ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA MGA ANTING-ANTING O AGIMAT

Minsan, nakakapanood tayo ng mga bida sa mga pelikula na mayroong anting-anting. Halimbawa na lamang ni dating senador Ramon Revilla Sr. na kilala bilang action star ng ating Pilipino movies. Kung saan, gumaganap sa kanyang mga pelikula na mayroon siyang anting-anting o agimat. Sa ibang nasyon, tinatawag nila ang agimat na ‘talisman’.

Natatandaan ko pa noong ako’y musmos pa lamang, ang unang pelikulang napanood ko sa tanang buhay ko mula nang magka-isip ako ay ang pelikulang “Kapitang Inggo, Kumakain ng Bala” nang isama ako ng aking mga magulang na manood nito sa isang sinehan. Mga 4 na taong gulang pa lamang ako noong mga panahong iyon.

Akala ng ilan na sa totoong hinuha ay kathang- isip lang ang mga anting-anting na nakakapagbigay sa isang tao ng ibayo at kakaibang kapangyarihan.

Pero, ang katotohanan, ang kabatiran tungkol dito ay totoo sapagkat iyan ay nakatala sa Banal Na Kasulatan.

Ganito ang pahayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias.

Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga alahas niya sa paa, ulo at leeg. Ang mga kuwintas, pulseras at bandana.  Ang mga alahas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga agimat.” (Isaias 3: 18-20).

Nakasaad din sa talatang 3: 3 ng aklat ni propeta Isaias na aalisin ng Diyos sa Kanyang bayan ang mga mahuhusay na salamangkero at mga mahuhusay sa agimat.

Noong mga kaarawan ni propeta Isaias, ang mga agimat ay ipinagbibili ng ilan upang pagkakitaan na aalisin ng Panginoong Diyos sa Jerusalem at Juda. (Isaias 3:1-3).

Samakatuwid, panahon pa ng bayang Israel ay talamak na ang paggamit ng ilan ng agimat para sa kaukulang maging di-pangkaraniwang tao ang nagtataglay nito.

Noong panahon ng bayang Israel sa pangunguna ng propetang si Moises, mahigpit na ipinagbabawal ng Panginoong Diyos ang pagkakaroon o ang paggamit ng anting-anting dahil kasuklam-suklam ito sa Kanya. (Deuteronomio 18: 13-14).

Gayun din ang panghuhula, paggamit ng gayuma, pangkukulam, at sumasangguni sa espiritu ng mga namatay. Tandaan, anumang kasuklam-suklam sa Diyos ay hindi nakalulugod sa Kanya.

Subalit, masama ba sa isang tao ang magkaroon ng agimat kahit siya’y isang mabuting tao at ginagamit ang kanyang anting-anting sa kabutihan? Walang problema kung ang isang tao na mayroong agimat ay ginagamit ito sa mabuti.

Ang malaking problema, kanino ba galing o kaninong kapangyarihan ang gayung kakayahan? Bakit ipinagbawal ng Panginoong Diyos ang pagtataglay o pagtatangka ng isang tao na magkaroon ng agimat?

Sapagkat, ang kakayahang manghula, makipag-usap sa espiritu ng namatay, at pagtataglay ng agimat ay mula sa kapangyarihan ng masasamang espiritu o ni Satanas mismo.

Sapagkat, kapag nasa ilalim tayo ng gayung kakayahan, nagiging instrumento ng diyablo ang mayroon nito dahil isi Satanas ang nagbigay ng kapangyarihan sa nagkaroon ng agimat.

Kapag nagkaroon kasi ang isang tao ng agimat, tiyak na mananalig na ito sa kanyang kakayahan at kahit na mabuting tao pa siya ay tiyak na masasadlak din siya sa pagiging palalo at kasamaan dahil walang lalaban sa kanya. Magtitiwala na siya sa kanyang sarili at hindi sa Diyos. At kapag nangyari iyon, nagtagumpay si Satanas na ilayo ang tao sa Diyos.

Pero, kung ang isang tao ay may kuwintas na akala niya talaga ay agimat pero hindi naman tumatalab o epektibo.

Halimbawa, ang agimat na ibinigay sa kanya ay hindi na siya tatalan ng bala pero tinablan naman, pasalamat ang taong iyon dahil hindi pa siya alipin ng kapangyarihan ng diyablo. Lubusang magkaroron ng agimat ang isang tao kapag sumangguni siya sa diyablo. Pero, ang ilan ay nag-aakala kasi lalo na ang mababait na ang agimat ay galing sa Diyos lalo pa’t sa kabutihan naman gagamitin.

Pero, ang agimat talaga ay panalangin at pagtitiwala sa Diyos. Iyon ang pinakamabisang sandata laban sa panganib at tukso upang ang tao ay kalugdan ng Diyos.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here