ANO ANG PAMANTAYANG ITINUTURO NG BIBLIA TUNGKOL SA PAKIKIPAGKAIBIGAN?

Kaibigan, lahat naman tayo siguro ay may kaibigan. Kaysarap kasi ng mayroong mga kaibigan dahil napapasaya tayo, natutulungan, may nasasandalan, may mapagsasabihan ng sama ng loob— ng sikreto at may kaaliwan sa buhay.

Mahalaga sa buhay ang mga kaibigan. Subalit, may itinuturo ang Banal Na Kasulatan kung papaano titimbangin ang pakikipagkaibigan— at kung ano ang pangmalas sa masasabing tunay na mga kaibigan.

Kadalasan, nagiging magkaibigan ang ilang tao dahil sa kanilang pagkakapareho ng prinsipyo, paniniwala at idelohiya, interes o hilig, propesyun at iba pang mga aspekto sa buhay.

Subalit, sinasabi ng Biblia, na ang isang tunay na kaibigan ay maasahan sa oras ng pangangailangan at siyang makaaagapay sa isa sa panahon ng kabagabagan. (Kawikaan 17:17).

Isa pa, ang totoo at tunay na kaibigan ay tapat. Bagama’t kaibigan ka niya at kapag may mali kang ginagawa, sasawayin ka niya sa iyong kalikuan. Kasi, ayaw ka niyang mapahamak at mapariwara. Natural na masaktan ang isa sa pagkontra ng isa sa mali ng isa. Nakakababa ng ego. Pero, iyon ang makabubuti kaysa sa kaibigang konsentidor.

“May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa sa halik ng isang kaaway.” (Kawikaan 27:6).

Hindi ba’t ganyan ang reyalidad? May mga taong kaibigan mo lang dahil may pakinabang sila sa iyo. Halimbawa, ang isa ay mayaman, natural o reyalidad na sa buhay na maraming kaibigan ang mayaman. Subalit, ano ang katotohanang sinasabi ng Biblia na kapag ang mayaman ay hindi na mayaman, o halimbawang naghirap? Kakaunti o mawawalan pa nga ng kaibigan

“Ang kayamana’y umaakit ng maraming kaibigan, ang mahirap ay tinatalikuran ng dating kasamahan.” (Kawikaan 19:4).

Sinasabi rin ng Biblia na may pagkakaibigang madaling lumamig. Ngunit, may kaibigang higit pa sa magkapatid (ang turingan sa isa’t-isa). (Kawikaan 18:24).

Ngayon, anu-ano ba ang pamantayan ng Biblia sa pagpili ng mabubuting kaibigan at sinu-sinong mga kaibigan ang dapat iwasan?

Iwasan ang may mga masasamang pag-uugali. (I Corinto 15:33).

Makisama sa mga may-unawa at huwag sa mga mangmang. (Kawikaan 13:20/ Kawikaan 15:2).

Ang mabuting kaibigan ay isang mabuting taga-payo. (Kawikaan 12:26).

Umiwas sa mga baluktot ang isipan at mahilig sa tsismis o makati ang dila. (Kawikaan 16:28, 20:19).

Iwasan ang mga taong tamad, bagama’t may kakayahang magtrabaho, ayaw magtrabaho. (Kawikaan 6:9-11, 19:15, 20:4).

Makisama sa mga kaibigan (anak) na gumagalang sa mga magulang. ( Kawikaan 15:20, Efeso 6:1).

Huwag makipagkaibigan sa mga taong bugnutin at maiinitin ang ulo. ( Kawikaan 22:24).

Huwag makisama sa mga lasenggo at masiba sa pagkain. ( Kawikaan 23:20).

Ang mga mabubuting kaibigan ay may takot sa Diyos,  sumasampalataya at sumusunod sa kanyang utos. ( Eclesiastes 11:9, 12:13, Kawikaan 8:13).

May ilang modelo ng isang mabuting pagkakaibigan ang nakasaad sa Biblia. Na nararapat tularan upang maipadama ang dalisay na pagkakaibigan.

Halimbawa ay ang pagiging magkaibigan nina David at ni Jonathan ( anak ni Haring Saul ng Israel)— na ang kanilang pagkakaibigan ay parang magkapatid. Sumumpa sila na magiging magkaibigan habangbuhay. (I Samuel 18: 1-4).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here