Ang Epidemya ng Human at Labor Trafficking sa Pilipinas: Isang Panaghoy ng Kalupitan at Di Pagkamakatao?

Sa makabagong panahon, ang konsepto ng human trafficking ay halos wala sa kamalayan ng tao. Sa kasamaang palad, ang nakapanlulumong epidemyang ito ay umiiral pa rin sa buong mundo. At bilang isa sa mga bansa ng ikatlong-mundo na lubog sa kahirapan, kawalan ng trabaho, at kawalan ng pag-unlad, ang Pilipinas ay naging isa sa mga pinakamalalaking tagaluwas ng mga manggagawa sa mundo.

Sa katunayan, 10 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa at karamihan sa kanila ay mga kababaihan. Halos 6,000 katao ang umalis sa Pilipinas bilang migranteng manggagawa araw-araw. Dahil sa mga katotohanang ito, ang mga Pilipino ay kabilang sa karaniwang nabibiktima ng human trafficking sa mundo, kung saan ang karamihan sa kanila ay inaabuso at naiiwan upang mabuhay sa mga hindi makataong kondisyon.

Dahil sa mataas na pagdagsa ng sapilitang migrasyon at/o ng mga migranteng manggagawa na pinipiling iwanan ang kanilang mga pamilya para sa kanilang hangarin na magkaroon or mabigyan magandang oportunidad o kinabukasan sa mga dayuhang bansa, mas madali silang maging target ng trafficking. Ang nakalulungkot pa dito ay milyun-milyong tao ang kinakalakal taun-taon para sa mga trabaho tulad ng pagiging utusan or trabahador sa mga malalaking hotel at mga katulong sa bahay.

Ano ang Human Trafficking?

Ang Epidemya ng Human at Labor Trafficking sa Pilipinas: Isang Panaghoy ng Kalupitan at Di Pagkamakatao?Ang human trafficking ay isang multi-bilyong dolyar na negosyo na luminlang at bumihag ng maraming tao sa buong mundo. Ito ay isang pandaigdigang black market na umaalipin sa 21 milyong mga tao na nagtatrabaho sa ilalim ng sapilitang paggawa, at ito ay ilegal na kumikita ng $150 bilyon taun-taon.

Kaya, ano ng ba talaga ang human trafficking? Batay sa isang dokumentaryo na may dalawang-bahagi na inilathala ng TELESUR English, ang human trafficking ay tumutukoy sa “recruitment transportasyon, paglilipat, pagtatago o pagtanggap ng tao sa pamamagitan ng hindi wastong pamamaraan (tulad ng paggamit ng puwersa o dahas, pagdukot, pandaraya o pamimilit) para sa isang di-wastong layunin kabilang na ang sapilitang paggawa O sekswal na pagsasamantala. ”

Kasaysayan ng Human at Labor Trafficking sa Pilipinas

Ayon sa grupong Damayan (na ang ibig sabihin ay pagtutulungan ng bawat isa), isang organisasyong nakabase sa New York at pinangunahan ng Filipina domestic worker na naglalayong labanan ang underground human trafficking krisis, ang epidemya ng human trafficking sa Pilipinas ay iniugnay sa ating kolonyal na nakaraan, paglaban, dominasyon ng Estados Unidos sa mga kapuluan ng Pilipinas at krisis  pangekonomiya.

Itinuro din ni Linda Oalican ng Damayan kung paano nagkaroon ng mahalagang papel ang “mga siglong pananakop ng mga Kastila at mga dekadang kalupitan ng Amerika sa pamamagitan ng pagkontrol ng ekonomya ng Pilipinas” sa isyu ng human trafficking ng bansa. At habang ginagamit ng Estados Unidos ang Pilipinas bilang sentral base para sa imperyal na pagkontrol sa Asya noong dekada ‘30, ipinakilala din nito ang mga konsepto ng neokolonyalismo (neo-imperyalismo) at neoliberalismo, kung saan kinontrol ng gobyerno ng Amerika ang buong bansa, hindi sa paggamit ng direktang puwersa or dahas kundi sa pagsasanay o pagtuturo sa mga Pilipinong elite kung ano o kung paano nais maging ng Estados Unidos ang Pilipinas.

