Ang wagas na pag ibig ni Aling Vilma

Latest posts by Maria Angela Gonzales (see all)

Bawat misis ay umaasam na magiging tapat sa kanila palagi ang kanilang mister. Kung magkakamali naman si lalaki, tiyak na gigiyerahin ni misis pati na rin ang kinalolokohan ng kanilang mister. Ngunit kahit na alam na alam ni Vilma na niloloko na siya ng mister niyang si Chairman Adobo, di niya inalintana. Ang iniisip niya kasi, karaniwan sa lalaki na humahanap ng ibang putahe pero kapag nagsawa ay babalik din sa orihinal na putahe. “Yon ay ang tunay na asawa.

Sa madaling salita, tiniis ni Aling Vilma ng ilang dekada ang pambababae ng kanyang mister. Ang mahalaga sa kanya ay sa kanya ito umuuwi at mayroon silang tatlong anak. Kaya nga lang, nagkaroon din ng anak si Chairman Adobo sa ibang babae. Kahit ganoon ang nangyari, pinatawad pa rin ni Aling Vilma ang kanyang mister. At sa sobrang pagmamahal niya sa kanyang mister, pati ang anak ng mister niya sa ibang babae ay kanyang minahal at inalagaan.

Sa katunayan nga pati ang mga apo ni Chairman Adobo sa babaeng kanyang kinalokohan noon ay nagawa rin niyang alagaan at mahalin. Kaya, marami ang humahanga sa dedikasyon ni Aling Vilma bilang misis. Hanggang sa huling sandali nga ni Chairman Adobo, nanatili si Aling Vilma sa kanyang tabi at sinumpang wala ng iba pang iibigin.

Kung minsan talaga, hindi importante ang mga pagkakamaling nagawa ng iyong asawa. Mas mahalaga iyong mapanindigan mo ang ipinangako mo sa harap ng altar na kamatayan lamang ang makapaghihiwalay sa inyo.

Ikaw, gaano mo kamahal ang iyong asawa?

MAG

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here