Boracay: Dagok sa Turismo

496

Denise Gozun

Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

Latest posts by Denise Gozun (see all)

Isa ang Boracay sa mga pinakakilalang tourist spots hindi lamang sa buong bansa kundi sa buong mundo. Tanyag ito para sa kanyang likas na yaman lalong-lalo na ang puting buhanging nagpapaganda ng buong tanawin. Dinaragsa ito ng mga bakasyunistang Pilipino at dayuhan upang makawala, kahit panandalian man lang, mula sa pang-araw-araw na buhay sa siyudad.

Sino nga ba naman ang hindi makapagre-relax sa karagatang napalilibutan ng masarap na ihip ng hangin at nagbibigay ng pagkakataong makasama ang ating mga mahal sa buhay? Sino nga ba naman ang hindi makapagpapahinga nang walang trabahong iniisip at hindi napalilibutan ng mabigat na trapiko, matataas na gusali, at malalang polusyon?

Isang paraiso nga ito kung ituring… marahil noon; dahil mukhang huli na yata ang lahat para sa Boracay ngayon. Ang pinapangarap na bakasyunan, ngayon ay nagmistulang bangungot na.

Una sa lahat, ang isla ay nagdurusa na mula sa kapabayaan ng mga turista, establisamento, at maging ng mga naninirahan rito. Matindi na ang problema nito pagdating sa polusyon kung kaya’t nagbabalak ang mga kinauukulang ipatigil lahat ng operasyon rito nang anim hanggang labindalawang buwan para sa malawakang paglilinis. Sa pamamagitan ng pagsusumikap na ito, hangad ng gobyernong panumbalikin ang dating ganda at aliwalas ng Boracay.

Wala namang mali rito. Ang nakikita kong mali ay ang pagpasok ng isang malaking dayuhang kumpanya sa isla upang magtayo ng malaking casino hotel. Kahit mula saang anggulo ko tingnan, sinasalamin nito ang kawalang malasakit ng kasalukuyang administrasyon para sa kapakanan nating mga Pilipino.

Una nating suriin ang magiging epekto nito sa kalikasan. Ayon sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (KKLY), ang bilang ng mga turistang dumarayo at nananatili sa Boracay ay nakababahala na. Lagpas na ito sa kapasidad ng isla, kung kaya’t lalong lumalala ang problema ukol sa polusyon. Kapag naitayo ang mga naglalakihang casino hotel, siguradong tataas lalo ang bilang ng mga turista.

Pangalawa, ang pagpasok ng naturang Macau-based na kumpanya ay ang simula ng unti-unting pagsakop ng Tsina sa ating mga isla at ekonomiya. Hindi maiiwasang unti-unti nitong pagkakaitan ng hanapbuhay ang mga residente roon. Kahit pa sabihin nating may lokal na kasosyo ang dayuhang kumpanya, ang transaksyon ay tila pabor pa rin sa interes ng mga dayuhan.

 

Ang aking huling punto ay marahil ang pinakasimpleng paliwanag kung bakit ako ay laban sa pagtatayo ng mga casino hotel sa isla. Gaya ng aking nabanggit, pumupunta ang mga tao sa Boracay upang makawala sa tensiyong dala ng pag-aaral, trabaho, pagpapalaki ng mga anak, at kung ano pang mga pang-araw-araw na pinagkakaabalahan. Kung magdadala tayo ng mga malalaking establisamentong hihikayating sumugal ang mga turista, mawawala ang kabuluhan ng salitang “bakasyon”.

Isang lason ang pagtatayo ng mga casino sa isang mapayapa at mala-paraisong isla gaya ng Boracay… hindi lamang sa kapaligiran kundi maging na rin sa mga bakasyunista.

More Denise Gozun articles

SHARE
Previous articleOnline Horoscope Marso 28 2018
Next articleZoobic “Night” Safari 2018
Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here