ALAMIN ANG GENERAL RULES SA PAGBIBIGAY NG AMPAO O RED ENVELOPE

1143

Unti-unti ay nagiging kaugalian na ng mga Pilipino ang pagbibigay ng Ampao o kulay pulang envelope na may nakalimbag na Chinese characters. Karaniwang nagbibigay tayo ng Ampao tuwing Pasko. Ang paggamit ng Ampao sa ating mga Pilipino ay hindi kasing sagrado ng sa mga Tsino. Karaniwan nating inilalagay sa Ampao ang ating Aguinaldo sa mga inaanak upang hindi  tayo malito kung kangino ito iaabot, o parang presentableng tingnan.

            Sa mga Tsino, may malalim na pakahulugan ang pagbibigay ng Ampao. Karaniwan silang nagbibigay nito tuwing Chinese New Year.

            Sa China, ito ay tinatawag na Hongbao (Mandarin) at Lai See (Cantonese). Ito ay kapuwa nangangahulugan na “red packets”.

Bakit Nagbibigay ng Red Envelopes ang mga Chinese?

            Napakahalaga para sa mga Tsino ang kulay pula. Ito ay simbolo ng kapangyarihan, kalakasan, kasiyahan, at magandang kapalaran. Ang pagbibigay ng red envelope ay tanda ng pagbabahagi ng magandang hangarin at kapalaran. Kung sa Pilipinas, pagkatapos makuha ang laman ng Ampao ay itinatapon na ito, hindi ganito ang kalakaran sa China. Katunayan, sa China, hindi importante ang laman ng red envelope kundi ang red envelope mismo.  Ang red envelope ay tinatawag na yasui qian (压岁钱 /yaa-sway chyen/), o pangontra sa ghost money. Ang sinumang binigyan mo ng red envelope ay parang sinabihan mo na rin na ipinapanalangin mo ang kaniyang kaligtasan at kabutihan para sa buong taon.

Kangino Ibinibigay ang Red Envelope?

            Ang pagbibigay ng red envelope ay katumbas ng pagbabahagi ng iyong mga biyaya. Ang halagang ilalagay mo sa loob ng red envelope ay nakabase sa kung gaano kalaki ang iyong kita. Tradisyon na ng mga Tsino na lagyan ng red envelope ang bulsa ng kanilang mga anak tuwing Chinese New Year’s Eve o New Year’s Day. Karaniwang magkakapamilya lamang ang nagbibigayan ng red envelope. Ngunit itinuturing rin na suwerte kung magbibigay ka ng red envelope sa bawat batang makakasalubong mo sa daan. Ang mga malalapit na kamag-anak ay nagbibigay lamang ng red envelope kung ikaw ay ikakasal. Ito ay tanda ng kanilang basbas at paghahangad nila ng magandang kapalaran para sa inyong mag-asawa.

Mga Do’s and Don’ts sa Pagbibigay ng Red Envelope

            May mga kaugaliang dapat sundin sa pagbibigay ng red envelope.

  1. Maglagay lamang ng bago at malutong na perang papel sa loob ng envelope. Malas kung ikaw ay maglalagay ng luma at lukot ng pera.
  • Huwag maglalagay ng coin o barya sa red envelope.
  • Huwag maglalagay ng amount na may katumbas na 4 tulad ng 40. Ang number 4 sa Chinese ay katumbas ng kamatayan.
  • Kung ikaw ay tatanggap ng red envelope, abutin ito gamit ang dalawa mong kamay. Kabastusan para sa mga Tsino na abutin lamang ito gamit ang isa mong kamay.
  • Huwag bubuksan ang red envelope sa harap ng taong nagbigay sa iyo nito.
  • Laging pasalamatan ang taong nagbigay sa iyo ng red envelope.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here