagnaisip mo. Tunay nga na ang buhay high school ang pinakamasaya at pinakanakakatawang pangyayari sa ating buhay na kahit kailan ay hindi natin malilimutan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here