Ang UFO crash site sa DALNEGORSK

Kabilang ang pagbagsak ng hugis bilog na bagay sa Dalnegorsk sa mga pangyayaring itinuturing na may kaugnayan sa mga unidentified flying object o UFO na hindi lubusang nabigyan ng atensyon ng media para mapabilang sa mga sensational na kaso sa paksang ito. Ayon sa ulat, noong gabi ng ika-29 ng Enero, 1986, may hugis bilog na bagay na lumitaw sa papawiring nasaksihan ng daan-daang tao sa maliit na minahang bayan ng Dalnegorsk sa dulong bahagi ng silangan ng Russia.

               Matapos ang ilang sandali ng pananatili sa papawiring hindi gumagalaw, nagsimulang kumilos ng mabilis pababa ang hugis bilog na bagay hanggang bumagsak sa bundok ng Izvestkovaya na tinatawag ding Height 611 at Hill 611. Ayon sa daan-daang taong nakasaksi sa pangyayari, nakarinig sila ng malakas na pagsabog at natanaw ang pagsiklab ng malakas na apoy sa lugar na binagsakan ng bilog na bagay na hinihinala ng maraming nakasaksing UFO.

               Kahit nabalita ang pangyayari, hindi agad nakarating ang mga magsasagawa ng imbistigasyon sa bundok ng Izvestkovaya kaya naunang dumating ang mga tao mula sa Dalnegorsk sa binagsakan ng bilog na bagay. Sa imbistigasyon, kahit nakita ng mga imbistigador ang patunay na may bumagsak na bagay na sumunog sa mga damo at kahoy sa lugar, hindi sila nakatagpo ng mga ebedensyang may kaugnayan sa pangyayaring sinasabi ng mga taga-Dalnegorsk, ang pagbagsak ng UFO.

               Ngunit sa patuloy na pagsisiyasat sa lugar, nakatagpo ang mga imbistigador ng mga bagay na tila magkahalong bato at metal na hindi natatagpuan sa mundo na ibinigay nila sa kanilang pinunong si Valeri Dvuzhilni ng Far Eastern Committee for Anomalous Phenomena. At sa patuloy na pagsusuri sa crash site sa bundok ng Izvestkovaya ng mga imbistigador ng hugis bilog na bagay, nakatagpo sila ng mga maliliit na metal na may sukat na 2 hanggang 5 milimetro.

               Labis na nagtaka ang mga imbistigador ng silipin ang loob ng natagpuang mga maliliit na bagay na tila bato sa crash site sa bundok ng Izvestkovaya dahil binubuo ito ng mga metallic fibers na may hibla ng ginto at quartz crystal. Ayon pa sa pahayag ng mga nagsagawa ng pagsusuri, kabilang ang kakaibang bato sa mga bagay na natatagpuan sa kalawakan ngunit labis silang nagtaka sa disenyo ng loob dahil likhang sining ito ng nilalang na may napakataas na katalinuhan.         

Napagtuunan din ng pansin ng mga imbistigador ang nasunog na mga damo at kahoy sa paligid ng crash site na natunaw ang bahaging nakaharap sa lugar na binagsakan ng hugis bilog na bagay sa bundok ng Izvestkovaya. At ayon pa sa mga imbistigador, nakatagpo sila sa lugar ng carbon mula sa mga nasunog na kahoy na nalilikha lamang kapag umabot ang init sa 3,000 Celsius o 5,432 Fahrenheit.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa lubos na nabibigyan ng paliwanag ang naganap sa bundok ng Izvestkovaya ngunit nagbigay ng pahayag si Valeri Dvuzhilni na posibleng bukod sa sunog na naganap sa pagbagsak ng bilog na bagay, nagkaroon pa ng panibagong pagsiklab ng malakas na apoy sa lugar. At sa dagdag pang paliwanag ng pinuno ng mga imbistigador, posibleng bahagi ng UFO ang natagpuang mga maliliit na bagay na nakumpuni at nakaalis sa crash site bago dumating ang mga tao mula sa Dalnegorsk.

Kuwento ni BOBBY V. VILLAGRACIA mula sa pananaliksik.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here