Agawan sa Teritoryo: Ph vs. Tsina ni Kaila Jane D. Salazar

12944

Hindi pag-aari ng Tsina ang West Philippine Sea. Ito ay ayon sa inilabas na desisyon ng pandaigdigang Permanent Court of Arbitration (PCA) sa kasong isinampa ng Pilipinas sa Tsina ukol sa agawan sa karagatan. Taong 2013 pa nang magsampa ng kaso ang Pilipinas sa Tsina matapos ang pag-usbong ng tensiyon sa pinag-aagawang teritoryo.

     Sa nasabing karagatan, kapansin-pansin ang mga pasilidad na itinayo ng Tsina at lumikha pa umano ng artipisyal na isla. Ang teritoryong kanilang inaangkin ay pinalilibutan ng naglalakihang barko ng Tsina at mga militar nito bilang bantay-dagat.

     Bilang nasa atin ang panig ng PCA, nararapat lamang na malaman natin ang mga punto at dahilan ng desisyon ng tribunal. Una sa lahat, magkaiba ang South China Sea at West Philippine Sea. Ayon kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang West Philippine Sea ay tumutukoy sa karagatang hurisdiksiyon ng Pilipinas. Kabilang rito ang territorial sea, exclusive economic zone (EEZ) at extended continental shelf ng bansa. Nang mapag-alamang bahagi ng EEZ ng Pilipinas ang West Philippine Sea, napagtanto ng tribunal na nilabag ng Tsina ang karapatan sa soberanya ng Pilipinas matapos nitong harangin ang mga mangingisdang Pilipino at pagpigil sa eksplorasyon sa petrolyo kung saan mayaman ang bahaging ito. Binigyang pansin din maging ang mga itinayong artipisyal na isla ng Tsina at ang malawakang pangingisda ng mga Tsino sa pinag-aagawang teritoryo.

       Sa kabilang banda, nilinaw ni Carpio na ang South China Sea ang ginagamit kapag patungkol sa karagatang pinagtatalunan ng Tsina at iba pang bansa sa Timog-Silangan Asya. Hindi umano dapat mapagbaliktad ang katawagang ito upang hindi magdulot ng kalituhan sa publiko.

     Sumunod na punto ay walang batayan ang “nine-dash line” ng Tsina. Nine-dash line ang linya na nagpapakita ng historikal na saklaw ng teritoryo ng Tsina ang halos buong West Philippine Sea o nasa 85.7 porsiyento ng karagatang ito. Katumbas ito ng 3 million square kilometer. Nasa 3.5 million square kilometer ang nasabing dagat. Ito ay binase ng Tsina sa isang lumang mapa kung saan nakapaloob ang karamihan sa mga inaangkin nitong bahagi ng dagat. Ang desisyong ito ng Tribunal ang isa sa mga ipinagbunyi ng mga Pilipino na walang batayan ang historical claim ng Tsina sa South China Sea.

     Sa paliwanag ni noo’y Kabayan Party List Rep. Harry Roque, isang eksperto sa international law, sinasabing sa ruling na hindi tugma ang historical claim ng Tsina sa mga probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Sa pinirmahan at niratipikang kasunduan ng Tsina sa UNCLOS noong 1980’s ay nagsasabing tinalikdan na nito ang kanyang historical claim sa mga teritoryo. Nangangahulugang walang karapatan ang Tsina na angkinin ang mga pinagtatalunang bahagi ng South China Sea dahil sa giit nitong nine-dash line.

   Binatikos din ng PCA ang Tsina sa pagkasira di umano sa kalikasan ng lugar dahil sa pagtatayo nito ng artipisyal na mga isla sa pinagtatalunang teritoryo. Ayon kay Justice Carpio, kabilang sa maritime rights ang karapatan sa mga likas na yaman sa West Philippine Sea. Kabilang sa mga maritime zone ng Pilipinas ayon kay Fr. Ranhilio Aquino, Dekano ng San Beda School of Law ay ang territorial sea na nasa 12 nautical miles, ang contiguous zone na nasa 24 nautical miles mula sa baybayin at ang exclusive economic zone (EEZ) na nasa loob ng 200 nautical miles mula sa baybayin. Partikular na hiniling ng Pilipinas sa Tribunal na pagtibayin ang maritime rights ng mga Pinoy na makinabang sa likas na yaman sa EEZ na inaangkin ng Tsina sa West Philippine Sea.  

       Sa kabila ng hindi pagkilala ng Tsina sa desisyon ng PCA, pinanghahawakan pa rin ng ating gobyerno ang mga puntong kanilang pinaglalaban. Pero hindi rito natatapos ang usapin ng teritoryo sapagkat maritime rights at hindi soberanya ang dinesisyunan ng Tribunal.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here