Ang Pagiging Idolo ay Mahirap Na Responsibilidad

Ang maging isang sikat na artista ay hindi basta-basta lalo na kung ikaw iyong tipo na hinahangaan talaga ng marami, kaya, kailangan talagang maging maingat ka sa’yong mga kinikilos. Dahil nga sa iniidolo ka ng maraming tao lalo na ng mga kabataan, kailangan naman ay maging responsable ka sa bawat galaw at lumalabas sa bibig mo. kapag kasi malaki ang impluwensiya mo sa mga tao.

Kapag kasi mali ang ginawa mo, siguradong marami ang manghuhusga sa’yo. Malaki ang tendensiya na paulanan ka ng katakut-takot na pangba-bash. Ngunit, ang mga tagahanga mo ay maaaring todo pa rin ang pagsuporta sa’yo pero ang mali mong ginagawa ay posibleng gayahin. Kung ganoon, bakit mo naman pahihintulutang mangyari iyon? Tanungin mo nga ang iyong sarili kung hindi ka makukonsensiya na mayroon kang tao o mga tao na dinala sa maling landas?

Kaya naman, tumaas pa ang pagrespeto ko kina Daniel Padilla, na sa halip magalit nu’ng nabangga ang kanyang sasakyan ay nagbigay pa ng pantulong sa nakabangga sa kanya. Ibig sabihin, mas pinairal niya ang kabutihan ng loob kaysa init ng ulo.  Gusto ko rin ang ginagawa ni Angel Locsin na pagtulong.  Sa kabila kasi ng pandemic ay tila hindi alintana kung makapitan siya ng virus. Basta ang importante ay makapaghatid siya ng tulong sa kanyang kapwa. Samantalang may mga artista rin naman akong dati ay aking hinahangaan pero bumaba ang pagtingin ko sa kanya ng gumawa pa siya ng video na nagmumura dahil nasasara ang network na kanyang pinagtatrabahuhan.

Tulad nga ng sinabi ko, ang pagiging idolo ay isang mabigat na responsibilidad kaya naman kailangan ay huwag kang maging padalus-dalos sa iyong emosyon. Malaki kasi ang posibilidad na sa isang pagkakamali mo ay guguho ang lahat ng pinaghirapan mo. Kaya bago a uminit ang ulo mo, mas maiging magpawala ka na lang ng malalalim na buntunghininga. Sa pamamagitan kasi niyan ay makakapag-isip ka kung ano ang tama at mali, ang dapat at ang hindi dapat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here