BINU-BULLY NG KAKLASENG MAY GUSTO SA KANYANG MANLILIGAW

940
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Wala pa naman akong balak na magkaroon ng boyfriend kaso ‘yung kaklase kong may gusto sa manliligaw ko, eh, binu-bully ako. Hindi lang sa personal, pati na rin sa FB ay panay ang parinig niya. Kahit naman hindi niya inilalagay ang pangalan ko, alam kong ko ang kanyang pinatatamaan. Ano ang aking gagawin? — Anne

 

Anne,

Dedma. Ito ang dapat mong gawin para tumigil siya. Kung minsan kasi, hindi effective iyong kukomprontahin mo siya. Magkakaroon pa siya ng pagkakataon na ipahiya ka. Siyempre, wala namang kriminal na aamin sa sarili niyang krimen kaya nakasisiguro akong hindi niya sasabihin sa’yong, ‘ikaw nga ang pinariringgan ko’. Kung sakali naman na aminin nga ang kanyang ginawa, ano ang gagawin mo?

Aawayin mo ba siya? Kahit mali ang ginagawa niya, ‘di makabubuti kung aawayin mo siya. Sa huli kasi, ikaw lang ang mapipintasan. Hindi mo naman kasi siya kailangang sigawan, talakan o murahin. Maaari ka naman maging mahinahon sa’yong pananalita. Iyon bang sweet ang dating ngunit may diin. Kailangan din kasi niyang malaman na naapektuhan ka sa kanyang ginagawa at hindi mo iyon nagugustuhan.

Ngayon kung sa kabila ng pagsita mo sa kanya ay tatarayan ka niya, huwag kang magpapatinag. Baka bigla kang mamutla at umiyak. Kung ganoon ang gagawin mo, mas ibu-bully ka lang niya. Magpakita ka ng tigas sa kanya kapag siya ay sinita mo. Kailangan din ay maaninag niyang may pagbabanta ang iyong pananalita. Iyong tipong mayroon kang hakbang na gagawin kpag hindi niya tinigilan ang pambu-bully sa’yo.

Kung minsan kasi ang mga ganyang tao ay matatapang lamang dahil hindi nilalabanan ng mga taong pinili niyang i-bully kaya lang kapag natuklasan niya na kaya rin siyang tapatan ng taong inaaway-away niya, magdadalawang-isip na ‘yan na i-bully ka pa. Kaya, huwag kang magpasindak sa kanya. Ipakita mo sa kanya na kaya mo siyang labanan. Iyon nga lang, puro parinig lang naman ang kanyang ginagawa at hindi ka niya direktang tinukoy kaya hindi mo masasabi na pasok siya sa cyberbullying.

Teka nga pala, ano naman ang reaksyon ng manliligaw mo na type niya? Hindi ka ba niya ipinagtatanggol? Hindi ba niya sinisita ang babae na ‘yan para ikaw ay tantanan. Kung sasabihin mong no reaction siya, wala siyang kuwenta. Biro mo, hindi ka niya kayang ipagtanggol. Kaya, kailangan ay matuto kang ipagtanggol ang sarili mo dahil walang ibang magtatanggol sa’yo kundi ikaw din mismo.

Nang una, sinabi ko sa’yong epektibo ang pandededma. Well, totoo naman iyon. Kapag kasi natuklasan ng nambu-bully sa’yo na hindi ka naaapektuhan sa mga ginagawa niya, magsasawa rin siya. Kaya lang, kung dama mong sumusobra na siya sa kanyang ginagawa, kailangan mo na ring lumaban. Ipadama mo sa kanya na hindi mo siya uurungan, na handa mo siyang labanan.

Siyempre, hindi mo naman kailangan na siya’y sabunutan o sapakin. Walang mabuting idudulot kung magiging bayolente ka. Pero, may ibang paraan para maipakita mo sa kanya na ikaw ay handang lumaban. Sitahin mo siya ng harapan. Sabihin mo sa kanya kung ano ang kaya mong gawin kapag hindi ka niya tinantanan. Pwede mo siyang isumbong sa kanyang guro o kaya naman kausapin mo ang kanyang mga magulang. Kapag ganoon ang ginawa mo, tatantanan ka na rin niyan.

Tandaan mo rin, ang pagiging sumbungera ay hindi kahinaan. Kailangan mo lang talagang kumuha ng kakampi para makasiguro kang hindi ka na maapi pa. Saka, sabihin mo sa kanya na hindi mo naman type ang lalaking nagugustuhan niya dahil hindi ka naman yata ipinagtatanggol. Kung nakukuha kasi niyang sitahin ‘yang babae na ‘yan tiyak kong hindi ka niyang ibu-bully. Kaya, kahit pa dumating ang panahon na gusto mo na magkaroon ng boyfriend, huwag kang kukuha ng lalaking ‘di ka kayang ipagtanggol.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here