Ang Tunay na Halaga

162

KINUSOT pa ni Cecille ang kanyang mga mata upangmatiyak kung tama nga ang kanyang nakita at hindi siya pinaglalaruan lang ng kanyang guni-guni.

            Iyon nga ay ang kanyang boyfriend na si Mhon at may kasama itong  maganda at seksing babae habang nakapila sa ticket booth ng sinehan.

            Kitang-kita pa niyang sweet na sweet ang dalawa habang panay ang lambingan at yakapan. Tila ba walang pakialam sa mga taong noo’y nakatingin na sa kanila.

            Huminga siya nang malalim.

            Pilit niyang kinalma ang sarili. Hindi niya hahayaang tuluyang sumabog ang nag-aalimpuyong galit sa kalooban niya.

            Isa siyang disenteng babae, at sa kabila ng katunayang niloloko siya ng kanyang nobyo, magpapakahinahon pa rin siya at hindi isusuong ang sarili sa isang nakakahiyang sitwasyon.

            Diretso siyang naglakad tungo sa direksyon ng dalawa.

            Nang mga sandaling iyon ay wala pa ring tigil sa paglalampungan ang kanyang nobyo at ang babaing iyon. Sadyang hindi alintana ng mga ito ang mga mapanuring mata na nakatingin sa kanila.

            Nang makalapit siya sa likuran ng mga ito ay umubo siya nang malakas. Intensyon talaga niyang mapansin siya ng mga ito.

            Napatigil ang dalawa sa paglalampungan at napatingin sa gawing likuran kung saan naroon at sadyang hinihintay ni Cecille ang paglingon nila.

            “Nagulat ka ba Mr. Mhon Falcon? Busy ka pala sa trabaho mo kaya hindi kita ma-contact,” mahinahon ngunit matalim na nakatingin siya sa nobyo.

            Halos mawalan ng kulay ang mukha ni Mhon nang makilala ang babaing kaharap niya.

            “C-Cecille, ano’ng ginagawa mo rito?”

            “Hindi ba dapat ako ang nagtatanong sa ‘yo n’yan, Mhon?”

            “Kilala mo siya, hon?” sabat ng babae.

            Hinarap at tinapunan nang matalim na tingin ni Cecille ang babae at, “Manahimik ka lang d’yan at baka tirisin kita!”

            Iyon lang at parang maamong tupa na kumulawit sa braso ni Mhon ang babae at nagkubli sa likuran nito.

“Sino ba ‘yan, Mhon? Ang tapang..!” tanong nito.

            “Bakit hindi mo sabihin sa kanya kung sino ako, Mhon?”

            “Aileen, saka na tayo mag-usap,” turan nito sa kasamang babae.

            “Ano, iiwan mo ako? Sino ba ang babaing ‘yan?”

            Hindi na pinansin ni Mhon ang babaing kasama. Pagkuwan ay hinawakan nito sa balikat si Cecille, “Halika na at umuwi na tayo.”

            “Bitiwan mo ako! Gising na ako, Mhon! Tapos na ang kahibangan ko sa ‘yo!” mahinahon ngunit matigas niyang sabi.

            “Ano’ng ibig mong sabihin? Makikipaghiwalay ka na sa akin!”

            “Dapat noon ko pa ‘yan ginawa, Mhon! Noon pa sana ako nakinig sa aking mga kaibigan na niloloko mo lang ako! Huh u hu!”

            Tuluyan nang tumalikod at iniwan ni Cecille ang nobyo. Walang lingon-likod itong sumakay ng taxi.

            Sa loob ng taxi, tuluyan nang humulagpos ang sama ng loob ni Cecille.

Parang bata siyang napahagulgol.

Samang-sama ang loob niya sa nobyo. Sa loob kasi ng dalawang taon nilang pagsasama ni Mhon ay naging tapat siya rito.

            Minahal niya ito nang higit pa sa kanyang sarili.

            Buong puso at kaluluwa ay ipinagkaloob niya sa pag-aakalang tatapatan din ito nang wagas na pagmamahal ng lalaki.

            Pero nabigo siya.        

            Ngayon nga ay gising na siya sa kahibangang iyon.

            NANG umuwi ng apartment si Mhon ay wala na doon ang gamit ni Cecille. Hindi niya akalaing tototohanin ng kasintahan ang banta nitong pakikipaghiwalay sa kanya.

            Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya nang matinding pagsisisi.

            Nang kawalan.

            Nang pangungulila.

            Matuling na lumipas ang mga araw.

            Linggo at buwan.

            Nananatiling nag-iisa si Mhon.

            Aywan niya kung bakit, simula nang iwan siya ni Cecille ay saka naman niya tinigilan ang pambababae. Bigla na lang bang para itong pagkain na nawalan siya ng appetite sa mga ito.

