ANG MGA NAKALUTANG NA KABAONG SA SAGADA

Kung ang bansang Barbados ay may ‘Moving Coffins’, ang Mountain Province naman sa Pilipinas ay may tinatawag na ‘Hanging Coffins’. Ito ay hindi dahil sa literal na lumulutang ang mga kabaong, kundi, dahil sa paraan at tradisyon ng paglilibing ng mga kapatid at mga kababayan nating mga Igorot.

Katunayan, ang Hanging Coffins sa Sagada sa lambak ng Echo ay isa sa mga sikat na tourist spot sa Mountain Province. Dahil sa ang mga pumanaw na nasa kabaong ay inilalagay sa gilid ng bangin na kahalintulad din ng tradisyon sa China na ang tawag dito ay Xuanguan. Sa bansang Indonesia, may ganito ring senaryo sa isla ng Sulawesi na kinaugalian na ng mga Toraja people.

Karaniwang ang mga matatanda nating Igorot ay inihuhulma na ang kanilang mga kahoy na kabaong bago sila mamatay. Ang kabaong ay na gawa sa tabla o kahoy ay galing sa pine tree logs o troso.  Ang ganitong kaugalian ay ginagawa na sa Sagada mahigit na sa 2,000 taong tradisyon. Subalit, hindi na gaano itong ginagawa sa ngayon. Ngunit, noong nakarang buwan ng Hunyo ng taong 2008, ang pinakabagong dagdag na hanging coffins ay inilagak doon.

Ang mga ninuno ng ating mga kababayan nating Igorot ang nagpasimula ng ganitong kakatwa ngunit napaka-pambihirang paraan ng paglilibing. Ang isa kasi sa mga kadahilanan nito ay naniniwala ang mga Igorot ancestors na kapag sa mataas na lugar inihimlay ang pumanaw na mahal sa buhay, malapit aniya ito sa langit. Isa pang kadahilanan ay para protektahan ang mga labi ng namatay sa mga natural disasters tulad ng lindol at pagbaha. Gatundin ang ilayo ang labi sa mga mababangis na hayop na maaaring lumantak sa kalilibing pa lamang na bangkay.

Sa kung papaano nagagawa ng mga nakabibilib nating mga kababayang Igorot na ilagay ang kabaong sa gilid ng bangin na may kataasan— ay isang nananatiling palaisipan at mahiwaga sa karamihan. Isa ngang nakamamangha at nakagilalas na bagay. Ngunit, ang ganitong makalumang tradisyon ng paglilibing ng mga yumao sa Sagada ay unti-unti nang nawawala. Pero, nagpapatuloy pa rin sila (mga Igorot) ng ibang paraan ng paglilibing at tradisyon tungkol dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here