‘Kababae Mong Tao’: Kung Papaano Maging Babae Sa Pilipinas

4982

Bilang nakakatanda sa tatlong babae, marahil ay narinig ko na ang katagang “kababae mong tao” ng ilang libong beses. Sa tuwing gugustuhin kong maglaro sa labas ng bahay kasama ang mga kaibigang lalaki, madalas napapagalitan ako ng aking lolo noon. Utos niya, pumasok raw ako sa loob at maglaro na lamang ng aming mga manika, o di kaya ay mag-lutu-lutuan o bahay-bahayan.

“Kababae mong tao, laro ka ng laro sa labas,” naaalala kong madalas niyang sabi. Samantala, iyong mga kaibigan kong lalaki, hindi ko man lang narinig ni isang beses mula sa nakakatanda nilang kapamilya na sinasabi iyon. Naisip ko tuloy, mas masaya at mas malayang maging lalaki.

Makalipas ang 23 taon at nagkaroon na ako ng anak, nakakarinig pa rin ako ng ganoon sa aking mga kamag-anak—madalas mula sa kalalakihan. Iyong pinakahuli ay nasabi ng aking tiyuhin, at sabi niya hindi raw ako maaring uminom dahil babae ako. Nag-init ang aking mga tainga noon.

Walang direktang salin para sa katagang “kababae mong tao,” ngunit para sa akin, hindi ko na gusto ang tunog nito noon pa. Maaring ang salin nito ay “you’re a girl, yet…” at kadalasan ay nasusundan ito ng dahilan na paminsan pa nga ay walang katuturan. Sa katunayan, walang salin na makakapagpahayag ng lalim at lawak ng katagang ito.

Sa pagsabi ng “kababae mong tao,” tila nais nitong pigilan ang isang bagay o aksyon dahil babae ang gagawa nito. Maihahantulad rin ito sa isang hindi nakikitang posas na para sa mga babae lamang, at kumakahulugan ito na hindi sila ganoon kalakas o kagaling para gawin ang isang bagay. Hindi maganda ang ibig nitong sabihin, ngunit sa loob ng maraming siglo, ang ganitong pag-iisip ay matagal nang nakatatak sa kamalayan ng mga Pilipino.

Feminismo sa patriyarkal na lipunan

Bago dumating ang mga Espanyol, ang mga lalaki at babaeng katutubong Pilipino ay nakaranas ng patas na pribelehiyo. Ayon sa Patriarchy and Women’s Subordination in the Philippines na naisulat ni Luz Lopez Rodriguez, nasasaad sa mga pag-aaral na ang mga kababaihan noon ay maaring magkaroon ng mataas ng antas sa lipunan katulad ng mga kalalakihan. Ang babae at lalaking mga anak pagdating sa pagtrato, pagmana at kahit kalayaan.

Sa pagdedesiyon, magkaramay ang lalaki at babaeng asawa, at sa kanilang mga pagmamay-ari, sila ay patas rin. Noong wala pang mga batas ukol sa diborsyo, may karapatan rin noon ang mga babae na lisanin ang kanilang asawa. At isa pa, ang mga babae ay mayroong kapangyarihan sa politikal at relihiyosong mga institusyon tulad ng mga lalaki.

Nagbago ang ihip ng hangin nang dumating ang mga Kastila. Sa pagdala nila ng patriyarkal na ideolohiya, kasabay nilang itinaguyod ang sinaunang piyudalismo sa bansa. At nang nailapag nila ang kanilang mga paa sa Pilipinas, unti-unting nagbago ang turing sa kababaihan mula bilang isang respetadong kaparis at naging isang sunud-sunuran sa mga lalaki.

Dinala ng mga Kastila ang paniniwalang ito sa ating mga tradisyon at kaugalian—makatyowista at kadalasan ay base sa pagtingin na pabor sa mga kalalakihan—at ito ay masasaksihan pa rin

matapos ang halos kalahating milenyo. Kahit ang pagkakasulat ng ating kasayasayan ay naimpluewensyahan rin ng patriyarka.

