ANG HIWAGA SA KUWEBA NG AMARTEL

Bagama’t maganda sa paningin ng mga taga-Baryo Sikaayo ang burol, kung saan matatagpuan ang kuweba, walang taong nangangahas pumasok doon. Tinatawag nila itong ‘Amartel’. Ayon sa kuwento noon ni Lolo Aurelio Meling, wala nang nagtangkang pumasok sa kuweba pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Inilahad niya ang kuwento tungkol sa kuweba na itinago niya ang tunay na pangalan noong siya’y 77 taong gulang noon.

Sa pagkakatanda ni Lolo Meling,17-anyos siya noon nang makita ang isang kalunos-lunos na tagpo na tanging siya, ang kaibigan niyang si Mauricio at Cenon at ang kanyang kasintahang si Isabel. Ang kuweba ay naging tambakan ng mga pinatay ng mga Hapones noon.

Ang nasabing kuweba na rin ang kanilang naging libingan. Kadalasan, mga sundalong Amerikano at Pilipino ang itinatambak doon at pagkatapos ay tinatabunan ng lupa sa isang nakaukang bahagi ng kuweba. Pagkatapos, tinatambakan ng mga sundalong Hapones ng mga malalaking bato. Gayundin ang ginagawa sa mga bihag na pinagsususpetsahang rebelde o espiya laban sa Hapon.

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Lolo Meling, nagtayo ng himpilan at kuta ang mga Hapones malapit sa yungib. Sa pagkakatantiya niya, may layo lamang na 200 metro. Magkagayun man, hindi aakaling ang kuweba at may itinatagong lungkot at hiwaga sa kabila ng kagandahan nito.

Noong nagsagawa ng sona ang mga Hapones sa barangay nila, pinatakas ng kanyang mga magulang si Aurelio. Isinama niya na rin ang kanyang kasintahang si Isabel. Ang mga kaibigan niyang sina Mauricio at Cenon at pinasunod niya. Ngunit, hindi na ito nakarating sa kuweba gaya ng naging usapan nila. Nabalitaan niya na lang na nahuli si Cenon at si Mauricio ay pinatay nang mahuli.

Sa panahon ng kanilang pagtakas ni Isabel, namalagi sila sa kuweba. Napansin  ni Aurelio ang ganda nito, mula sa stalactites at stalagmites. Nangingintab din ang mga marmol at ang mga bato na nag-iiba-iba ang kulay kapag natatamaan ng sikat ng araw.

Kapag gabi, kumikislap ito kapag natatamaan ng sinag ng buwan. Sa kabila na batid nila ang masalimuot na lihim ng kuweba, nagpasya ang magkasintahan na maglagi roon. Hindi sila nangangamba dahil maraming lagusan sa Amartel na hindi pa napupuntahan ng mga sundalong Hapon. Ang ikinababahala nila ay ang maubos ang imbak nilang pagkain. Walang problema sa tubig dahil may batis malapit sa kuweba. Gayundin sa langis na inilalagay sa gasera para mayroon silang liwanag kapag gabi sa loob.

Minsan, isang hatinggabi, nagpasya si Aurelio na lumabas sa kuweba at dumaan sa isang lagusan palabas sa likod. Balak niyang puntahan ang bahay nila at alamin ang nangyari sa kanyang mga magulang at apat na kapatid. Tulog si Isabel nang umalis siya sa Amartel.

Sa kanyang pagbagtas sa isang madawag na daanan sa likod ng kuweba ay may nakita siyang isang babae. May edad na ito ay nakaupo sa isang puno sa pagitan ng dalawang malaking batuhan. Akala ni Aurelio na tumakas ang matanda at nagawi malapit sa Amartel. Kaya nilapitan niya ito.

“ ‘Lola, bakit po kayo nandito? Tumakas din po ba kayo? Tayo po sa Amartel. Mas ligtas doon,” sabi ng binatilyo. Ngumiti ang babae. Bagama’t may edad na ito ay mukhang malakas pa.

“Bakit ako tatakas sa kanila? Huwag mo akong alalahanin, iho. Ikaw, anong ginagawa mo sa dis-oras ng gabi? Hindi mo ba alam na nagroronda ngayon ang mga sundalong Hapon? Batid nilang sa ganitong oras lumalabas ang mga sibilyan. Bumalik ka sa pinanggalingan mo!” turan ng babae na waring binabalaan si Aurelio.

“ Ganun po ba? Nag-iingat naman po ako. Gusto ko po kasi malaman ang nangyari sa mga magulang at kapatid ko. Nag-aalala po ako sa kanila. Saka wala na rin po kaming pagkaing imbak ng kasintahan ko. Kaya, kukuha po ako ng prutas at gulay sa bakuran namin,” sagot ng binata.

