ANAK AKO NG AMA KO

0
310

Latest posts by Kaila Jane Salazar (see all)

Inspirasyon ang turing ko sa kanya. Tanging lalaking minahal ko nang higit pa sa aking sarili. Tumatanda ka na, o aking ama. At sa oras na ito, wala akong ibang maisip na salita sa kung paano ko ilalarawan ang iyong halaga.

    Paralisado na ang iyong kanang braso, dulot ng malubhang sakit na sa iyo’y dumapo. Mga brasong umakay sa akin noong mga unang araw ko sa eskwela. Ang iyong bisig na kumukulong sa aking nanlalamig na katawan sa bawat Paskong sasapit. Ngunit ngayong isang braso na lamang ang aakay, hayaan mong ako naman ang yumakap  sa iyo sa tuwing lamig ay sasapit.

    Mabagal na ang iyong paghakbang. Maging ang paa mo’y naliligaw na kung saan matatagpuan ang ating tahanan; mga binti at paang ginagamit mo upang iligtas ako sa mga panganib at dalhin ako sa mga lugar na lubhang nakapagpapasaya sa akin; mga binti at paang iyong naging pundasyon at maaasahan upang bawat pasada mo’y maiahon ang ating pang-araw-araw. Ngunit binti mo’y nahuhuli na ang isa at iika-ika na sa bawat hakbang ng buhay na iyong tinahak.

    Madalas ka nang magkamali sa pagbigkas ng aking pangalan. Alaala mo’y unti-unting naglalaho na parang bula. Maging mga kwento mo bago ako matulog sa gabi ay hindi ko na muling narinig mula nang ika’y magkasakit. At ngayong nakaratay ka sa isang maliit na banig, hayaan mong ipaalala ko sa iyo ang masasayang araw nating magkasama na tila limot mo na.

    Mahina na ang iyong pandinig. Parang baradong lababo na ang iyong mga tainga. Hirap ka na ring umintindi ng mga litanya kong sa iyo’y nagpapasaya; mga taingang handang makinig sa aking mga daing; mga taingang dumirinig sa walang humpay kong pag-iyak kung madapa man o masugatan. Ang katotohana’y hindi hadlang ang iyong pandinig dahil ako ang magsisilbi mong tagapakinig sa mga tunog na hatid ng kalikasan. Hayaan mong ako ang magbigay kahulugan at magpa-unawa sa iyo ng mga bagay-bagay.

    Balat mo’y kumukulubot na rin. Magaspang na ang iyong kutis at laylay na ang iyong pisngi. Iyong mukha’y pinakapal upang lumapit sa mga kakilala sa mga panahong enrolment ni ate ay malapit na; mukhang pinakapal ng katwirang gagawin ang lahat para sa aming magkakapatid.

    Pinaputi na rin ng panahon ang kulay ng iyong buhok. Madalas nang mahulog sa sahig ang hibla ng iyong buhok. Tuktok ng iyong ulo’y manipis na rin ang mga tubong buhok; mga buhok na sagisag ng taong ginugol mo sa pag-aaruga at pag-ahon sa ating pamilyang naghihikahos.

     Lumalabo na rin ang iyong paningin. Kung tumitig kay tila walang bagay sa iyong harapan. Madalas na ring malayo ang iyong iniisip at tila lumulutang sa alapaap; mga mata mong nakabantay sa akin sa pagtulog; mga matang nagmamasid at sumubaybay sa aking pagsilang hanggang sa paglaki. Ngayong paningin mo’y nilisan ka na rin, hayaan mong ipakita ko sa iyo ang ganda at kulay ng mundo na malapit nang ipagkait sa iyo.

    Sa bawat hirap na iyong dinanas, o ama, ako’y binigyang lakas at pinagpala.  Nakaalalay ka ngayon sa akin, patuloy na inaaruga at naghihintay hanggang sa maabot ko ang aking pangarap. Hayaan mong ibalik ko sa iyo lahat ng panahong iginugol mo upang ako’y alagaan. Na  alam kong sa panahong ito’y nagnanais ka ring matapunan ng marubdob na pagkalinga mula sa iyong mga anak na pinakamamahal. Mahal kita, o aking ama!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here