Ang Golden Heart ni Mega

618

Si Sharon Gamboa Cuneta-Pangilinan ay ipinanganak noong January 6, 1966 kina Mayor Pablo Cuneta at Elaine Gamboa. Ang Megastar na kilala sa pangalang Shawie sa kanyang mga fans ay nag-aral sa St. Paul College Pasig at International School.

Lumaki si Sharon na nakikinig sa record collection ng kanyang ama. Ang kanyang unang TV appearance ay sa palabas ni Ike Lozada kung saan ginaya niya ang mga kanta ng kanyang tita na si Helen Gamboa. Bata pa si Sharon nang lumabas siya sa kanyang unang pelikula, Lovers for Hire na pinagbibidahan nina Rosanna Ortiz at George Estregan. Gumanap siya bilang isa sa mga kalaro ni Roderick Paulate.

Sa edad na labing-dalawa, ni-record niya ang kanyang unang single sa ilalim ng Vicor Music, ang Tawag ng Pag-ibig. Sumunod niyang ni-record ang Mr. DJ na naging mega-hit. Nasundan pa iyon ng marami pang hit songs na nagpasikat kay Sharon sa masa.

Lumabas si Sharon sa kanyang unang pelikula, ang Dear Heart kung saan nakatambal niya ang 80’s heartthrob na si Gabby Concepcion. Dahil sa tagumpay ng kanilang  unang tambalan, nasundan pa iyon ng mga pelikulang P.S. I Love You at My Only Love.

Matapos gumanap bilang “poor little rich girl”, nag-decide ang Viva na bigyan si Sharon ng mas malawak na variety ng roles. Muling pinagtambal sina Sharon at Gabby sa pelikulang Dapat Ka Bang Mahalin na naging box-office hit. Nasundan pa ang mga hits ni Sharon sa pelikulang Sa Hirap at Ginhawa at Bukas Luluhod ang Mga Tala na nagbigay sa kanya ng parangal na 1984’s Box Office Queen of RP Movies.

Sa paglipas ng mga taon, lalo pang nagningning ang bituin ni Sharon. Hindi lamang tumabo sa takilya ang kanyang mga pelikula kundi umani rin ng parangal mula sa mga respetadong award-giving bodies tulad ng kanyang pagkamit ng Best Actress sa FAMAS para sa pelikulang Dapat Ka Bang Mahalin.

Naging aktibo rin si Sharon sa mundo ng telebisyon. Unang nasubukan ang kanyang hosting skills sa show na C.U.T.E (Call Us Two for Entertainment) kung saan nakasama niya ang kanyang Tita Helen Gamboa. Isa rin siya sa mga naging hosts ng Germspesyal na nang tumagal ay tinawag na GMA Supershow. Ang kanyang solo, musical-variety show na The Sharon Cuneta Show ay unang napanood sa IBC 13 pero nalipat sa ABS-CBN.

Hindi lamang sa mundo ng pelikula at TV namayani ang Megastar, pati ang music world ay kanya ring na-conquer. Mula sold-out concerts hanggang parangal sa mga award-giving bodies sa mundo ng pag-awit ay kanya ring nakamit.

Isa si Sharon sa mga artistang hindi nakakalimot mag-share ng kanyang blessings. Kamakailan ay nag-post si Robin Padilla sa Instagram account nito tungkol sa donasyong ibinigay ng Megastar para sa mga naging biktima sa kaguluhan sa Marawi City.

Sa kanya namang sariling Instagram account ipinost ni Sharon ang litrato ng isang batang mukhang pagod na pagod na nagtitinda ng mga gulay sa kalsada. Lumabas ang compassionate heart ni Mega at ipinahayag ang kanyang pagnanais na tulungan ang bata para makapag-aral ito at hindi na kailangan magtinda.

Hindi nakapagtataka na hindi nawawala ang pagmamahal at paghanga ng kanyang mga milyong-milyong tagahanga sa Megastar dahil hindi lamang ito isang magaling na aktres at singer kundi isa ring tao na mayroong ginintuang puso.

 

SOURCES (ARTICLE):

http://www.pinoystop.com/bio/celebrity-profile/622/sharon-cuneta-biography

https://en.wikipedia.org/wiki/Sharon_Cuneta

 

SOURCES (IMAGE):

http://asianjournal.com/lifestyle/megastar-sharon-cuneta-is-back-home-at-abs-cbn/

https://www.thenational.ae/arts-culture/music/sharon-cuneta-the-filipino-megastar-who-keeps-on-shining-1.324938

SHARE
Previous articleLimang libong piso, gagawin na raw barya?
Next articleKahulugan ng ahas na ‘di mapatay-patay
MIA SALONGA studied professional makeup and worked as a nurse in a dermatological center. She is also a romance writer and is currently training to become a scriptwriter. She hopes to one day see her written work come alive on the small or big screen.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here