Ang Parusa ng Di Nakikitang Nilalang

    Ang kati! Naiinis na sabi ko sa aking sarili sabay kamot. Sobra sobra kasi ang kati na nararamdaman sa aking braso tapos bigla akong natigilan sa aking pagkakamot nang mapansin kong nagkaroon ako ng mga butlig  butlig. Anong nangyari? Binulutong ba ako? ‘Hindi’ ang sagot dahil wala naman akong lagnat at ang pantal ko’y matatagpuan lang sa isang bahagi ng aking katawan.

    Napa ‘OMG’ ako nang pagpantayin ko ang aking mga hinliliit. Mas mahaba ang kanan kong hinliliit, sa bahagi ng braso kong may mga pantal. Kaya naman, nakaramdam ako ng kilabot. Naniniwala kasi ako na may nilalang na nagparusa sa akin kaya ganu’n ang aking nararamdaman. Kinagabihan tuloy ay nagpagamot ako. Nagpatawas ako kay Kuya Julius.

    Ang pagtawas ay hindi ‘yung ipinapahid sa kili kili para mawala ang masangsang na amoy. Ang pagtawas na tinutukoy ko ay yung makilala ang dahilan kaya nagkaroon ako ng mga pantal. Para malaman ang dahilan ng pagkakaroon ko ng pantal ay kinakailangan ng kandilang puti (‘yung ginagamit sa binyag), kutsara, planggana, kutsilyo, posporo o lighter at diyaryo.

    Ilang beses na binanggit ni Kuya Julius ang pangalan ko bago niya hiwain sa tatlong bahagi ang kandila, pagkaraan ay inilagay niya ang putol na kandila sa kutsara at itinapat niya iyon sa kandilang mayroon ng sindi. Para malaman kung sino ang dahilan ng pagkakaroon ko ng pantal ay isinaboy niya sa plangganang may tubig ang kandilang nalusaw at isang lamang  lupa raw ang aking naistorbo sa kanyang pamamahinga. Sa ikalawang paglusaw naman ng kandila ay kumulo iyon. Nangangahulugan na nakaramdam ng matinding galit sa akin ang tikbalang na naingayan daw sa aking paglalakad.

    Maaaring marami ang magsasabi na hindi dapat ako maniwala lang sa pagtatawas sa akin pero talaga namang may mga nangyayari sa ating buhay na mahirap ipaliwanag. At kabilang na roon ang mga nilalang na kahit di natin nakikita ay patuloy lang na nagmamasid. Tulad ng mga tao, ibig nilang irespeto din natin sila upang di sila magalit.

    Pagsapit nang gabi ay namamahinga na rin sila kaya ingatan natin ang ating paghakbang para di sila maistorbo at dapat ay nagsasabi tayo ng ‘tabu tabi po’ para makaiwas sila na iyong matapakan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here