ANG MISTERYO SA DOPPELGANGER NI KING UMBERTO NG ITALYA

Doppelganger, ito ay tumutukoy sa kamukha ng isang tao o masasabing kamukhang-kamukha pa nga— gayung wala naman silang kaugnayan o magkakilala o magkamag-anak.

Ikaw, ano ang iyong mararamdaman at magiging reaksyon kung makakita ka ng isang taong hindi mo kilala na kamukhang-kamukha mo? Matutuwa ka kaya? Magagalit? Magtataka? Iisipin mo kayang may kakambal ka at nagkawalay kayo? Tiyak, maraming katanungan ang papasok sa isipan mo kung bakit nagkaganun.

Maraming ganitong kaso sa mundo noon pa man o kahit magpa-hanggang sa ngayon. Subalit, papaano kung ang dalawang taong magkamukhang-magkamukha ay magkapareho sa ilang bagay? Halimbawa ay sa petsa ng kapanganakan, pangalan ng asawa at araw ng kamatayan? Ganito ang hiwaga at misteryo sa isang lalaking kamukhang-kamukha ni King Umberto ng Italy.

Nakita at nakilala ng hari ang kanyang doppelganger nang minsang nagtungo siya sa isang mamahaling restaurant. Doon ay nagulantang siya nang makita ang isang lalakeng kawangis niya. Napansink ng hari na wala nang pinagkaiba sa kanyang hitsura ang lalake.

Sa halip na magulumihanan ang hari, nagalak siya sa lalake anupa’t tinawag niya ito at kinausap. Gayunman, habang kausap niya ang kawangis, nabuo at nadagdagan ang misteryo ng hari sa kanyang isipan. Nagulat kasi siya sa kanyang nalaman sa lalake.

Papaano ba naman, nabatid ng hari na isinilang ang lalake sa mismong araw ng kanyang kapanganakan. Hindi lamang iyon, sa iisang lugar o bayan din sila iniluwal. Bukod pa rito, nakagugulat na pareho rin ang pangalan ng babaeng kanilang napangasawa na Marguerita; at pareho rin ang petsa ng kanilang kasal.

Lalo pang nagulantang ang hari sa kanyang misteryosong kawangis dahil pareho rin silang anak na lalake na ang pangalan ay Vittorio.

Dahil sa napag-alamang halos pareho ang kanilang tadhana, nagpasya ang hari na bigyan ng parangal ang kanyang doppelganger. Kung kaya, nagsagawa pa ng isang okasyon para rito sa palasyo. Gayunman, ang pagbibigay parangal sa kanyang kinagigiliwang kawangis ay hindi natuloy sa mismong araw na itinakda.

Napag-alaman ng hari na nabaril sa isang engkwentro o labanan ang lalake ng umagang iyon at namatay. Gayunman, isang nakagugulat na pangyayari na nababalutan ng misteryo ang nag-uugnay sa magkawangis. Na maging sa petsa ng kanilang kamatayan ay magkatulad sila. Ika nga, kambal trahedya ang nangyari sa dalawa sa magkaparehong araw. Sa mismong araw ding iyon, pinaslang si Haring Umberto ng isang assassin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here