ANG ‘RAIN OF FISHES’ SA HONDURAS AT IBA PA

Kung minsan, may mga kakatwang bagay sa himpapawid ang nangyayari. Ilan sa mga naitala na sa Weird Atmospheric Phenomenon ang pag-ulan ng isda sa Honduras at ang nasaksihang bahag-haring apoy sa Idaho.

Isang kakatwang pangyayari ang naging alamat na sa bansang Honduras. Ito ay nang mangyari ang ‘The Rain of Fish’ na naging karaniwan na sa Honduran Folklore. 

Ito raw ay nangyari noong taong 1878 at 1908, noong buwan ng Mayo at Hulyo ayon sa pagkakasunod. Subalit, sadyang hindi malilimutan ng mga taga-roon ang naganap na ‘1908 Rain of Fishes’, dahil nasagot na ang malaong katanungan ng mga tao— na ang sinasabing alamat ay totoo ngang nangyayari.

Ang mga saksi sa naturang kakatwang phenomenon ay nagpapahayag na nagsimula ang ‘Rain of Fishes’ nang kakatwang nangitim ang kaulapan sa erya ng ‘Departamento de Yoro’. Matindi ang dark cloud sa himpapawid na nagpaging kulay lila o violet ng kalangitan. Pagkatapos nun ay sunod-sunod ang pagkidlat at pagkulog. Malakas na bugso ng hangin at bumuhos na ang heavy rain sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.

Nang huminto ang malakas na ulan, gulantang ang mga miron sa sumunod na bumagsak mula sa himpapawid. Papaano kasi’y daang-daang mga buhay na isda ang bumagsak mula roon na nagpipisik pa nang bumagsak sa mga lansangan.

Kahit nagulantang man ang mga tao, masayang lumabas ang mga nasa loob ng bahay, ang mga nasa lansangan at sa mga kani-kanilang paggawa’y sama-samang kumuha ng mga buhay na isdang bumagsak. Dinala nila ito sa kanya-kanyang mga bahay at niluto.

Kaya naman, naisip ng mga taga- Honduras na magsagawa ng isang festival na sinimulan nila ng taong 1998 na tinatawag na ‘Festival de la Lluvia de Peces’ o ‘Rain of Fish Festival’. Ito ay isinasagawa nila taun-taon sa city of Departamento de Yoro kung saan ay sama-samang nagluluto ng iba’t-ibang uri ng isda ang mga taga-roon. Karaniwang iniihaw ng mga taga-roon ang isda sa labas ng kanilang mga bahay o sa mga lansangan na ibinabahagi sa mga gustong kumain. Batay naman sa mga eksperto,nangyayari ang pagbagsak o pagbuhos ng isda dahil tinatangay ito ng malakas na hangin sa ere o sa himpapawid dahil sa lakas ng pressure. Nasasama ito sa siklo ng ulan at kapag naganap na ang precipitation o pagbagsak ng ulan sa lupa, kasama nang bumabagsak ang isda. Gayuman, mas malala kapag natangay sila ng malakas na hangin o ipo-ipo.

Bukod sa isda, may naitala ring pagbagsak ng ilang hayop mula sa himpapawid gaya ng palaka, gagamba, alimango,uod, maging ang buwaya (alligator), fruit foxers o uri ng paniki, pusit, ahas at blackbirds na pawang patay nang bumagsak sa lupa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here