ANG PASAWAY AT ANG MASUNURIN: Part Seven

0
394

KAHIT marami rin namang lalaki ang nagpapa-cute kay Anna Maria, tanging kay Dondon lang siya naapektuhan ng ganito. Malamang dahil sa crush niya ito kaya ganoon na ang siya kaapektado.

Erase! Erase! Erase! Kailangang burahin niya sa kanyang isipan kung ano ba ang kanyang nararamdaman dahil hindi iyon makakabuti, makaka-distract pa nga sa kanya. Ang goal niya sa buhay ay makapagtapos ng pag-aaral at makatulong sa kanyang pamilya. Kaya, wala siyang dapat isipin kundi ang trabahong ibinigay sa kanya.

“Ano bang klaseng paglilinis ‘yan?” inis niyang tanong. Pinameywangan pa niya si Dondon nang lingunin siya.

Kung ibang babae lang ito, mapipikon na si Dondon. Aba, nagawa na siya nitong sigawan tapos pinameywangan pa siya. Ngunit dahil sa pawala, este, inutusan ito ng kanyang Lola Trining o maaaring kasama rin ang Lola Lily niya sa planong iyon, minabuti na lang niyang manahimik.

Kapag napagmamasdan naman kasi niya ang maganda at maamo nitong mukha, talagang agad siyang nakakaramdam ng kaginhawahan. Siguro nga ay dahil crush na crush niya ito. Kaya, kahit tarayan siya nito nang tarayan, balewala lang sa kanya. Ang mahalaga sa kanya ay makita ito palagi.

“Huwag mo nga akong titigan ng ganyan,” mataray na sabi ni Anna Maria. Kung hindi niya tataasan ang kanyang boses, baka mahalata nito ang kilig na kanyang nararamdaman. Hindi siyempre dapat na mangyari iyon. Ayaw niyang mapagtawanan nito. Kahit naman ipinaparamdam nito sa kanya na ang ganda-ganda niya sa paningin nito, hindi niya iyon dapat paniwalaan. May palagay siyang kaya ganoon ang tingin nito sa kanya ay dahil plano lang nito na ibilang siya sa mga babaeng pinasakay nito. Pwes, hindi siya magpapaloko rito.

“Ang ganda mo kasi.”

“Matagal ko ng alam.”

Natawa si Dondon. Hindi kasi iyon ang inaasahan niyang sasabihin ng babae tapos pasinghal pa. Ang ini-expect niya ay magpapa-cute ito sa kanya. Lalo tuloy gusto niyang patunayan na makukuha rin niya ang matamis nitong ‘oo’.

“Iyang paglilinis mo, asikasuhin mo.”

“Ang taray mo naman.”

“Nandito kasi ako para bantayan ka.”

“Hindi naman ako baby.”

“Para kang bata.”

“At ikaw ba matanda ka na?”

“15 na ako.”

“16 na ako.”

“Isip bata ka pa rin.” “Hindi, ah.”

“Kaya ka nga nandito ngayon ay dahil iresponsable ka pa. Kaya kailangan ay matutunan mo ang salitang responsibilidad at mangyayari lang iyon kapag sinusunod mo ang lahat ng ipinag-uutos sa’yo.”

Matagal tinitigan ni Dondon si Anna Maria. Para kasing sa tingin niya ay nag-mature pa ito ng ilang taon. Dahil doon, parang gusto niyang lalo itong hangaan. Sa ilang taon kasi ay hindi siya nakakita ng ganitong klaseng babae. Ang karaniwan niyang nakikilala ay iyong easy to get at easy go lucky. Pero, hindi ganoon si Anna Maria. Responsable ito at malaki ang pagpapahalaga sa sarili at pamilya.

“Ang lupit mo naman.”

“Para naman sa’yo ‘yan.”

“May care ka pala sa akin.”

“Napag-utusan lang ako.”

“Hindi ako naniniwala.”

“Magtigil ka.”

“Uy, namumula siya.”

“Ganyan lang talaga ang kulay ko.”

“Parang hindi.”

“Huwag mo nga akong pikunin.”

“Ang ganda mo kasi.”

“Huwag mo na ulit-ulitin dahil alam na alam ko na ‘yan. Ayusin mo na lang ang ginagawa mo,” mataray na namang wika ni Anna Maria.

Napangiti na lang tuloy si Dondon bago sinunod ang ipinag-uutos ni Anna Maria na ayusin ang kanyang paglilinis. Sabi niya sa sarili, gusto rin niyang matuwa ito sa kanyang ginagawa. At mangyayari lang iyon kung lahat ng gusto nito ay kanyang susundin. ((Itutuloy))

Next Page

Previous

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here