Tulad ng patuloy na pagpupunyagi ng Amerika na kontrolin ang Pilipinas batay sa kanilang sariling imperyal na disenyo, kinokontrol nila ang ekonomiya ng bansa, militar, pangbanyagang relasyon at maging ang sistema ng edukasyon. Kinontrol ng panuntunan ng Amerika ang lahat ng bagay na kritikal at estratehiko sa Pilipinas. Dahil dito, higit na lumalim ang neoliberalismo at neokolonyalismo sa bansa.

Itinuturing na “ideolohiya sa ugat ng lahat ng problema,” ang neoliberalismo ay tumutukoy sa “modelong patakaran ng araling panlipunan at ekonomika na naglilipat kontrol ng pang-ekonomiyang kadahilanan sa pribadong sektor mula sa pampublikong sektor.” Ito ay naglalayong para sa isang “Laissez-faire na pamamaraan (hindi pakikialam sa pamahalaan) sa pag-unlad sa ekonomya na naglalayong pawalang bisa ang mga nakapirming halaga ng palitan, deregulasyon, pahintulot ang pribadong pag-aari, at protektahan ang mga negosyo na pinapatakbo ng estado. ”

Sa kabilang dako, ang neokolonyalismo o neo-imperyalismo ay tumutukoy sa “kasanayan sa paggamit ng kapitalismo, globalisasyon, at kultural na imperyalismo upang maka-impluwensya sa pagbuo ng isang bansa sa halip ng direktang kontrol ng militar (imperyalismo) o hindi direktang pulitikal na kontrol (pananakop).”

Sa kabila ng pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerika noong 1946, patuloy na lumalim ang neoliberalismo sa bansa noong diktadura ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, kung saan nagsimula ang mga patakaran ng Labor Export. Sa panahong iyon, ang kinumbinsi ng gobyerno ang mga Pilipino na ang pinakamainam o tamang paraan upang suportahan ang isang pamilya ay ang maghanap ng mga oportunidad sa trabaho sa ibang bansa. Ito rin ang paraan ni Marcos upang masupil ang mga aktibong mag-aaral o kilusang kabataan sa bansa. Kaya naman ngayon, ang pag-eeksport ng paggawa ay umunlad, kung saan ang mga tao ang naging pangunahing export ng Pilipinas.

Ang Mapanirang Yugto ng Labor Trafficking

Ang Pilipinas ay isang biktima ng kolonisasyon na pinangungunahan ng ilan sa pinakamalakas na imperyo sa mundo. Dahil sa nakakalungkot na pamanang ito, pinagdurusahan ng mga Pilipino ang mga kahihinatnan nito — kawalan ng pag-unlad, mataas na antas ng kawalan ng trabaho at lalong pagpapalalim ng kahirapan.

Ito ang dahilan kung bakit hindi natin talagang masisi ang mga Pilipino na napipilitang umalis sa bansa upang maghanap ng mas magagandang pagkakataon sa ibang bansa. Ngunit habang naghahangad sila ng mas magandang kinabukasan sa mga dayuhang lupain, ang panganib na maging biktima ng human trafficking ay nagiging mas mataas, maliban pa sa mga sosyal at emosyonal na epekto nito.

Batay sa mga istatistika, isa sa 4 na Pilipino ay may mga miyembro ng pamilya na nasa ibang bansa at 70 porsiyento ng mga babaeng Pilipino na migranteng manggagawa ay mga domestic helpers. Sa Amerika lamang, mayroong 2 milyong migranteng manggagawa at 300,000 sa mga ito ay mga Pilipino na maaaring maging biktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso — kung saan 85 porsiyento ng mga manggagawang ito ay nakakaranas ng walang sahod o binabayaran lamang ng mas mababa sa minimum na sahod; 80 porsiyento ay naninirahan sa mga abusadong kondisyon; 80 porsiyento ay nilinlang ng mga huwad o mapanlinlang na kontrata; 73 porsiyento ay nagtatrabaho ng sobrang overtime; at 77 porsiyento ang nililipat o sinusubaybayan ng kanilang mga tagapag-empleyo.

