BAKIT BINANSAGANG THE DEVIL’S MOUNTAIN ANG MT. CRISTOBAL SA DOLORES, QUEZON?

Kung ang Mt. Banahaw ay itinuturing na sagradong bundok, binansagan naman bilang Devil’s Mountain ang Mt. Cristobal na katapat lamang nito.

Ang Mt. Cristobal ay isang dormant volcano ay dinarayo rin ng mga turista dahil sa nakabibighani nitong kagandahan. Ngunit ang kagandahan ng bundok ay napalitan ng hilakbot dahil sa ilang mga hindi maipaliwanag na kaganapan dito.

Ayon sa mga lokal, iba’t ibang elemento ang naninirahan sa Mt. Cristobal, at karamihan rito ay masasama gaya ng maligno at engkanto. Ang mga nasabing nilalang ang siyang nagliligaw sa ilang manlalakbay na makatuwaan ng mga ito.

Si San Cristobal ay itinuturing na patron ng mga manlalakbay, ngunit bakit naliligaw ang mga manlalakbay na umaakyat sa bundok? At bakit binansagan ang Mt. Cristobal bilang Devil’s Mountain?

Dahil katapat lamang ng sagradong bundok na Mt. Banahaw ang Mt. Cristobal, ipinagpapalagay ng ilan na hinihigop ng Mt. Cristobala ng lahat ng masasamang enerhiya na nasa paligid. Ito ang dahilan kaya naging tahanan ang Mt. Cristobal ang mga masasamang elemento.

Ayon pa sa iba, ang Mt. Cristobal ang pag-aari ng mga Demonyo. Katunayan, kaagad mo raw mararamdaman ang negatibong enerhiyang bumabalot sa bundok sa pag-akyat mo rito.

Isa sa naging biktima ng Mt. Cristobal ay ang dalawang magkasintahang hikers na hindi na nakababa pa sa bundok. At hanggang ngayon, ang kanilang mga katawan ay hindi pa rin nakikita. Pinaniniwalaang iniligaw ng mga masasamang engkanto ang dalawang magkasintahan kung kaya’t hindi na sila nakababa pa sa bundok. Ang kaluluwa raw ng dalawang magkasintahang ito ay namamalagi sa bundok at madalas ay nagtuturo ng daan sa ilang hikers. Ngunit, binalaan ang lahat na huwag maniniwala sa dalawang magkasintahan sapagkat ito ay mapaglinlang na mga engkanto lamang na gumagaya sa katauhan nila.

Maraming babala ang kumalat sa text at internet na huwag nang aakyatin pa ang Mt. Cristobal dahil nga sa ito ay pag-aari ng demonyo.

Bago dumating ang mga Espanyol, kapuwa itinuturing ang Mt. Banahaw at Mt. Cristobal na sagradong bundok. Sila ay tinatawag na kambal-bundok.

Ngunit, ayon sa impluwensiyang Tsino na nakipagkalakalan sa mga sinaunang Pilipino, ipinaunawa nila na kailangang mabalanse ang Yin at Yang. Ito ang dalawang elemento ng daigdig. Ito ang dahilan kung bakit ang kambal na bundok ay pinaghiwalay bilang mabuti at masama.

Bagama’t may ilang kasagutan na sa misteryo sa likod ng Mt. Cristobal, marami pa rin ang pinipiling paniwalaan na ang bundok na ito ay pag-aari nga ng mga Demonyo.

At hanggang hindi pa rin nakukuha o natatagpuan ang mga labi ng nawalang hikers, mananatiling nakakabit sa reputasyon ng bundok ang masamang imahe nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here