Barangay Election: May Boses Ang Kabataan

0
454

Denise Gozun

Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

Latest posts by Denise Gozun (see all)

Matapos ang pagkabigo ng Senadong makabuo ng panukalang batas na susuporta sa desisyon ng Kongresong ipagpaliban muli ang eleksyon para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), mukhang wala na ngang makapipigil pa rito ngayong darating na ika-14 ng Mayo. Manunumbalik ang sesyon ng lehislatura sa mismong araw ng eleksyon, kung kaya’t wala nang magagawa ang mga mambabatas upang aprubahan ang pagpapaliban sa ika-8 ng Oktubre. 

Sabi nga ng tagapagsalita ng Komisyon sa Halalan na si James Jimenez, isa itong magandang balita para sa halos 57.30 milyong botante. Kahit papaano ay makahihinga na tayo nang mabuti, lalo na tayong mga kabataang sabik mabigyang boses ang ating sektor. 

Sadyang pinipilayan yata talaga ng kasalukuyang administrasyon ang kabataan. Hindi ito ang unang beses na ninais ng mga mambabatas na ipagpaliban ang eleksyon para sa barangay at SK. Ito ay nagsimula nang maupo si Duterte bilang pangulo. Ang naturang eleksyon ay dapat naganap na noong ika-31 ng Oktubre taong 2016. Ipinagpaliban ito sa ika-23 ng Oktubre nang sumunod na taon hanggang sa umabot na sa ika-14 ng Mayo nitong taon. 

Mahalagang ang regular na eleksyon upang siguraduhing ang mga pampublikong opisyal ay may pananagutan at malasakit sa kanilang mga manghahalal. Nakatutulong ito upang siguraduhing hindi mabubulag sa kapangyarihan ang mga nakaupo. Higit sa lahat, sinisiguro nitong sapat at akma ang pangangatawan, lalong-lalo na ng SK sa ating mga kabataan.

Maliit man na mga yunit ng pamahalaan, ang barangay at SK ay kasing halaga lamang ng mga panlalawigan at pambansang gobyerno. Nagsisilbing tulay ang dalawang ito upang bigyang boses ang kanilang mga nasasakupan. Sa isang lalawigan, hindi kayang bigyang pansin ng Sangguniang Panlunsod, Mayor, Vice Mayor, Governor, o Vice Governor ang bawat hinaing ng mga mamamayan. Kailangan nila ang tulong ng mga nakabababang opisyal upang siguraduhing nakikinabang ang lahat sa kanilang paglilingkod. 

Hindi lamang ‘yon; ang SK rin ay nagbibigay ng magandang pagkakataon sa mga kabataan upang mahubog ang kanilang kakayanang mamuno at maglingkod sa kapwa. Gaya nga ng sabi nila, tayo ang pag-asa ng bayan. Marahil ay marami pa tayong kailangang matutunan mula sa mga nakatatanda ngunit walang tatalo sa ating paghahangad ng magandang bukas para sa Pilipinas, lalo na sa pamamagitan ng paglilingkod at pag-aalay ng sarili para sa mithiing ito. ‘Yan tayong kabataang Pilipino— patuloy na maniniwala sa pangarap at pagpapahalaga sa bayan. Walang anumang makinarya o propaganda ang makapipigil sa ating pagsusumikap; may boses tayo at atin itong gagamitin bilang armas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here