Ang Probinsyano: Palabas ni Coco, masakit na sa ulo

787

Si Cardo (Coco Martin) naging berdugo na. Kung ako ang tatanungin, ang palabas na Ang Probinsyano ay hindi na maganda lalo na para sa mga kabataan na umiidolo kay Cardo. Hindi na kasi siya huwarang pulis na dapat hangaan kundi isang rebelde na nagpaparusa sa mga nagkakasala at iyon ang pangit na halimbawa. Kagaya na lang sa episode ngayon, pinalo ni Cardo ng billiard ball sa ulo ang pusher. Kahit naman masamang tao iyon at ang nais lamang ng grupong Vendetta na umayos ang ating bansa, hindi pa rin tama ang ganoong karahasan lalo na’t maraming kabataan ang nakakapanood sa kanila.

Ang mali ay mali. Kahit sabihing tama ang intensyon, hindi pa rin iyon makabubuti sa mata ng nakararami. Kahit na sabihin na ang nais lamang naman ni Cardo ay mabigyan ng hustisya ang mga taong nasira ang buhay. Sana ay pinaiiral pa rin niya ang kanyang katinuan sa paggawa ng tama. Hindi porke mga rebelde na ang kasama niya ay magbabago na rin ang kanyang pag-uuli. Sa totoo lang, ang tingin ko na ngayon kay Cardo Dalisay ay isang kriminal.

Ano ba ang nangyayari sa Ang Probinsyano? Bakit sobra ng mabigat ang tema nito? Dahil lang ba sa gustong ipakita ni Coco Martin ang mga karahasang nangyayari ngayon sa ating kapaligiran kaya hindi na niya naiisip ang maaaring maging epekto ng mga ginagawa niya sa isipan ng mga kabataan na humahanga sa kanya? Paano kung sa pag-iidolo sa kanya ng mga ito ay ganoon na rin ang gawin sa kanilang mga kaaway.

Aba, Mr. Coco Martin, dapat naman ay maging responsable ka sa mga palabas na ginagawa mo. Maaari mo namang i-tackle ang mga nangyayari sa ating bansa na hindi gumagawa ng karahasan ang bida ng serye. Dahil ang mga ginagawa mo ang magbubukas ng pintuan na kalimutan na ng mga kabataang humahanga sa’yo ang tama. Baka ang gawin na lang ay ang mali.

Isa pa, nakakainis na rin ang daloy ng istorya. Hindi pa nga natatapos ang isyu tungkol sa mga rebelde, tapos bumalik na agad sa droga. Nagkapatung-patong ang isyu at nakakasakit na ng ulo kaya hindi kataka-taka kung bakit ang mga nakaraang isyu tungkol ‘Buwitre’ ay natabunan na ng husto. Kaya naman, nakaka-bored na talaga ang istorya na ito. Para ngang mas maigi pang tapusin na lang ang istoryang ito na sigurado namang dalawa lamang ang kahahantungan ni Ricardo Dalisay, kung hindi kulong ay kamatayan.

SHARE
Previous articleHappy happy Birthday RACQUEL BORLADO SENA
Next articleAng kahulugan ng kulay berdeng ahas
MIA SALONGA studied professional makeup and worked as a nurse in a dermatological center. She is also a romance writer and is currently training to become a scriptwriter. She hopes to one day see her written work come alive on the small or big screen.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here