Karamihan sa ating mga mananalaysay ay lalaki, kaya naman naisulat ang ating nakaraan ng may impluwensya ng patriyarka. Sa pag-aaral na Roots of Feminist Thoughts in the Philippines na naisulat ni Lilia Quindoza Santiago, sinabi ni Dr. Luisa Camagay na ang dahilan kung bakit maliit ang presensya ng mga kababaihan sa ating kasaysayan ay gawa ng patriyarkal na pagmasid. Dahil dito, naisalin ang paniniwalang mas malakas at magaling ang mga lalaki sa maraming henerasyon ng Pilipino, sa tulong ng mga lalaking bayani at lider.

Mga feministang Pilipino sa panahon ng milenyo

Malayo na rin ang narating ng Pilipinas sa kabila ng malalim na pagkaugat ng patriyarka sa ating kultura. Ang akitibong feminismo ay pinangunahan ng Asosacion Feminista Ilonga sa tulong ng lider nito na si Pura Villanueva Kalaw, nang ipinaglaban niya na magkaroon ng karapatan ang mga babae na bumoto noong 1906. Matapos ang isang siglo, nanganak ang bilang ng mga feminista at patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan.

Kaiba sa tradisyonal na pamamahayag, naging mas mabisang kasangkapan ang social media sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa feminismo sa Pilipinas. Ito ay nagsilbi ring tulong sa pag-gising sa kamalayan ng mga Pilipino para labanan ang patriyarka. Dahil sa kakayanan ng social media na kumonekta sa mga tao sa labas ng bansa, naging mas madali ang pag-aaral tungkol sa feminismo, isang ideolohiya na nagmula sa kanlurang mga bansa.  Ayon pa sa Rappler, tinulungan ng social media ang mga kababaihan upang sabihin ang kanilang mga saloobin at pinalakas nito ang kanilang mga loob. Hindi lamang natulungan ng social media na baguhin ang pagtingin ng mga babae sa kanilang kakayanan, binago rin nito ang pagtingin sa kanilang mga sarili mapa-pisikal, emosyonal o sosyal na aspekto man. Dahil dito, mas nabigyan ng kahulugan ang feminismo. Base sa isang survey na isinagawa noong 2016 ng PulseAsia, halos lahat ng mga Pilipino (96 porsyento) ay naniniwala na nararapat lang na ipaglaban ng mga babae ang kanilang karapatan. Nasakop ng nasabing survey ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang sosyo-ekonomikal na klase at antas ng pag-aaral, at naisagawa rin ito sa mga lalaki at babae.

Ayon rin sa survey, halos kalahati ng mga Pilipino ang naniniwala na kapatas ng mga lalaki ang kababaihan. Apat na isang porsyento ang nagsabi na ang mga babae sa Pilipinas ay hindi kulang sa pribilehiyo at 33 porsyento naman ang nagsabi na hindi. Dalawampu’t anim na porsyento naman ang hindi nakapagdesisyon kung ano nga ba ang kalagayan ng mga babae sa lipunan.

Feminismo sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa

Kung ihahambing ang Pilipinas sa ibang karatig-bansa sa Southeast Asia, maganda ang estado ng ating bansa. Sa katunayan, nasa ikapitong puwesto ang ating bansa sa Global Gender Gap Index noong nakaraang taon. Ang survey na ito na isinagawa ng World Economic Forum ay naglalayong sukatin kung gaano kapatas ang oportunidad para sa dalawang kasarian.

Kabilang ang Pilipinas sa top 10 kasama ang mga bansa sa Nordic Europe gaya ng Iceland, Finland, Norway at Sweden. Ayon rin sa datos, ang Pilipinas ay isa sa natatanging dalawang mga bansa mula sa rehiyong East Asia at Pacific na kabilang top 10. Ang ating bansa rin ang nangunguna sa buong rehiyon sa kabila ng pagbaba ng overall score.

Ayon pa sa datos, ang halos makitid na pagkakaiba sa oportunidad para sa kalusugan, edukasyon at trabaho ang ilan sa dahilan ng pagkakaluklok ng Pilipinas sa ika-pitong pwesto. Ang Pilipinas ay mayroon ring malaking bilang ng mga babaeng opisyal sa gobyerno, at dalawa pa rito ay naupo sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Nasaad sa isang piesa sa Philippine Daily Inquirer na ang Pilipinas ay mayroon ring komprehensibong mga batas upang protektahan ang mga kababaihan. Isa rito ang Magna Carta Law of Women na naglalawig na mapuksa ang diskriminasyon sa mga kababaihan at mapaigting ang pagprotekta sa kanila. Naipabisa ito ng isang babaeng president ng bansa, si Gloria Macapagal-Arroyo.

