ALAMIN KUNG PAG-IBIG ANG IYONG NARARAMDAMAN O PAGKAHUMALING LANG?

Sadyang kaysarap umibig at ibigin. Kaysarap madama at maranasan ito sa taong pinag-uukulan mo ng pagmamahal. Sabi sa isang liriko ng isang kanta: “Nang dahil sa pag-ibig, tayo’y naging tao”. Tama naman ito dahil sa pag-ibig ng Diyos, nandito tayo ngayon sa mundo.

May kanya-kanya tayong pinag-uukulan ng pag-ibig. Kabilang na ang pag-ibig sa mga magulang, sa kamag-anak, sa kaibigan, sa bayan, sa trabaho, sa alagang hayop, sa kasintahan at pag-ibig sa Diyos.

Aminin man natin o hindi, tila paborito ng karamihan ang pag-ibig sa isang tao (love). Hindi ba’t masarap talagang magmahal?

Ngayon, ating sangguniin ang Biblia tungkol sa Pag-ibig. Papaano natin malalaman na pag-ibig na ang ating nararamdaman? O pag-ibig ang iniuukol sa atin ng isang taong nagsasabing mahal niya siya— mahal ka niya? Baka umiibig ka lang sa paraang iyan ang itinatatak mo sa iyong isipan? Naitanong mo na ba sa sarili mo kung love nga ba iyan o infatuation?

Baka ang sinasabing love mo— makalipas ang ilang araw o buwan— o taon ‘e hindi mo na mahal. Bakit? Baka nahumaling lang kasi. Karaniwan ‘yan ang ganyang damdamin sa mga teenagers.

Kadalasan kasi, ang mga kabataang may edad 13 hanggang 19 ang siyang nagsasabing umiibig sila. ‘O madaling ma-inlove, mapa-lalake man o babae. Madali silang magsabi na humahanga sila sa isang tao— na mahal nila kuno o nahuhumaling sila. Masasabing sangkot pareho ang pag-ibig sa pagkahumaling. Pero sa totoo lang, magkaiba ang dalawang aspektong ito.

Baka ang itinitibok ng puso mo ay isa gaya ng sipon. Madaling kumapit, agad ding nawalala.

Kadalasan, tumitingin ang kabinataan at mga kadalagahan sa anyong panlabas ng bawat isa. Dito mararamdaman ang paghanga at mauuwi sa pagkahumaling. Gayunman, sinasabi ng isa na umiibig siya— datapuwat, pagkalipas ng ilang buwan, ang pagkahumaling niya ay napako na sa isang tao.

“Crush na crush ko si James noon. Halos di buo ang araw ko kapag hindi kami nagkikita at nag-uusap. Madalas din kaming mag-usap sa telepono. Pero, mula nang makilala ko ang bagong kapitbahay naming na si Daniel, nawala ang atensyon ko kay James. Si Daniel na ang bago kong “prince charming.”— Kathryn, 19-anyos.

“Maganda at popular si Barbie sa school. Kaya, nagkagusto ako sa kanya. Niligawan ko siya at naging mag-on kami. Pero, masyado siyang selosa at demanding. Nang makilala ko si Sanya, malambing ito at siya pa ang nalilibre sa akin kapag nagdi-date kami. Kalaunan, nagbreak kami ni Barbie dahil si Sanya na ang mahal ko.”— Michael, 18-anyos.

Batay sa nabasa nating pahayag ng dalawa, limiin kung sila ba talaga ay umiibig. ‘O nahumaling lang bang talaga? Nahumaling lang sila.

Ang totoong umiibig at nagmamahal, kahit ano pa man ang katangian at kapintasan ng isa, lalo mo pa siyang mamahalin sa paglipas ng panahon. Kilala mo man o kahit kasintahan mo na.

