Kung may tinatawag na soulmate, mayroon ding tinatawag na karmic connection. Anuman ang ating gawin, ito ay boomerang na babalik sa atin. What goes around comes around, ika nga. Ito ay bahagi ng 12 Batas ng Universe.
Kung ikaw ay nakagawa ng masama sa iyong kapuwa, asahan mong ito ay iyong pagbabayaran sa anumang paraan. Hindi man ngayon, ngunit sa susunod na buhay mo ay nakagapos ka na sa taong ginawan mo ng masama. Kalkulado lahat. Sabi nga, walang utang na hindi pagbabayaran. Sa katunayan, lahat ng taong nakakasama natin sa buhay na ito ay may kinalaman sa pagbuo ng ating karmic state at debt.
Paano mo ngayon mapuputol ang karma?
Ikaw mismo ang makakagawa nito. Sa iyo pa lamang ay tuldukan mo ang karma.
Gumawa lagi ng mabuti at tiyaking wala kang masasaktan o matatapakang tao sa anumang hakbang at desisyon na gawin mo.
Kung ikaw naman ang na-agrabyado o nagawan ng hindi maganda ng iyong kapuwa, sa halip na magtanim ka ng sama ng loob at gumanti, patawarin mo ang taong iyon at ipagdasal mo ang kaniyang kabutihan. Sa gayong paaraan, pinutol mo na ang tanikala ng karma sa inyong dalawa, at hindi na muli pang magku-krus ang landas ng inyong mga kaluluwa sa susunod ninyong lifetime o pag-iral sa mundong ibabaw.