Alam mo rin ba na ang ilang biktima ng human trafficking ay inabuso ng mga dayuhang diplomat, konsul, mga espesyal na envoy, attaché, ambassador o chargé d’affaires? Ang mga taong ito ay pinaniniwalaan na mga protektor at tagapagtanggol ng mga karapatang pantao ngunit sila ay nagiging mga tagapag-abuso na madalas magsulsol sa mga pangunahing elemento ng labor trafficking — kontrol at paglikha ng isang klima ng takot (sa pamamagitan ng pagtago o pagkuha ng mga pasaporte at iba pang mahahalagang legal na  mga dokumento ng mga biktima).

Gayunman, ang malungkot na katotohanan tungkol sa krisis na ito ay ang katunayan na ang mga konsulado o mga embahada ay may nalalaman tungkol sa paglaganap o pag-iral ng human trafficking. Sa katunayan, libu-libo ang naghihirap sa ganitong uri ng pamumuhay kung saan ang iba ay nabubuhay sa malubhang sitwasyon tulad ng pamumuhay na balot ng desperasyon at depresyon, pang-aabuso at kalaunan ay naging mga ilegal na manggagawa.

Ang krisis na ito, gayunpaman, ay hindi lamang nakakaapekto sa mga biktima kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya dahil ang sapilitang migration ay may tunay na sosyal at emosyonal na kapinsalaan. Ito ay lumilikha ng mga dysfunctional na pamilya at ang mga bata ay karaniwang may mga emosyonal at sikolohikal na mga isyu.

Kung gayon, paano natin mapipigilan ang nakapipinsalang siklo ng labor trafficking? Ayon sa Damayan, kailangan natin ng pagbabago at ang gobyerno ng Pilipinas ay dapat gumawa ng mga trabaho sa bansa sa pangmalawakang antas. Sinabi ni Oalican, “Ang tunay na kahulugan ng panimulang pagbabago ay tunay na pag-aaral at paggalang sa kahalagahan ng mga tao.”

Isang Krimen laban sa Sangkatauhan

Ang Epidemya ng Human at Labor Trafficking sa Pilipinas: Isang Panaghoy ng Kalupitan at Di Pagkamakatao?Habang patuloy nating sinasaliksik ang mga isyu ng human trafficking sa Pilipinas, ang katunayan na ito ay dumarami ay nanatili. Ayon kay Fr. Shay Cullen ng The Manila Times , ang pinaka-walang kalaban-laban na mga biktima ay mga kababaihan at kabataan na “inaakit at pinipilit ipasok sa sex trade ng mga human trafficker, may-ari ng mga sex bar, at bugaw.”

Mula sa 4.5 milyong biktima sa buong mundo, ang mga batang biktima ay bumubuo ng 33 porsiyento. Ang UNICEF (United Nations Children’s Fund) ay nagsiwalat na mayroong tinatayang 100,000 na kabataan na may edad 18-taong-gulang pababa ang ilegal na pinapasok sa prostitusyon sa Pilipinas kada taon.

Dahil sa katunayan na ang mga kababaihan at mga kabataan ay walang sapat na lakas at kapangyarihan, nagiging madali silang itarget at bihagin ng mga trafficker. Marahil ay maaari din nating sisihin ang kahirapan kung bakit nais ng ilang mga magulang na isakripisyo ang kanilang sariling mga anak kapalit ng pangakong magandang kinabukasan o trabaho na may malaking sahod. Ngunit ang nakalulungkot na katotohanan na hindi inaakala ng mga magulang ay ang pagtulak nila sa kanilang mga anak upang mabuhay sa kakila-kilabot na kondisyon kung saan ang kalayaan ay wari’y isang panaginip na lamang.

Binigyang-diin din ni Fr. Cullen ang katotohanan na ang iilan sa mga biktima ng trafficking ay nagdurusa rin sa sekswal na pang-aabuso sa loob ng kanilang sariling mga tahanan. Subalit batay sa mga inilahad na karanasan at mga katotohanan, marahil nagtataka ang ilan kung ano talaga ang ginagawa ng pamahalaan ng Pilipinas. Sa katunayan, alam ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga isyung ito dahil ang bawat sex bar ay nangangailangan ng permiso ng alkalde ng bawat lungsod para maging operational.