Hindi naman kaguwapuhan si Gregory pero siya ang naglakas loob na manligaw sa akin. Rakista ang porma niya at mukhang sanggano. Si Ludwig talaga ang crush ko.Bago niya ako niligawan ay nakipagkaibigan muna siya sa akin. Pero, habang tumatagal, nakikita ko ang mabuting katangian ni Gregory. Palabiro siya at malambing, may malasakit sa mga matatanda at mga bata, maawain sa mga hayop at magalang sa mga magulang. Isa pa, niyayaya niya ako sa Bible study nila. Kaya, unti-unti ko na siyang natutunang mahalin,”— Girlie, 19-anyos.

Ngayon, ano ba ang sinasabi ng Biblia sa pag-ibig?

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang loob, hindi mainggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan, Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa at mapagtiis hanggang sa wakas.” ( I Corinto 13: 4-7).

Isang halimbawa ng tunay na pag-ibig na nakatala sa Biblia ay ang pag-ibig ni Jacob kay Raquel. Bagama’t nabighani siya sa panlabas na katangian nito dahil sa maganda at balingkinitan, inibig niya ito hindi lamang doon. Na dahil sa kanyang pagmamahal sa dalaga, naglingkod sa kawan ng ama ng Raquel na si Laban si Jacob para mapangasawa ang babae ng kabuuang 14 taon. (Genesis 29:17-28).

Isa pang halimbawa ay ang pag-ibig ni  prinsesa Michal ( anak ni haring Saul ng Israel) kay David. Gayun din si David, na dahil sa pag-ibig niya sa dalaga ay sinunod niya ang utos ng hari na pumatay ng 200 Filisteo. (I Samuel 18:20-28). Nang dumating ang panahong ipapapatay ng hari si David, nagawang balaan ni Michal tungkol dito. Nagawang linlangin ni Michal si Saul dahil pinatakas niya ang lalaking iniibig. (I Samuel 19: 11-17).

Ang pag-ibig ni Propeta Oseas sa kanyang asawang nagbebenta ng panandaliang-aliw na binili niya sa halagang 15 pirasong pilak at 150 kilong sebada sa bahay-aliwan. Sa gayun ay hindi na ito mangalunya at maipagniig sa ibang lalaki. (Oseas 3:1-3).

Batay sa ating napagtimbang na mga tala, malalaman natin ang kaibahan ng pag-ibig sa pagkahumaling sa pamamagitan ng paghahambing.

Damdamin o pagmamahal na  ipinapadama sa isa:

Pagkahumaling:  Maaaring tumagal lamang ng ilang araw o buwan.

Pag-ibig:              Maaaring tumagal ng ilang buwan o taon pa nga.

Pagkahumaling:  Nagugustuhan lamang ang panlabas na anyo, may target na makuha o may bagay na nais madama kagaya ng sex— at kapag nakuha na ang gusto, tatabang na ang pagmamahal. Nagseselos at hindi pinapakinggan ang paliwanag ng kabilang kampo, maramot at gusto niya siya lang ang manligaw o ligawan, nadidismaya kapag may nakitang di kanais-nais na pag-uugali o asal ng isa, mapag-imbot, perpekto ang tingin sa kasintahan o hinahangaan, kahit may nakikitang mali, nagbubulag-bulagan, sumusunod lamang sa agos, nanliligaw sa telepono, walang konkretong balak kung saan patungo ang relasyon.

Pag-ibig:              Kung nagugustuhan ang gandang panlabas, mas interesado ang isa sa kagandahang panloob, mapagbigay, inaayos sa magandang usapan ang hindi pagkakaunawaan, hind agad basta-basta magseselos, kay tiwala sa kapareha, binabago ang katangiang mali at lalong nagpapakabuting tao, pinag-uusapan ang magandang plano sa hinaharap, nanliligaw sa bahay, hindi mainipin, pasensiyoso, ipinagmamalaki ka at ginagawa kang mabuting tao.

SHARE
Previous articleGemini Compatibility
Next articleChinese Horoscope; Hunyo 8
Ravenson Biason: Writer/Novelist/ Blogger/ Artist/ Composer/Cartoonist

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here