ANG MISTERYO ‘FLOATING ALIEN CITY’ SA CHINA

Isang nakakatindig balahibong eksena ang gumulantang sa mga miron noon sa Huanshan City sa East China. Bakit? ‘E kasi naman, isang ghostly apparition ang nakita sa buong lungsod kung saan ay bigla na lamang lumitaw sa ilog ng Xin’an.

Parang tinuklaw naman ng ulupong ang mga residente sa paglitaw ng ghost o floating city sa ibabaw ng ilog. Mistulang parallel universe ang nasabing siyudad na nakita rin ng mga libong residente sa rehiyon ng Jiangxi at Foshan.

Tumambad kasi sa kanila ang ilang gusali, mga puno, mga bundok, kung saan ay bigla na lamang lumitaw at hindi nila alam kung saan ito nanggaling.  Ito ay nangyari pagkatapos ng ilang araw ng pagbuhos ng malalakas na ulan.

Pinahayag naman ng mga eksperto na sila’y naniniwala na ang paglitaw ng ghost city ay bunga lamang ng isang halusinasyon. Ito ay dahil umano sa liwanag na tumatama sa malamig na hangin sa paibabang bugso na nasa tubig ng ilog.

Mainit naman na hangin ang bugso nito kapag umiihip ng paitaas. Resulta, ang hamog na dulot ng pinagsamang lamig ng temperatura at hangin ay lumikha ng isang imahe na nakita nga ng mga miron sa ibabaw ng tubig ng ilog.

Ang talagang nangyari ay ng dahil sa hamog at usok nito, ang mga gusali, mga puno, o bundok sa kalunsuran ay dinaya sa paningin. na ito ay nagmistulang nakalutang sa ulap. Kung kaya, iyon ang inakala ng iba na ghost city kapag tinatamaan ng liwanag at repleksiyon sa tubig ng ilog.

Ganito ang senaryo kapag ang mga tao ay nasa tulay sa Xin’an River at tumingin sa malayo at sa itaas ng ere, mistulang ghost city ang mga gusali at mga puno sa kabila ng tulay.

Anila, wala namang nakakamangha sa naturang imahe. Malabo ito dahil sa temperatura at mahamog pa. Ayon sa isang residenteng nakakita sa imahe ng ghostly city, para umano itong fairyland sa isang fantasy movie.

Pero, sinabi nila na ang mga nakuhang larawan ay isang impresibo at nakatatawag pansin. Ayon naman sa mga elite people sa naturang lungsod, sinabi nila na isang vortex na tila sa unang sulyap ay isang lost civilization sa sinaunang China. Pagkalipas ng ilang segundo o minuto, nawala rin ang naturang imahe na nakalutang sa ere— na nasa ibabaw naman ng ilog ng Xin’an.

Ang naturang paglitaw o pagkakita sa ghost city ay hindi unang beses nangyari. Katunayan, inilathala ng China Daily ang apat na larawan ng mirage o halusinasyon patungkol sa ghost city na lumitaw sa baybayin ng Shangdong Province sa Eastern China.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here