Ako ay may lobo

0
245

LAGI akong namamangha sa lobo. Palibhasa ay lumaki ako sa bukid na puro halaman ang nasa paligid, kapag nakakakita ako ng lobo noong bata pa ako ay rocket science na sa akin. May mga pinsan ako sa kabayanan na pag dinadalaw ako sa bukid ay lobo ang pasalubong nila, at sapat iyon para maglakbay ako sa ibang mundo habang nilalaro ko.

Nang mag-second birthday ang anak ko ay sa bukid na nilakihan ko namin ginanap. Ang buong paligid ay pinalibutan namin ng lobo. Hindi pa nagsisimula ang program, ang mga nanay ng mga batang imbitado ay nakapuwesto na sa mga lobo para pitasin. Actually, saglit lang ay kanya-kanya na silang kuha para sa kanilang mga anak. Parang mas importante pa ang lobo kaysa sa pagkain na handa.

Nang nag-aaral na ako, may tindang kendi na may kakambal na lobo. Kung kasing-edad ko kayo or mas matanda kaysa akin, aminin ninyong alam ninyo itong sinasabi ko. ‘Hindi lumilipad ang lobong ito. Hinihipan, at nagkakaroon ng movement kapag ini-release ang hangin. Pinalolobo ko iyon, isinasabit sa aming dingding at ini-imagine na umaangat sa ere gaya ng lobong kargado ng helium. Iyon ang masarap sa pagiging bata, ang imahinasyon ay parang katotohanan na rin.

Kamailan ay naimbitahan ako ng isang kaibigan na mag-attend ng 7th birthday party ng kanyang anak. Dahil mahigpit ang imbitasyon, umoo ako.

Maganda ang venue at sa hagdan pa lang (sa second floor ginanap ang kainan) ay marami nang naka-display na lobo. Pumisil-pisil pa ako sa mga kumpul-kumpol habang umaakyat. Sa loob ay marami ring nakasabit sa mga upuan.

Nang matapos ang selebrasyon ay nakatuwaan kong magbitbit ng isang lobo. Habang nasa dyip ay pinagtitinginan ako ng mga pasahero. Obvious na galing ako sa children’s party. Heck; kanya-kanyang trip lang, walang basagan.

Ang lobo ay balak kong ipalaro sa dalawa kong dogs. Minsan ay nag-uwi rin ako ng lobo at tuwang-tuwa ang dalawa nang ipalaro ko. Nang sumabog, nagtago sila sa ilalim ng mesa at matagal na di nakalabas. Nasa mga mata nila ang guilt dahil iniisip nilang may nasira silang gamit. Tuwang-tuwa ako sa expression nila at gusto ko uling ma-witness ang ganoong eksena.

Nang naglalakad na ako ay may nakasalubong akong nanay na nangangalakal at may tulak na kariton ng bote-diyaryo. May anak siyang maliliit na nakasakay sa kariton. Ang batang lalaki, na sa wari ko ay pinakamatanda, ay kumislap ang mata pagkakita sa lobong dala ko. Aniya, “Kuya, akin na lang!”

Huminto sa pagtutulak ng kariton at tumingin sa akin ang nanay, at ngumiti na parang nakikiusap. “Akin na lang ang lobo,” ulit ng bata, at maging ang dalawa niyang kapatid ay nanghihingi na rin. Tuwang-tuwa sila. Nagkibit-balikat lang ako at nagdiretso sa paglalakad.

Pagdating ko sa bahay ay excited na sumalubong ang dalawang dogs sa akin. Agad kong binitawan ang lobo at masaya nilang nilaro. Wala pa yatang ten seconds, “Boom!” Sumabog na ang lobo at ang dalawang dogs gaya ng dati ay nagtago sa ilalim ng mesa dahil sa guilt.

Pero mas matindi ang guilt na naramdaman ko…

Nag-sink in sa akin kung gaano kasaya sana ang mga musmos kung ibinigay ko sa kanila ang lobo. Baka mas kumislap ang kanilang mga mata, mas maluluwang ang mga ngiti. Baka natuwa ang nanay nila na hirap na hirap sa pagbobote-diyaryo at di sila mabilhan ng laruan. Baka hanggang ngayon, nilalaro pa nila ang lobo na iilang segundong pinaglaruan at pinasabog ng dalawang dogs.

Guilt…

Lapse in judgment. Sana pala ibinigay ko na lang sa kanila.

Iniisip ko na lang na sana’y nakalimutan na ng mga bata na may maramot na mama silang nakasalubong at di sila binigyan ng lobo. At sana rin ay may ibang tao na mas mabait kaysa sa akin na sa paglilibut-libot nila araw-araw sakay ng kariton ng nanay nila, ay naaabutan sila kahit lumang laruan na nagpapakislap ng kanilang mga mata at naghahatid ng ngiti sa kanilang mga mukha.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here