Ang Pagkahilig ng mga Pilipino sa mga Mall

0
188

Matagal-tagal na rin siguro ang huli kong punta sa mall na kasama ang buong pamilya… joke lang, noong kaarawan pala ni mommy ay pumunta kami sa mall para kumain, halos isang buwan na ang nakalilipas.  Kadalasa’y pumupunta na lang kami sa mall para manginain, at kung hindi pa bukas ang kainan saka lamang kami maglilibot sa kung saan man namin naisin (sa gabing iyon ay naghanap ako ng libro sa Fully Booked).

Iisa lagi ang pakiramdam ko sa loob ng mall: magaan. Minsa’y ipinagtataka ko ito tuwing pag-uwi namin, pero kadalasa’y ipinagsasawalang-bahala ko na lang ang pakiramdam na ito.

Siguro’y mailalahad ko nang ganito ang kuwento ng kada punta sa mall ng isang pamilyang Pilipino:

Maghahanda ang lahat. Ilalabas ang masasabing magagarang damit, mga damit na tuwing Pasko mo lamang makikitang ipinangangalandakan. Maglalabas ng kani-kaniyang pera o kaya’y bibigyan ang mga bata ng kanilang mga magulang; at ng, kung mayroon man, mga credit card.

Lalabas ang lahat sa bahay, at mababatid ang kasiyahan ng lahat (ng mga bata, malamang sa malamang). Makikipagsagupaan ang pamilya sa init at siksikan (kung mamalasin) kung hindi nila pinili mag-taxi o Grab; at sa trapiko, kahit na ano ang kanilang sakyan. Kung susuwertihin o nakaaangat ka sa buhay ay kalimutan mo na ang talatang ito.

Papasok sa mall. Lalaki ang mga ngiti, at ang lahat ay may kani-kaniyang gustong gawin, na sa kalauna’y pag-aawayan lalo na kapag bata ang magkakasama. 

Pupunta sa kainan. Mahihirapan sa pagkuha ng order. Kung gaanong kahirap kumuha ng order ay ganoon ding kahirap patahanin ang mga batang nagugutom na sa tagal ng paghihintay, at ganoon din kahirap pigilan ang mga away kapag nagkainggitan sila sa pagkain. Lalabas sa kainan na mukhang dinaanan ng digmaan ang mga mesa na pinagkainan.

Maghahanap ng damit at sapatos para kay Junior sa department store. Libot, libot, libot hanggang sa may mahanap na ‘babagay’ kay Junior habang nagtuturo ang kanyang mga kapatid ng laruan. Ipasusuot kay Junior ang damit habang ngumangalngal siya, dahil ayaw niya naman dito. Naglalaro naman sa department store ang ibang kapatid ni Junior sa tagal nilang naghihintay. Kalaunan, walang mabibiling damit kay Junior.  

Kakain na namang muli ang pamilya bago umuwi. Tulog ang lahat, habang halatang pagod ang mga magulang na nag-uusap tungkol sa mga problema sa bahay at trabaho.

Bakit nga ba ang hilig natin sa mall?

Hindi ko alam, pero sa tingin ko’y hindi na dapat ipagtaka kung bakit ang daming mall sa bansa, lalo na sa Metro Manila, at patuloy pang dumadami: nandito na ang lahat. Mula sa mga kainan, tindahan, at libangan sa loob ng isang malaki at malamig na building, para man sa nakaaangat sa buhay o sa kakaunti lang ang budget, mayroon kang mahahanap na naaangkop para sa’yo.

May isa pang rason akong nahihinuha: takas ito sa mga problema natin sa buhay. 

Kaya siguro ngiting-ngiti tayo kapag pumapasok sa malawak, maaliwalas, at malinis na mall ay dahil iba ito sa araw-araw nating nakikita na minsa’y nakakasuya at nakakasawa na pagmasdan. Kaya siguro bumabalik ang mga problema sa tuwing lilisan na tayo mula dito ay dahil wala na ang mahika na dulot ng isang mall. Kaya rin siguro pinipili pa rin ng iba na manuod ng mga pelikulang cheap laughs lamang ang hatid ay dahil sa dami ng problema sa buhay.

At kaya siguro balik tayo nang balik dito, gagastos at gagastos dito (na pagmumulan ng kita ng mga mall owner) ay para makalimutan kahit saglit ang mga problema — dahilan kaya hindi agad mawawala ang mall culture ng ating bansa.  

More Tanong mo Sagot ko

More Dear Maria

More K-Pop

More Movie Reviews

More Beauty and Health

More Beauty Pageants

More Commentary

More Politics

More OFW

More @nagmamatyag

More Tula

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here