Ngumiti ang matanda kay Aurelio. Hindi man lang ito nabakasan ng takot.

“Naglalagi ka sa Amartel, pero hindi mo pa rin  kabisado ang pasikot-sikot doon? Huwag kang bumalik sa barangay ninyo. May nakabantay na mga Hapones. Bumalik ka sa kuweba at magtungo sa ikapitong lagusan sa gawing kanan. Ang palatandaan nun ay ang nakaukit na ahas na bato. Magtungo ka roon sapagkat ang dulo nun ay kakahuyan. May mga puno ng prutas doon at gulay. May sapa rin doon na maaari kang manghuli ng isda. Bumalik ka na agad,” turan ng matanda.

“O-opo. Pero, papaano po kayo? Baka mapaano po kasi kayo.”

“Huwag mo akong alalahanin. Sapagkat, hindi matatapos ang magdamag na may mga Hapones na makaliligtas sa aking paghihiganti!”

Pagkatapos sambitin ng matanda ang katagang iyon, isang tila maliit na buslo na gawa sa tela ang kinuha nito na nakalagay sa gilid ng puno. May lamang iyong tinapay, apat na pirasong saging, suman at dalang pirasong mangga. Inabot din sa kanya ng babae ang lata ng isang gatas na may lamang malinis na tubig.

“Kumain ka muna bago bumalik sa kuweba. Batid kong gutom na gutom ka na at ang iyong nobya,” wika ng matanda habang may minumuwestra sa itaas ang mga kamay. Umuusal din ito ng katagang hindi maintindihan ng binatilyo.

Sinunod ni Aurelio ang sinabi nito. Kumain siya. Habang kumakain ay nagulantang si Aurelio nang makita ang mga ahas na nagsisigapang papalapit sa kanila. Ang iba ay nasa gilid lang na biglang naglabasan sa mga batuhan, sa butas sa umbok ng lupa, sa mga kahoy at sa mga talahiban.

“Huwag matakot.Huwag mong ipakitang takot ka! Kumalma ka lang. Pawang mga makamandag sila. Kapag bumalik ka sa kuweba, hindi ka nila gagalawin. Kapag tapos ka nang kumain, bumalika ka at sasabay ako sa iyo,” wika ng matanda.

Nang pabalik na si Aurelio sa kuweba, nakita niyang sinindihan ng matanda ang kinuha nitong kandila. Pagdaka’y sinindihan nito ang nakasalansang tuyong damo sa batuhan. Kung kaya, umapoy itong malakas at umusok.Natanaw naman ng mga gising na mga sundalong Hapon na nakahimpil sa kampo sa paanan ng bunsok ang usok. Kaya, inakala nilang may tao malapit sa Amartel. Kung kaya, dali-daling umahon sila paakyat sa kabundukan sabay buhos ng mahinang ulan.

Kulang-kulang sa 100 sundalong Hapones ang sumugod at habang pabagtas sila sa matataas na talahib, napansin nilang nadadaanan nila ang mga ahas. Na kahit tinutuklaw sila ay hindi sila matinag sa paglakad. Inakala nilang walang kamandag ang mga ahas na kanilang natatapakan, hinahampas, tinataga at nakakasalubong sa paglakad. Ang mahalaga, mahuli nila ang mga inaakalang tulisan at mga lumalaban sa Hapon.

Ngunit, pagkalipas ang ilang sandali, ang ilan sa mga Hapones na natuklaw ng mga has ay bumagal sa paglalakad. Namaga sila at biglang nabuwal. Kaya, nabahala ang lider nila sa nangyayari.

“Kagaya sa atin, may hiwagang nagaganap dito! May espirituwal na puwersang nananakit sa atin. Makamandag ang mga ahas na tumuklaw sa ating mga kasamahan. Umatras na tayo,” sabi ng kanilang opisyal na noo’y namamaga na rin. Kung kaya, ipinag-utos ng sumunod rito na umatras na sila.

Ang nangyari, ang mga namatay na mga sundalong Hapones ay kinuha ng kanilang mga kasamahan kinaumagahan. Ang iba naman ay hindi na nila matagpuan. Sinabi ng isang Pilipino na kasamahan nilang bihag na nag-aasikaso ang kanilang mga pagkain— na mahikang itim ang tumapos sa mga sundalo.

Malakas daw ang gumawa nun kaya huwag nang labanan. Sinabi rin nito na baka ang isa o may ilan sa pinaslang ng mga sundalo ay mahal sa buhay ng mambabarang o may kaalaman sa karunungang lihim. Kung kaya, wala nang nagtangka na magtungo pa sa Amartel o sa paligid malapit doon.

