ANG TIKBALANG SA SAPANG MABILO

0
197

Latest posts by BOBBY V. VILLAGRACIA (see all)

Naging ugat ng kuwentong ito ang mga kuwento  ni Lola Pilo, Felomena Jamito Villaluz, lola ko sa panig ng ina tungkol sa tikbalang, tiyanak at iba pang nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan tulad ng asbo, orokotok at tambulislis na pinaniniwalaan sa Camarines Norte  at kalapit na lalawigan. Ginagawa niya ang pagkukuwento para bigyan ng kasiyahan ang mga apo niya kapag natutulog sa kanilang bahay sa barangay Napaod, Labo, Camarines Norte.

               Dahil katabing barangay lang ang Napaod ng barangay na tinitirhan namin, madalas kaming pumunta ng nanay ko at doon nagpapalipas ng gabi para dalawin ang mga magulang. Sa minsan naming pagdalaw, niyaya ako ni Tiyo Ebot (Adolfo Villaluz), nakakabatang kapatid ng aking inang maligo sa sapa ng Mabilo na malapit sa kanilang bahay.

               Bukod sa mabato, may bahaging matarik ang sapa ng Mabilo na napapalibutan pa ng gubat ang  magkabilang pangpang ng panahong ‘yun kaya hindi naiwasang nagbalik sa isip ko ang mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan tulad ng tikbalang na laman ng kuwento ni Lola Pilo. Ayon sa kuwento niya sa nilikhang ito, kapag lumalabo ang sapa na maganda ang panahon, may tikbalang na namamalakaya sa ilayang babagi ng sapa.  

               “Sa pamamalakaya, ginagawang panghuli ng tikbalang ang malapad na bayag para mahuli ang mga hipon na paboritong pagkain”, kuwento ni Lola Pilo. “At dahil malakas siya, nabubungkal niya ang malalaking bato para palabasin ang mga hipong nakatira doon kaya lumalabo ang sapa!”

               Habang naliligo, napansin kong lumalabo ang tubig ng sapang Mabilo kaya sinabi ko sa kasama kong nakakabatang kapatid ng aking ina ang nagaganap na naglalaro na sa isip ko ang dahilan, ang nilikhang tikbalang. Ewan ko kung tinatakot ni tiyo Ebot o seryoso ng sabihing bilisan namin ang paliligo dahil nasa ilaya ng sapa ang tikbalang at namamalakaya kaya lumalabo ang tubig.

               “Kapag nadatnan tayo ng tikbalang, bibihagin tayo at dadalhin sa gubat na ‘yun”, wika ni tiyo Ebot na sinabayan ng turo sa gubat na nasa gilid ng sapa hindi kalayuan sa bahaging pinapaliguan namin.

               “Malamang nga”, sagot kong naniwala sa sinabi ni tiyo Ebot. “Kaya, sige, magbabanlaw na ako, ayaw kong mabihag ng tikbalang sa gubat!”  

               Dahil sa malaking takot sa tikbalang, mabilis kong tinapos ang paliligo at nagbihis upang hindi maiwan ng aking tiyuhin na mabilis ding nagbihis para umalis sa sapa ng Mabilo na patuloy na lumalabo ang tubig. Nang makarating sa bahay, ikinuwento ko kay Lola Pilo ang nangyari na kaagad nagbigay ng komentaryong tama ang ginawa namin dahil malamang na namamalakaya ang tikbalang na nakatira sa gubat sa gilid ng sapang Mabilo kaya lumalabo ang tubig. kamalayan.

               Ngunit sa pagdaan ng mga araw, natuklasan kong maraming dahilan ang paglabo ng tubig ng isang sapa kahit umaaraw at maganda ang panahon. Kabilang sa dahilan ang pag-ulan sa ilayang bahagi, paliligo ng hayop katulad kalabaw at iba pang gawa ng tao kaya kung tutuo o hindi ang  pangyayaring itong nagbigay ng takot sa musmos kong isipan, hindi ako makakapagbigay ng konklusyon, ang mahalaga, napalaya ang nakaimbak na kuwento sa aking kamalayan.

Kuwento ni BOBBY V. VILLAGRACIA mula sa sariling karanasan.   

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here