Aiza Seguerra, Pinatunayan Ang Pagkakaroon Ng Prinsipyo

472

AMINADO si Pangulong Rodrigo Duterte na ang ilan sa mga nakatulong sa kanya noong panahon ng kampanya ay itinalaga niya bilang kasangga sa pagbabagong nais niya sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Pinakasikat at kontrobersyal sa mga ito ang assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office na si Mocha Uson.

Maraming sablay si Uson sa kanyang tungkulin pero hindi siya nasisibak. Malakas kasi ang following niya sa social media, at sa panahong ito ay kailangan ng isang “influencer” na gaya niya ng isang may hawak na kapangyarihan.

Maraming mga taga-showbiz ang nasa posisyon ngayon dahil sa kanilang naging papel sa kampanya ni Tatay Digong. Mababawasan na sila ng isa ngayon.

Kinumpirma ng Malacañang na nagsumite na ng resignation letter si Aiza Seguerra bilang chair ng National Youth Commission (NYC).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang media briefing na natanggap na ng opisina ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang resignation letter ni Aiza.

Ayon kay Roque, hindi pa niya nakakausap si Aiza hinggil sa pagbibitiw nito bilang NYC chairperson.

Wala pa ring impormasyon kung tinanggap na ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw ni Aiza.

Ang resignation letter ni Aiza ay may petsa ng March 5 subalit magiging effective sa darating na April 5.

Itinalaga ni Pangulong Duterte si Aiza bilang NYC chair noong Agosto 2016, habang ang kanyang partner na si Liza Dino naman ay itinalagang executive director ng Film Academy of the Philippines.

Sa kanyang post sa social media, sinabi ni Aiza na siya ay nagbitiw dahil sa mga personal na kadahilanan.

“I met with our dear President last March 5th to tender my resignation as NYC chairperson. I coordinated with his office because I wanted to personally tell him my reason. Knowing how social media can exaggerate or twist the truth, I wanted to make sure that he’s going to it from me,” sabi ni Aiza.

“He was very understanding and supportive of my decision. Para siyang tatay. Nakinig, inintindi  at pinalakas ang loob ko,” dagdag pa niya.

May mga ulat na kabilang sa dahilan ni Aiza kaya nagbitiw sa tungkulin ay ang pagiging insensitibo ng Pangulo sa mga biro nito patungkol sa mga kababaihan, lalo na ang rape jokes nito. Ayaw rin umano ng nagbitiw na NYC chair na laging naaantala ang halalan para sa Sangguniang Kabataan (SK), lalo pa at malaki ang papel ng komisyon sa pakikilahok ng mga kabataan sa mga aspetong panlipunan.

Anuman ang dahilan ni Aiza ay isang bagay ang pinatunayan niya. Na siya ay may prinsipyo at hindi kapit-tuko sa puwesto. Bakit ka nga naman mananatili sa isang posisyon kung ang iyong mga paniniwala ay taliwas na sa mga isinusulong ng iyong pinuno.

Ang tanong: May iba pa kaya na gaya niya na dahil salungat na sa prinsipyo ang landas na tinatahak ni Tatay Digong ay iiwan na rin ang Pangulo na inakala nilang maghahatid ng mga pagbabago?

#aizaseguerra #nyc #duterte #filipinoyouth

More KC Cordero Articles

Commentary Articles

SHARE
Previous articlePAHULA 32: Ang sinasabi ng iyong kapalaran
Next articleDear Ka-DDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here