            Kahit na nga ba ang mga babae pa ang lumalapit sa kanya ay sadyang umiwas na siya rito.

            Ang dahilan, iisa ang tunay na nilalaman ng kanyang puso.

            Si Cecille.

            Na ngayon ay malayung-malayo na sa kanya.

            Makaraan ang apat na buwan, pagkatapos ng ilang ulit niyang pagbabakasakali ay pumayag na ring makipagkita at makipag-usap sa kanya si Cecille sa isang restaurant.

            Kabado si Mhon habang hinihintay ang pagdating ng dating kasintahan.

            Pilit niyang kinalma ang sarili nang makitang papalapit na sa kanyang direksyon ito.

            “Salamat at dumating ka, Cecille,” aniya habang inio-offer dito ang isang upuan.

            Nang matingnan niya nang malapitan ang dating kasintahan ay hindi na niya naitago ang ibayong kasiyahan.

            Samantalang si Cecille ay pormal na pormal maging ang ayos ng mukha nito.

            Hindi agad nakapag-usap si Mhon, naroon lang siya at masayang pinagmamasdan ang mukha ni Cecille. Tila ba gusto nitong ipahiwatig na miss na miss na nito ang dalaga.

            “I don’t have all the time, Mhon. Ayokong maging bastos pero ano ba ang gusto mong sabihin?” direktang sabi ng dalaga.

            Napalunok si Mhon bago nakapagsalita, “I’m sorry. Alam kong napakalaki ng kasalanan ko sa ‘yo, Cecille. I know it’s a long shot…pero can I ask you to give me another chance?”

            Seryosong tiningnan siya ni Cecille. Tila ba tinitiyak ang kaibuturan ng kanyang mga sinabi.

            “Alam mo, Mhon…maybe…If you asked me that question way back, marahil ay iba ang maisasagot ko sa ‘yo. Pero I have made up my mind. Akala ko nga all you want to here from me is closure. Don’t you worry, tapos na sa akin ang lahat ng iyon. Ibinaon ko na sa limot.”

            “I have moved on, Mhon. At kung ikaw, hindi pa rin…maybe…this is the time that you move on with your life.”

            “I’m sorry, Mhon, but I have to go.”

            Iyon lang at tuluyan nang umalis si Cecille.

            Ang dapat sana’y maramdaman ni Mhon na siya na ang pinakamalungkot na tao sa mga sandaling iyon. Dahil kung kailan natuklasan niya ang tunay na halaga sa kanya ni Cecille ay saka naman nito tinuldukan ang kanilang relasyon.

            Aywan niya kung bakit, nang sandaling makita niya ang dating kasintahan ay para bang nabigyan siya ng bagong sigla at bagong pag-asa sa buhay.

            Marahil puwedeng sabihing isang suntok sa buwan ang kanyang naiisip…

            Pero kailangan niya iyong gawin para sa sarili…at sa isinisigaw ng kanyang puso.

            Ang pinakamamahal niyang si Cecille.

            Ironic, pero may munting-ngiti na sumilay sa kanyang mukha.

            Positibong enerhiya ang idinulot sa kanya nang muli nilang pagkikita ng dating kasintahan.

            All hope is not lost, ‘ika nga.

            At hindi siya susuko sa pagkakataong iyon.

            Gagawin niya ang lahat ng paraan upang patunayan kay Cecille na nagbago na siya at head over heels in love pa rin siya rito.

            Samantala, dapat ay maluwag na ang kalooban ni Cecille dahil finally, nagkaroon na ng closure ang kanilang relasyon ni Mhon.

            Ang unang lalaking pinagkatiwalaan niya ng kanyang puso, ngunit ang lalaki ring umugit nang malaking sugat rito.

            Subalit hindi niya maunawaan ang sarili, malungkot siya sa ginawang iyon.

            Bakit parang natatakot siya sa isiping tuluyang hindi na sila magkikita ni Mhon dahil tinuldukan na  niya ang kanilang relasyon.

            Hindi ba’t siya pa ang nagsabi ritong she has moved on. At dapat daw ay mag-move on na rin ang lalaki.

            Aywan niya kung bakit, hindi niya magawang dayain ang sarili.

            Sa kabila ng ginawa ni Mhon, ito pa rin ang lalaking minamahal niya.

            Si Mhon pa rin ang lalaking tunay na mahalaga sa kanyang puso.

            Fate.

            Ironies.

            Marahil sa isang pagkakataon, magtatagpo pa rin ang landas nina Cecille at Mhon.

            Marahil sa susunod na maglaro ang tadhana sa kanilang dalawa, mabubuo na ang isang relasyon tunay na magpapahalaga sa kahalagahan ng bawat isa.

                                    (wakas)

PhilippineOne Facebook

PhilippineOne Youtube

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here