Bakit Mas Masaya Ang Mga kabataan Noon Kaysa Ngayon?

0
94

Geraldine Monzon

Geraldine Monzon; Writer in komiks/pocketbooks/newspaper/indie film
My motto in life is; Be stronger than your excuses. If you can't say it, write it.

Ano nga ba ang meron sa nakaraan , partikular ang mga batang 80’s at 90’s. Maalala lamang ang isang bahagi ng nakalipas ay labis na ang kasiyahan na nararamdaman. Ipinagmamalaki rin ito sa mga millenials ngayon. Hindi naman maikakaila ang pagkakaiba ng noon at ngayon. Bawat henerasyon namang lumilipas ay may pagbabagong nagaganap. Subalit ang naranasan ng mga kabataan noon ay di hamak na mas masaya kasya mga kabataan ngayon.

Noon kasi na hindi pa uso ang social media, ang mundo ng bawat kabataang Pilipino ay umiikot sa tunay na mundo. Ang ibig kong sabihin sa tunay na mundo ay yung personal mong nakakausap ang mga tao lalo na ang mga mahal mo sa buhay, nahahawakan mo sila, nakakasama sa mga lakaran. Maraming libangan at gawaing pisikal na nakakatulong sa kalusugan ng isip at pangangatawan. Mababaw pa lang ang kaligayahan at hindi pa ganoon kahigpit ang mga kompetisyon sa bawat larangan. Ito yung mga panahon na sikat pa ang komiks at dyaryo sa mga lansangan. Ito rin yung mga panahon na ineenjoy pa ng mga kabataan ang saya ng buhay at hindi gaanong iniinda ang bigat ng mga problema.

Sa panahon kasi ngayon, ang mga kabataan, bagamat may sarili silang source of happiness ay mas lantad na sila sa maruming mukha ng buhay tulad ng pulitika, mga gawaing imoral, krimen at iba pang mabibigat na isyung hindi pa dapat nila kinakasangkutan. Habang tumatagal ay pabata nang pabata ang mga nasasadlak sa mabibigat na sitwasyon sa buhay. Mas malawak na kasi ang naaabot ng kanilang isip at kakayahan sa pamamagitan ng social media kaya mas malawak na rin ang conflict na hinaharap nila. Kahit yung mga bagay na hindi pa dapat nila pinoproblema sa mura nilang edad ay dinadala na nila dahil kadalasan ay wala silang mapagpilian. Iba ang hatak ng impluwensya ng makabagong teknolohiya at makabagong kaisipan. Mas maraming nabubuntis nang wala sa tamang edad, mas marami ang naaadik sa mga laro sa internet na nakakasira na sa kanilang pagkatao na di nila namamalayan. Hindi nila naranasan ang makipaghabulan taya sa kalye, makipagsayahan sa isang tunay na kapistahan, magkaroon ng totoong libangan, mamuhay ng gumagana ang isip sa mas makabuluhan at mapagana ang pisikal na katawan.

Subalit sa kabila ng malaking pagbabagong ito sa pagitan ng kabataan noon at kabataan ngayon, hangga’t narito pa tayo na mula sa nakaraang henerasyon, may magagawa pa tayo para maisalba ang mga kabataang hindi masaya ngayon sa kanilang buhay. Ituro natin sa kanila ang natutunan natin mula sa sarili nating karanasan. Iparanas natin sa kanila ang saya ng buhay na pinagdaanan natin noon nung wala pa ang mga higanteng pagbabago. Akayin natin sila patungo sa daan kung saan ay naramdaman natin ang tunay na kabuluhan ng buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here