Ang prostitusyon ay ilegal din at ang pagtatrabaho ng isang menor de edad sa isang sex bar ay itinuturing na isang krimen sa ilalim ng Republic Act 7610. Ang nakakalungkot, ang mga ito ay tila hindi pinapansin ng ang gobyerno dahil sinusuri lamang nila ang mga ng mga sex workers para sa mga STD o iba pang mga nakakahawang sakit. Pinatutunayan din nito kung paano kalalim ang katiwalian sa gobyerno dahil nagiging bulag, pipi at bingi ang mga opisyal kapalit ng pera at kapangyarihan, habang pinapayagan na umunlad ang ilegal na industriya ng prostitusyon sa bansa. Sinabi pa ni Fr. Cullen, “Ang batas sa Pilipinas ay karaniwang naaayon sa kung ano ang pinili ng mga awtoridad na maging.”

Filipino Human Trafficking sa US

Tulad ng nabanggit sa artikulong ito, mayroong 300,000 migranteng manggagawa sa Estados Unidos. Ngunit habang naghahanap ang mga Pilipino ng mas magandang pagkakataon sa Amerika, ang ilan sa kanila ay nakakaranas ng di-makataong pamumuhay. Habang ang ilan ay tinatamasa ang kanilang tinatawag na “American Dream,” ang iba ay namumuhay ng isang uri na “hindi nila ginusto at binayaran.”

Ang aklat na pinamagatang, “In the Belly of the Beast: Stories of Sadness, Stories of Success by Filipinos Trafficked in America,” na isinulat ni Marivir Montebon at inilathala ng University of San Carlos Press, ay idinetalye kung paano inakit ng  mga ilegal na recruiters ang mga propesyonal na manggagawa tulad ng mga guro at mga inhinyero kapalit mas magandang trabaho sa Estados Unidos. Ngunit wala silang kaalam-alam na ang dadatnan nilang mga trabaho ay babayaran lamang ng kalahati sa mga ipinangakong sahod at sila ay mabubuhay sa mga siksikang sitwasyon.

Sa isang halimbawa na binanggit ni Jobers R. Bersales ng Cebu Daily News, isiniwalat ni Montebon ang pagsubok na naranasan ng isang Pilipinong electrical engineer na pumunta ng Amerika para magtrabaho ngunit ung dumating siya doon, ang trabaho niya ay sa isang basement ng hotel para maglaba. Subalit bukod sa mga kalupitan at panlilinlang ng mga recruiter at ng kanilang mga katapat sa Amerika, ang iilang manggagawa ay nabibiktima din ng mga sakim na Pilipino-Amerikanong abogado na nakakasama sa mga manggagawa sa halip ng tulungan ang kanilang kapwa kababayan.

Inihayag din ni Montebon ang ilang mga kuwento ng pag-asa, kung saan ang mga biktima ay nagkarron ng lakas ng loob upang takasan ang pisikal, emosyonal at sikolohikal na bangungot na naranasan nila sa Amerika. Tunay nga na ang paghangad ng magandang kinabukasan ay mayroong malaking kabayaran.

Kahirapan at ang Konsepto ng Pahintulot

Ang Pilipinas ay isang umuunlad na bansa kaya hindi maiiwasan na ang mga Pilipino ay nagiging biktima ng human or labor trafficking. Batay sa ulat ng ABS-CBN News, ang kahirapan ay ang pangkaraniwang dahilan kung bakit maraming mga Pilipino ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Dahil sa kultura ng sapilitang migration, lumalaganap ang mga insidente ng human trafficking.

Kung talagang iniisip natin ito, walang taong ang may nais o gustong makaranas o maging biktima ng human trafficking. At kung ikaw ay bibigyan ng isang magandang pagkakataon sa trabaho (kung saan ito ay madalas na ginagamit para ikubli ang pang-aabuso at pagsasamantala) sa gitna ng kahirapan, tatanggihan mo ba o tanggapin ito?

