Ang Nagmumura sa Kabila na Lahat ay Nagmamahalan

Sabi nga nila, kung lahat na lang ay nagmamahalan, mapapamura kang talaga. Kabi-kabilaang taas presyo na lamang ang nararanasan ng mga Pilipino. Mula sa gasolina, pamasahe, mga bilihin, kuryente, tubig at higit sa lahat, ang presyo ng bigas. Mapapaisip ka nalang talaga sa mga balitang naririnig mo, na ang gobyerno pala ay gumagawa ng paraan upang mapababa ang presyo ng mga bilihin tulad ng bigas.

Sa pangkaraniwang mga Pilipino, maiisip natin na baka kaya nagmamahal ang presyo ng bigas ay dahil mahal rin ang presyo mula sa ating mga magsasaka, pero mali ang naiisip mo kapatid. Sa katunayan, bagsak presyo na ang mga palay na binibenta ng ating mga magsasaka na ayon sa Philippine Statistics Authority, ay pinakamababa sa nakalipas na walong taon.

Sa mga probinsya lalo na sa Gitnang Luzon, nasa halos 15pesos na lamang ang presyo ng isang kilo ng palay. Gaya ng nasabi, ito na ang pinakamababang presyo sa loob ng walong taon ayon sa ahensya. Kung ganoon, bakit hindi ito nagrereflect sa presyo ng mga bigas na nabibili natin sa mga palengke?

Ito ang nakakalungkot na realidad sa ating lipunan. Labis nating ginigipit ang mga magsasakang may malaking ambag para sa ating mga kakainin sa araw araw, at patuloy na pinapaboran ang dambuhalang mga tagapamagitan para sa sariling kapakanan.

Nakakadurog ng puso, nakakagalit ang mga taong nasa likod ng reyalidad na ito. Napapabayaan natin ang ating mga magsasaka, at masyado tayong nagpapataba sa mga naglalakihang tao na walang ginawa kundi maging ganid sa kanilang pansariling kapakanan. Andami dami nating inaangkat, pero ang mga sarili nating magsasaka hindi natin masuportahan.

Ang mga magsasaka na siguro ng bansa natin ang may pinakakalunos lunos na sitwasyon na pag trato ng gobyernong ito. Hindi nagbabago ang gastos at puhunan ng mga magsasaka pero mas bumababa pa ang presyo na halos palugi na ang kita. Dagdag pa riyan na tila ba walang puwang sa mga diskusyon ng senado at kongreso ang mga usaping makatutulong ng malaki para sa mga magsasaka at iba pa sa sektor ng agrikultura. Nalulugi na nga, pinagkakaitan pa ng tulong at pag-unawa, ginigipit pa sa kanilang mga lupa.

Wala kang katulad bansang Pilipinas. Ngunit sa mga tao mong naririyan at nagpapakasasa, ang mga tao pang nagpapagod sa araw araw ang mas naghihirap kasabay ng mga taong patuloy na nagpapahirap at walang ginawa kundi magpakasasa.

Ako man din ay di ko maintindihan kung bakit ganito ang kanilang sistema. Mapapatanong ka nalang talaga kung ito bang mga ginagawa nila ay tunay na para sa masa o para sa kapakanan lamang ng iilan at iba.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here