Asintado Review: Lukso ng dugo, hindi totoo?

394

 

DISAPPOINTED! Hindi mo ako masisisi kung ganito ang naramdaman ko ng muli kong panoorin ang Asintado. Magkadugo si Ana (Julia Montes) at Samantha (Shaina Magdayao), magkapatid sila pero parang kahit kapiranggot at wala silang nararamdaman na gaan sa isa’t isa lalo na sa parte ni Samantha.

Alright, sabihin na nating nagbago na si Samantha dahil wala na ang balat sa kanyang mukha ngunit, sapat na ba iyon para hindi siya makilala ni Ana? Saka, sa parte naman ni Samantha, wala namang binago sa mukha ni Ana pero hindi pa rin niya ito nakilala gayung kung tutuusin naman ay mas matanda siya rito.

Kalokohan talaga. Ito ang nakakainis sa mga teleserye na napapanood natin. Parang ginagawang ‘tanga’ ang mga tao. Makapaglagay lang sila ng conflict, hindi nila iniisip na may mga dapat din silang alalahanin. Tulad nga ng dapat na maging pakiramdam kapag muli mong natagpuan ang iyong kadugo o kapamilya.

Kaya, kahit na magagaling ang artista parang na-turn off ako sa takbo ng istorya. Parang hindi makatotohanan. Kunsabagay, ang galit na nararamdaman ni Ana ay sapat na talaga para makapag-isip siya ng masama sa kanyang kapwa. Partikular na sa mga taong naging dahilan kaya napahamak ang kanyang pamilya.

Pero tulad pa rin ng sinabi ko ng nakaraan, hindi ko man gusto ang takbo ng istorya na para bang walang puso si Samantha dahil sa galit na nananahan sa kanyang puso. Salubo pa rin ako sa kanyang pag-arte. Kapani-paniwala kasi talaga na masama siyang tao. Nakikita ko sa kanyang mga mata ang kanyang galit. Ibig kasi niyang solohin ang pagmamahal kay Gael (Paulo Avelino) na sa palagay ko naman ay dapat lang dahil siya ang misis. Ang hindi ko lang maintindihan, bakit kailangan pa niyang hanapin si Ana gayung dapat nga ay iiwas niya na nakitang buhay pa ito dahil baka kapag nalaman ni Gael na buhay pa si Ana ay kukomprontahin pa niya ito at mabubuking pa sila.

Kung hindi man maganda ang tingin ko sa takbo ng istorya, ito ay sa sarili ko lang opinyon. Tiyak ko rin naman kasi na marami rin ang nakakapansin sa klase ng istorya na kanilang pinapalabas. Sana lamang ay maging daan ang mga sinasabi kong ito para pagbutihin pa ng mga manunulat at direktor ang kanilang obra dahil para rin naman ito sa kabutihan ng lahat. Paraan din naman ito para tumaas ang rating ng programa.

Huwag lang tumutok sa tanong na ‘what if?’, kailangan din siyempreng isipin ang pakiramdam ng mga tao lalo na kung ang magkalaban ay magkakadugo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here