Samantala, sa lagusan na sinasabi ng matanda kay Aurelio, namangha siya nang makita ang dulo niyaon. May sapa roon na malinaw ang tubig at aninag ang mga isda. May mga punongkahoy din at mga tanim na gulay. May mga hayop doon na kulisap at mga ibon. Ngunit, ang iba ay ngayon lang nakita ni Aurelio at hindi niya mawari kung ano iyon at kung ano ang tawag doon. Sinabihan silang dalawa ni Isabel na kumuha ng kailangan upang kanilang makain.Ginawa ng binatilyo ang mga bagay ayon sa itinagubilin sa kanya ng matanda.

“Hindi na tayo rito aabutin ng tatlong gabi. Lalabas tayo rito ng walang pangamba. Sapagkat, nararamdaman ko na hindi na magtatagal ang Hapones sa ating bayan,” sabi ng babae.

Dahil na rin sa kuryusidad, muling bumalik si Aurelio sa ikapitong lagusan ng kuweba. Doon ay nasaksihan niya sa katanghaliang tapat ang kakatwang mga tanawin. Sa sapa ay ay nakita siyang tila submarino at sa mataas na bahagi na nasa nakasalansan na lupa ay isang kumikinang na sasakyan. Isang kotse  na kulay ginto. Bukod dito, may nakita rin siyang 7 piramide na nasa isa pang lagusan sa ilalim. May nakita rin siyang barko roon, na biglang nawala. Nang bumalik siya sa kinarooonan nila, nakasalubong niya ang matanda.

“Alam kong may nakita kang kakaiba… kakatwa sa dakong ito. Gayunman, huwag mong ipagsasabi kahit sa iyong kasintahan. May dahilan kung bakit nakita mo iyon. Sa mga taong tahimik at marunong mag-ingat ng lihim lamang nagpapakita ang mga iyon. Inuulit ko, huwag mong ipagsasabi maliban na lang kung may magtanong ng ilang ulit. Sagutin mo kung 7 beses siyang magtanong. Puntahan man nila ang kuweba, hindi nila makikita ang mga bagay na ating nakita,” wika ng babae.

Isinapuso ni Aurelio ang sinabi ng babae na batid niyang mahiwaga. Hindi niya sinabi sa kasintahan ang lahat ng kanyang natuklasan, maliban doon sa mga nakitang gulay at prutas. Makalipas ang isang linggo, sinabi ng matanda na sumuko na ang mga Hapones. Kaya malaya na ang bayan. Tumalima si Aurelio at bumaba na sila ni Isabel sa kapatagan. Masaya at sabik silang sinalubong ng kanilang mga mahal sa buhay. Nalaman din niyang buhay sina Cenon at Mauricio.

Sinabi ni Aurelio na noong tumakas sila mga Hapones, nagtago sila ni Isabel sa loob ng 40 araw sa Amartel. Gayunman, hindi niya sinabi ang tungkol sa hiwaga. Gayunman, nangahas si Isabel na tanungin siya ng pitong beses pagkatapos nilang ikasal noong Mayo 1951.

Na may hiwaga raw ba sa Amartel? Hindi raw makapaniwala kasi si Isabel kung bakit sila nakapamalagi sa kuweba gayung marami palang mga ahas doon. Sinabi raw ng tatay ni Isabel na si Ruel na lungga ng makamandag na ahas ang kuweba— at walang taong makapasok roon ng basta-basta. Sinabi ni Aurelio ang totoo. Ngunit, hindi siya pinaniwalaan ng biyenang lalaki. Naniwala sa kanya si Isabel. Gayunman, ikinuwento ng biyenan ni Aurelio sa ilang kalalakihan sa Sikaayo ang tungkol sa kuweba. Baka umano may ginto roon at binabantayan ng mga engkanto.

Dala ng kuryusidad, pitong lalaki ang nagpasyang magtungo sa kuweba sa pag-aakalang may ginto roon. Matagumpay silang nakapasok sa loob ng walang makamandag na ahas na tumuklaw sa kanila. Gayunman, isang malaking liwanag na hugis bola ang tumama sa kanilang mukha na dahilan ng kanilang pansamantalang pagkabulag.

Dahil sa nangyari, ipinagbawal ng otoridad ang pagtungo sa kuweba dahil sa kapahamakang maaaring sapitin. Marami pa sanang lihim ng kuweba ang nais ihayag si lolo Aurelio, ngunit minabuti niya na lang na manahimik. Ang huling pahayag niya, ang matandang babae na nakausap at nakasama niya noon sa kuweba ay buhay pa rin hanggang ngayon at hindi nagbabago ang mukha sa nakalipas na 75 taon. WAKAS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here