Asintado Review: Ana, Nahulog Sa Patibong

0
499
Mukhang mahuhulog na nga si Stella sa patibong na inihanda ni Gael, abangan natin 'yan sa ASINTADO

Geraldine Monzon

Geraldine Monzon; Writer in komiks/pocketbooks/newspaper/indie film
My motto in life is; Be stronger than your excuses. If you can't say it, write it.

Latest posts by Geraldine Monzon (see all)

Habang tumatagal ay papaganda nang papaganda ang bawat episodes ng Asintado na pinagbibidahan nina Julia Montes, Shaina Magdayao, Aljur Abrenica at Paulo Avelino. Tulad na lang ng episode kanina , matapos mapapayag ni Salvador Del Mundo (Nonie Buencamino) si Stella (Julia Montes) na dumalo sa kanilang event ay hindi na rin nagpapigil si Gael (Paulo Avelino) sa kanyang inihandang patibong  para kay Stella. Gusto niyang mapatunayan na si Stella at si Ana ay iisa kaya naman gagawin niya ang lahat para malaman ang buong katotohanan.  Bago ito ay maganda ang naging sagutan nina Stella at Samantha ( Shaina Magdayao). Halatang halata naman na nagpaplastikan lang sila. Bawat salitang lumalabas sa mga bibig nila ay may ibig sabihin at patama sa isa’t-isa. Wala akong itulak kabigin sa galing ng pag-arte nina Julia Montes at Shaina Magdayao.Aliw na aliw ako sa mannerism ni Sam sa paghawi niya sa buhok niya. Kaya naman palagi kong inaabangan ang eksena nilang dalawa sa Asintado lalo na kapag nalaman na nila ang tunay na relasyon nila sa isa’t-isa.

Sa kabila ng lakas ng loob nina Stella at Xander (Aljur Abrenica) sa pakikipaglapit kay Salvador ay hindi naman maiwasan ni Yvonne (Louise Delos Reyes) ang mag-alala. Nangangamba siya na mahulog lang sa patibong ang dalawa. Pero, wala ngang balak magpapigil sina Stella at Xander lalo pa at sa tingin nila ay umaayon sa kanila ang pagkakataon.

Ang mga huling eksena ay makapigil hininga sa pagpasok nina Lola Puring (Gloria Sevilla) at Tantan (Ryle Paolo Tan) sa event. Ito ang inihandang patibong ni Gael para kay Stella. Alam kasi niya kung gaano kamahal ni Ana ang pamilya niya at maaring ito ang maging susi para mapaamin niya si Stella na ilabas ang tunay niyang pagkatao. Pero mukhang sasablay ang ideyang ito ni Gael dahil kapag nangyari ang gusto niya, ito ang maglalagay kay Ana sa peligro. Abangan na lang natin sa episode ng Asintado bukas kung paano malulusutan ni Stella ang eksenang ito na sisira sa lahat ng kanilang mga plano.

Hindi rin maitatanggi kung gaano karami ang sumusuporta sa  Asintado  dahil nito lang Sabado ay napanood ko sila sa Farmers Cubao kung saan sila nagmall tour. Hindi ako makasingit sa kapal ng mga tao at nakakabingi ang hiyawan. Alam na alam ng mga audience ang mga eksena at karakter sa Asintado kaya hindi nakakapagtaka kung mataas man ang rating na makuha ng palabas na ito.

Ang susunod nilang mall tour ay gaganapin naman sa Batangas kaya huwag n’yo palalampasin ang bawat episode ng Asintado.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here