Pag-urong mula sa feministikong progreso

Mayroon mang mga Pilipino na lumalaban sa mga patriyarkal na paniniwala, ngunit mahirap pa ring matanggal ito dahil ito ay buhay na buhay pa rin sa ating pang-araw-araw na nakasanayan. Madalas pa ring nagaganap ang diskriminasyon at isyu pa rin ang karapatan ng mga kababaihan, at madalas itong balita sa tradisyonal at makabagong pamamahayag.

Noong nakaraan lamang, nasangkot si Sen. Tito Sotto sa isang isyu dahil ginawa niyang katatawanan ang pagiging solong magulang ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo. Ayon sa komedyante, si Sek. Taguiwalo raw ay isang babaeng “na-ano lang,” at base sa kanyang konstekto, ang ibig niyang sabihin ay disgrasya lang ang pagbubuntis noon ng kalihim. Kasunod ng kanyang biro ay halakhan mula sa iba, at pinangunahan ito ng senador.

Ang biro na nasabi ng senador ay may bahid na kabastusan para lamang masubukang mapatawa ang mga opisyal na nasa hearing, ngunit ayon sa kanya ay hindi niya sadyang mabastos si Sek. Taguiwalo. Maari nating masabi na ang biro ng senador ay may kaugnayan sa “stud and bitch mentality,” na kung saan pinupuri ang kakisigan ng mga lalaki kapag nagkaroon sila ng anak mula sa iba’t ibang babae, samantalang ang mga kababaihan naman ay tinuturing na disgrasyada kapag nabuntis ng hindi pa kasal.

Hindi ito ang unang beses na naging isyu si Sen. Sotto dahil sa kanyang mga salita. Noong nakaraang taon, napag-initan siya ng mga social media users dahil sa sinabi niyang kalasanan ng babae na mabastos siya dahil nagsuot siya ng shorts at nakikipag-inuman sa mga lalaki. Sinabi niya iyon habang nakatutok ang manunuod sa live na palabas.

Samantala, ang mga kababaihan na umiinom ng contraceptive pills ay nangangamba matapos hindi payagan ng Supreme Court na alisin ang temporary restraining order (TRO) na nagpipigil sa Food and Drug Authority na maglabas ng sertipikasyon para sa mga produktong pang reproduktibo. Ayon sa CNN, napaso ang sertipikasyon ng tatlong tatak ng contraceptive pills, kaya naman 23 tatak na lamang ang pinagpipilian ng mga kababaihan sa Pilipinas.

Kung mananatili pa rin ang TRO, 14 na tatak ng pills ang inaasahang mawawala sa merkado sa pagtapos ng taon at 14 naman sa susunod na taon. Dahil dito, maraming mga kababaihan ang nanganganib na mabuntis ng biglaan pati na rin ang mga delikado ang kanilang kalusugan sa kadahilanang ang mga pills ay hindi lamang ginagamit pang-pigil ng pagbubuntis.

Ilang buwan na rin ang nakalipas, nabalitaan ko na naipasa na sa senado ang mungkahi ni Sen. Risa Hontiveros na palawigin ang maternity leave. Napakasaya ko para dito, hindi para sa akin, ngunit para sa mga Pilipinang nais makasama ang kanilang mga bagong panganak nang walang iniisip na pangamba sa kanilang trabaho. Subalit nang nagbasa ako sa comment section ng balita sa Facebook, nadismaya ako sa sinabi ng ibang tao.

“Dahil dyan, hindi na iha-hire ang mga babae. Or i-hire man, dapat baog o walang matres. Sure yan,” sabi ng isang lalaki.

“And next that [will] happen will be a DECLINE of women employment…good luck,” ani ng isa (“Susunod na mangyayari diyan, kokonti ang mga babaeng nagtatrabaho…good luck.”) Sabi pa ng isa, marami ang mabubuntis dahil dito at sinabi naman ng isa na basura lang ang mungkahi.

Pilipinong feminista, patuloy ang laban

Kaiba ang nakalipas na Marso 8 kumpara sa mga nagdaan. Noong araw na iyon, napakaraming mga post sa aking social media accounts patungkol sa International Women’s Day. Naging matagumpay na araw na iyon; ito iyong isang panahon na maraming mga Pilipino, mapa-babae, lalaki o parte man ng LGBQT, ang nag-gunita ng importansya at kapangyarihan ng mga babae sa tulong ng social media.

