Ang mga kaawa-awang anak

Madalas, ang mga anak ang nagdurusa sa maling gawa ng kanilang mga magulang. Tulad na lamang ng mga kakilala kong nasa malapit ko lang naninirahan, kaliwa’t kanan ang kanilang mga utang kaya naman hindi na nila halos nagagawang papasukin pa sa paaralan ang kanilang anak gayung sa public school lang naman nag-aaral ang mga ito.

Sa kagustuhan kasi ng mga magulang na maibigay ang gusto ng kanilang mga anak, hindi na nila naiisip ang mga kailangan ng mga ito. Sa mga magulang diyan, pirmi sana ninyong tandaan na hindi lamang pagkain ang kailangan ng inyong mga anak. Kailangan din siyempre na makapag-aral ang inyong mga anak para naman may edukasyon siyang maipagmamalaki sa mga tao na kanilang makakaharap. Kapag kasi tapos sila ng pag-aaral ay magagawa nilang humarap sa kahit sino na nakataas ang kanilang noo.

Eh itong sina ‘Taba’ at ‘Payatot’ ay iba ang estilo,utang dito, utang doon. Hindi naman marunong magbayad. Nabubuhay lamang sila sa pangako. Kung minsan nga ay nagagalit pa kapag siningil mo. Parang laging nilalamangan, eh, nakinabang naman sila ng husto. Tulad na lamang ng palayasin sila sa kanilang tinitirhan, mayroong naawa sa kanila at pinatuloy sa bahay. Kahit pa sabihing sila naman ay pinapaupa, aba, noong panahon na marami ang nanggagalaiti sa kanila ay mayroong nagtiwala kaya kailangan naman ay matuto rin silang tumanaw ng utang na loob.

Hay, ang nakakaawa talaga ay ang kanilang mga anak. Kapag kasi nakabubuwisit ang mga magulang, kahit gaano kabuti ang mga anak ay maiisipan mo na lang na sila ay tyikisin para makaganti sa maling gawi ng kanilang mga magulang.

Kaya, sa mga magulang diyan, tandaan sana ninyo na laging maging mabuti sa inyong kapwa. Kung hindi kasi ninyo gagawin ito, ang mga anak lamang ninyo ang mahihirapan ng husto. Ibig ba ninyong walang pumansin sa inyong mga anak?

Kayong mga magulang ang makasasagot.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here