Ang ika-13 manliligaw ni Maria Luna: Part One

 

Si Maria Luna, ang Reyna Elena

MALA-Miss Universe ang ganda ni Maria Luna kaya sa loob ng tatlong taon, hindi pa siya napapatalsik bilang Reyna Elena sa kanilang bayan sa Nueva Ecija. Marami nga ang nagsasabi na ka-look alike niya si Liza Soberano at kasing seksi naman niya si Angel Locsin. Siyempre, naniniwala siya sa sinasabi ng mga ito dahil hindi siya bulag. Nakikita rin niya ang sarili sa harap ng salamin.

“Ayan na ang Reyna Elena!” sigaw ng marami kaya lalo siyang napangiti. Mega kaway pa ang kanyang ginawa. Gusto kasi niyang ipakita at iparamdam sa lahat na friendly siya.

Bukod sa pagiging beauty queen, pangarap din niya ang maging artista kaya napag-aralan na rin niya ang maging plastic. Kahit na may takot siyang nararamdaman, kailangan pa rin niyang ngumiti ng bonggang-bongga para mas mahalin siya ng mga tao. Ngunit, kailangan niyang alalahanin na iyon ang problema niya ngayon. Sa rami ng kanyang manliligaw, hindi na niya alam kung sino sa mga ito ang kanyang pipiliin.

Sabi ng marami, sa pagpili ng lalaking mamahalin, puso ang dapat niyang pairalin. Ngunit, paano naman kung mas mahirap pa sa daga ang magugustuhan niya?

No way! Mariin niyang sabi. Kailangan niya siyempreng maging praktikal. Hindi siya biniyayaan ng nakalululang ganda kung makukontento lang siya sa kung sinong lalaki. Kung hindi man siya maging Miss Universe o sikat na artista, mag-aasawa na lamang siya ng milyonaryo.

Mas maigi kung bilyonaryo, wika ng isang bahagi ng kanyang isipan. Kapag ganu’n kayaman ang mapapangasawa niya, siguradong wala na siyang gagawin maghapon kundi ang magbilang ng pera.

“Ang suwerte ko naman,” wika ng escort niyang si Jed.

Tinaasan niya ito ng kilay.

“Maraming lalaki ang naiinggit sa akin dahil ako ang partner mo. Kunsabagay, ako lang naman kasi ang bagay sa ganda mo. Ako yata ang pinakaguwapo sa bayan natin.”

“Ang yabang mo!”

Tumawa ito at bumulong sa kanya. “Nagsasabi lang ako ng totoo. Marami nga ang nagsasabi na mas guwapo pa ako kay Piolo.”

Babarahin sana niya ang kayabangan nito ngunit natigilan siya. Pati ang paghakbang niya ay tumigil. Nakasalubong kasi niya ang tingin ng lalaking nakaitim. Matiim na matiim itong nakatingin sa kanya na parang nagbibigay sa kanya ng ‘di maipaliwanag na kilabot.

“Uy, ano ba?” nagtatakang tanong ni Jed.

Hinawakan pa siya ni Jed para maakay siya nito pero makaraan lang ang ilang segundo ay agad siya nitong binitiwan. Tinutop kasi nito ang dibdib na para bang inaatake.

Hindi, talagang inatake ito!

Bigla na lang kasi itong bumulagta kaya naman nagkagulo ang mga tao sa paligid. Bilang partner ni Jed, dapat lamang na siya ang unang tumulong dito pero kahit gusto niyang gawin iyon, hindi siya makakilos. Pakiramdam niya’y mayroong yumakap sa kanya. Para nga siyang ikinadena.

Ibig niyang sumigaw. Bakasakaling sa pamamagitan nu’n ay may tumulong sa kanya pero hindi nangyari. Paano, may boses siyang narinig.

“Akin ka lang!” Bagamat mahina, mariin naman ang pagkakasabi miyo at itinapat pa sa kanyang tenga para siguraduhing maririnig niya.

Read More

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here