Naglipana ang mga hashtags tulad ng #IWD2017, #BeBoldForChange, at mga pagbati tulad ng Happy International Woman’s Day. Ang araw na iyon ay maituturing na tagumpay dahil sumimbolo ito na alam na ng mga Pilipino ang halaga ng mga babae sa lipunan, ngunit hindi ito sapat upang mapatunayan na isinasabuhay na natin ang feminismo sa ating pang-araw-araw na gawain.

Kung tatanungin ako, ngayon na nga ba ang pinaka-mainam na panahon para maging babae sa bansa natin? Sa palagay ko, hindi pa siguro. Handa na ang Pilipinas para maging isang bansa na walang diskriminasyon, ngunit kakailanganin pa ng mas matagal na panahon para maisabuhay ito ng mga Pilipino.

Maliban na lamang kung ang gobyerno natin ay walang mintis na gumagawa ng desisyon na walang pinapanigan. Maliban na lamang kung ang gobyerno natin ay walang mga politiko na hindi nag-iisip ng kalalabasan ng kanilang mga gagawin. Maliban na lamang kung hindi tayo pinipigil sa ating karapatan sa pagpili ng ating mga nais pagdating sa kalusugan at pagbuo ng pamilya. At higit sa lahat, maliban na lamang kung mayroon tayong mga tahanan kung saan ang mga lalaki ay hindi pinipigilan ang mga babae sa paggawa ng isang bagay dahil lihis ito sa kinagisnan.

Mabalik tayo sa araw na sinabi sa aking huwag akong uminom. Sa aking isip, gusto ko sanang mag-amok at ipaliwanag sa kanya kung bakit hindi siya ang dapat magdedesisyon para dito. Hindi lang naman ang pag-inom ang nais kong tukuyin; ang desisyon kong hindi pag-inom ay

hindi dapat mag-base sa kanyang opinyon—walang sino man kundi ako lamang, lalo’t higit hindi ito mababase mula sa opinyon ng lalaking umiinom noong araw na iyon.

Naniniwala akong tayo mismo ang nagpapaigting ng kawalang patas sa ating lipunan at nagmumula ito sa loob ng sulok ng ating mga tahanan. Hindi man natin lubos na napapansin, ngunit binubuhay natin ang patriyarka sa maliliit na mga bagay. Sa tuwing uuwi ang ating mga tatay mula sa trabaho, makikita natin ang ating mga nanay na nagsisilbi pa sa utos nila, kahit na ba buong araw rin silang pagod sa pag-aayos ng tahanan, o di kaya ay matapos ang buong araw ng trabaho sa opisina o sa bahay. Sa totoo lang, karamihan sa ating mga Pilipino ang lumaki sa ganitong klaseng paraan.

Ngunit hindi pa naman huli para magsimula ulit. Hindi pa huli na makamtan natin ang ating minimithi. Sa kabila ng lahat, nabanggit ko na ang patriyarka ay hindi orihinal na isinasabuhay sa ating bansa. Ang ating makulay na kultura ay noon pa man mayroong respeto at tiwala sa mga babae at lalaki ng lipunan.

At bilang aking parte, habang lumalaki ang aking pamilya, ipinapangako kong hindi ko hahayaang masambit ang katagang “kababae mong tao” sa aking mga anak. Sana, magkaroon ito ng magandang dulot sa kanila, mapalakas ang kanilang loob at maitanim ang pagrespeto ng walang kinakatigang kasarian. At ang aking hiling, sana ay maipamahagi rin nila ito sa susunod na henerasyon.

Written by Mikaela Joyce L Sarthou

1 COMMENT

  1. Wow.. very inspiring.. 🙂 The very reason why women stay in abusive rltnship is bcause they have very low self-esteem.. Kaya nga ayoko muna mgka-love life kasi inaayos ko pa ang sarili ko.. Kelangan kong patibayin ang self-confidence at character ko bago ako pumasok sa isang relasyon. Marami-rami na taung nakikitang mga kababaihan sa c-suite positions at leadership roles in our community. Maswerte tau mga pinay dahil at least ang bansa natin ay female/lgbt friendly.. Hindi man natin maiiwasan ang sexism sa workplace, it doesn’t mean we should stop realizing our potential..Keep on breaking the glass ceiling..

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here