Anakbayan Laban Sa Pamahalaan

573

December 6, 2017 ay nag-post sa kanilang facebook page ang grupong Anakbayan para sa National Day of Walkout Against Fascist Dictatorship na ginanap noong December 7 at 10.

“BIGUIN ANG DIKTADURANG US-DUTERTE! LABANAN ANG TODO-GIYERA AT PASISMO!

Lantad na lantad na ang papatinding paghahari ng rehimeng US-Duterte. Sa loob ng isa’t kalahating taong panunungkulan, hindi naabatan ang pagdanak ng dugo sa nagpapatuloy at umiigting na giyera ng pagpatay at pagwasak ni Duterte sa buhay at kabuhayan ng sambayanan—ang madugong giyera Kontra Droga o Oplan Tokhang, ang batas military sa Mindanao at ang todo-giyera laban sa rebolusyonaryong kilusan at sambayanan.

Ito ang post ng nasabing page ng grupo na kung susumahin ang kabuuan ay hinggil lamang sa kanilang mga negatibong komento, kritisismo at kampanya na mapatalsik ang diumano ay pasista.

Kung pakaiisipin ay nakakatawa ang taguri ng mga grupong anti-Duterte lalo pa ang tawagin siyang pasista dahil ayon na rin sa Merriam-Webster dictionary , “fascist- a way of organizing a society in which a government ruled by a dictator controls the lives of the people and in which people are not allowed to disagree with the government”. Ngunit, kung pakakaisipin ay hinahayaan lamang ng gobyerno ang mga raliyista sa pagpapalabas ng kanilang mga saloobing kahit pa minsan ay wala ng katuturan at kabuluhan ang mga ito.

Kung matatandaan ay isa lamang ang hindi ipinapahintulot ng Pangulo sa mga gumagawa ng rally o pagpupulong sa daan—ang manakit at makasakit ng ibang tao.

Simula ng maupo sa puwesto ang Pangulong Duterte ay ni isang beses man lamang ay hindi niya pinigilan ang walang pakundangang pagra-rally ng iba’t ibang grupo mapa-Pro o Anti-Duterte administration man ang mga ito.

Saad pa ng grupong ito ay “nagkukumahog na diumano ang pasistang rehimeng Duterte sa pagpapatahimik sa di mapigilang pagbulwak ng kilusang masang galit na galit sa bulok na paghahari ng kanyang rehimen.” Ngunit, kung pakaiisipin ay tila isang kabulastugan ang sinasabi nilang ito dahil kung tutuusin ay mas mayorya pa rin ang mga Pilipinong naniniwala at nagtitiwala sa Pangulo at sa kanyang administrasyon.

Isa pa sa ipinaglalaban ng grupo ay dapat diumanong “tugunan ng Pamahalaan ang pangangailangan ng mamamayan sa mga batayang serbisyo tulad ng disente at nakabubuhay na trabaho”. Tila nakakalimutan nila na dahil sa mga proyektong pinaplano at isinasagawa ng pamahalaan (imprastraktura at maging ang mabuting relasyon ng pamahalaan sa iba’t ibang bansa) ay nagbibigay oportunidad sa napakaraming Pilipino na walang trabaho.

Ang problema kasi sa mga ganitong grupo ay nais nilang hanapan at isubo pa sa kanila ang kanilang mga pangangailangan. Ayaw nilang maghirap pa at gustong ibinibigay na sa kanila ang lahat ng kanilang hilingan na para bang ang kanila lamang boses ang nagma-matter sa ating pamayanan.

Kung pakaiisipin ay hindi naman gaanong marami ang mga taong laban sa pamahalaan. Ang problema lamang ay sa tuwing maglulunsad sila ng ganitong uri ng kilos protesta ay hindi lamang ito pinapalaki ng media, nagiging isa pa itong masamang imahe ng pamahalaan na nage-generalize at nakasama sa imahe ng ating bansa.

Minsan, kahit nasa isa tayong demokratikong bansa ay hindi rin maiwasan ng iba na isipin na sana ay mabigyan rin ng parusa ang mga taong nagu-organize at sumasali sa mga ganitong uri ng demonstrasyon. Lalo pa at iba naman sa kanila ay tunay na mga bayaran lamang ng mga kalaban ng Pangulo sa pulitika na hindi na nakapagtataka dahil na rin sa dati pa man ay ganito na ang uri ng sistema sa ating bansa.

 

The opinions of the writer do not necessarily reflect the opinions of PhilippineOne management and its editors.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here