Ang katotohanang ito ay nagbibigay daan din sa tunay na kakanyahan ng salitang “pahintulot” pagdating sa labor o human trafficking. Ayon kay Atty. Darlene Pajarito, na isang Inter-Agency Council Against Trafficking executive director, “Ang pagsang-ayon sa human trafficking ay hindi nangangahulugang tunay na pahintulot, ito ang tinatawag na pinahintulutang pagsang-ayon dahil ang pahintulot na ito ay nabahiran  ng karahasan o panlilinlang.”

Dahil sa pagkalat ng human trafficking sa Pilipinas, idinetalye ng CNN Philippines ang ilang mga rekomendasyon upang palakasin ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga pagsusumikap nito para anti-trafficking at para mailigtas ang mga inabusong Pilipino. Ang mga rekomendasyon ay kinabibilangan ng pagkakaroon ng mga mapagkukunan ng tirahan at pangangalaga, pagbawas ng mga pangangailangan sa pangkalakal ng prostitusyon at higit na pagsisikap upang magsiyasat, mag-usig at magpakulong ng mga nangaabuso, bukod sa marami pang iba.

Modernong Pang-aalipin at Human Trafficking sa Asya

Bukod sa Pilipinas, ang ibang mga bansa sa Timog at Timog-Silangang Asya ay nanganganib din sa paglaganap ng human trafficking at modernong pang-aalipin sa rehiyon. Dahil ang human trafficking ay isang krimen na may mataas na pakinabang, ang European Union (EU) ay sumusuporta sa mga rehiyon sa kanilang pagkikipaglaban sa mga isyung ito.

Ang isang miyembro ng European Court of Auditors na si Bettina Jakobsen ay nagsabi din na ang human trafficking ay itinuturing na isang “garapal na paglabag ng mga karapatang pantao at isang pandaigdigang banta sa seguridad.” Ito ang dahilan kung bakit binigyan ng pansin ng EU kung paano at kung saan nila igugugol ang kanilang mga magagamit na mapagkukunan at isa rito ay ang pagtulong sa pagbawas o pagsugpo sa mga insidente ng human trafficking sa Asya.

Bukod dito, ang Pilipinas ay kamakailan naghanda ng isang programang tinawag na “ASEAN Regional Workshop on Effective Investigation and Prosecution of Trafficking-in-Persons for Labor Exploitation,” para sa mga bansang ASEAN. Ayon sa The Manila Times , ang inisyatibong ito ay naglalayon na mapag-usapan “ang labor dimesions ng trafficking in persons,” pati na rin ang kung paano palakasin ang “pagsisiyasat at pag-uusig upang protektahan ang mga migranteng manggagawa mula sa pagsasamantala o pangaabuso.”

SOURCES:

Http://www.manilatimes.net/human-trafficking-crime-children/333417/

Https://trofire.com/2017/06/21/empire-files-roots-philippines-trafficking-epidemic/

Http://cebudailynews.inquirer.net/134173/exposing-human-trafficking

Http://www.manilatimes.net/modern-slavery-asia/332485/

Http://reliefweb.int/report/world/special-report-no-9-eu-support-fight-human-trafficking-southsouth-east-asia

Http://news.abs-cbn.com/video/news/12/02/16/watch-the-philippines-and-human-trafficking

Http://cnnphilippines.com/news/2016/09/23/Philippines-fight-against-trafficking.html

Http://www.unodc.org/pdf/crime/human_trafficking/Exec_Summary_NAPOLCOM.pdf

Https://www.unicef.org/protection/files/ipulocaltrafficking.pdf

Http://www.manilatimes.net/the-spread-of-child-trafficking/286388/

Https://www.youtube.com/watch?v=He7cToFEOr0

Https://youtu.be/h2Rulneq_9A

Http://www.damayanmigrants.org/

Https://www.theguardian.com/books/2016/apr/15/neoliberalism-ideology-problem-george-monbiot

Http://www.investopedia.com/terms/n/neoliberalism.asp

Https://en.wikipedia.org/wiki/Neocolonialism

SHARE
Previous articleHUWAG MONG KATAYIN ANG ASO KO!
Next articleMISIS NA MAY ADIK NA MISTER, ‘DI ALAM ANG GAGAWIN
Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here