Walang pagbabago kung hindi mo babaguhin ang iyong sarili

0
108

Sa abot ng aking makakaya, nananahimik ako, lalo na ‘pag opisyales o pulitiko ang pinag-uusapan. Pinipigilan ko ang sarili ko at itinitikom ang bibig pag napag-uusapan ang mga pagpatay, ang laban kontra droga at kung anu-ano mang maiinit na isyu. Ayaw kong masabihang biased o may pinapanigan.

Nagdurugo ang puso ko para sa pamilya ng mga namatayan. Sumisikip ang dibdib ko dahil sa mga nababasa ko. Puno ng galit ang bansa, dumurugo ang puso ko sa mga sundalo na namatay sa Marawi, nasasaktan akong makita ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay ng dahil sa laban kontra droga, inosente man o hindi, naging parte sila ng bilang ng collateral damage at victims.

Napakasakit man isipin na karamihan sa mamayang Pilipino ay puno na ng galit,kung saan nawawala na ang pakikiramay sa ating pagkatao. Halos lahat ng mga Pilipino ay nahati na sa dalawang kulay. Dilaw at pula. Unti-unti nang naglalaho ang bayanihan.

Sa lahat ng pangyayari, hindi ko dapat sisihin ang administrasyon. Hindi ko sinisisi si Presidente Duterte. Ngunit, ang pwede ko lang pagtuunan ng pansin ay ang aking sarili. Nasa aking mga kamay ang dugo na dumaloy sa kongkretong mga daanan. May pananagutan din ako sa mga inosenteng namatay sa laban kontra droga. At ako rin ang isa sa masisisi sa mga terorismong sumakop sa Marawi.

May pananagutan ako sa mga pangyayari, dahil lamang itinikom ko ang aking bibig. Hindi ako nagsalita tungkol sa mga paghihirap, karahasan at bayolenteng mga kaganapan sa bansa. Sana lang man may ginawa ako, o sana may ginawa ako na makakadulot nga positibong resulta.

Pinili kong tumahimik at magbulag-bulagan, balewalain ang mga bagay na dapat pagtuunan pansin. Tumayo lang ako sa sulok, habang inaabangan ang mga hindi katanggap-tanggap na mga pangyayari kahit na ang mga kapwa ko ay nagdurusa. Sana may ginawa lang man ako na makadulot ng pagbabago, ngunit, kailangan ko munang baguhin ang sarili ko.

Habang sinusulat ko ang blog na ito, ang pumapasok lamang sa isip ko ay ang mga dugo na dumanak. Napakarami ang dugo na dumaloy nang umupo na si Presidente Duterte. Gusto ko mang ilabas ang aking sama ng loob tungkol sa mga patayan na nangyayari, malabong mangyari ito nang dahil lamang natatakot akong mapagsabihan na dilawan. Hindi ako dilawan o pula, ako po ay Pilipino.

Kung Ano Man ang Dahilan, Patay na Sila

Ang patayan sa bansa simula nang namuno si Presidente Duterte ay umabot na ng 7,000. Lahat ng ito ay nangyari sa loob lamang ng isang taon. Magugulat ba ako? Hindi siguro, pero ano pa ba ang masasabi ko? Hindi ko pwedeng asahan ang mga balita. Lahat ng mga balita na lumalabas ay palaging mayroong kasamang pamumulitika o bias na opinyon.

Karamihan sa mga imbestigasyon tungkol sa mga pagpatay ay hindi makatwiran. Sabi niya, sabi ng kapitbahay, sabi nila, parang haka-haka lamang. Ngunit ang malungkot na katotohanan sa mga pangyayari ay kung haka-haka man ito, naiiwang sawi pa rin ang mga biktima.

Oo, may mga kriminal na karapat-dapat mamatay, pero meron ding kailangan pang imbestigahan dahil hindi pa ito sigurado. Pero sa ngayon, wala nang proseso, diretso nang patayan. Hindi lamang ang mga kriminal ang nadadawit sa patayan. Paano na ang mga biktima’ng sinasabing collateral damage? Paano ‘yung mga suspek na walang kalaban-laban pero may nangyaring overkill? Yung kahit nakadapa na, pinatay pa rin.

Sino ka ba para sabihing karapat-dapat silang mamatay? Sino ka para magdikta sa kung sino at hindi pwedeng mamatay? Bakit kailangan nating pagpilian ang biktima ng karahasan at ang criminal?

Naging Puno Na Ng Galit Ang Bawat Mamamayan

Tayo, bilang Pilipino, ay naging matigas na ang puso sa mga pangyayari. Nawala na ang kakayahan ng bawat isa na makiramay. Na sa isip na ng bawat isa na karapat-dapat mamatay ang mga taong masasama, at nakuha pang ikumpara ang pagkamatay ng bawat isa. Hindi ba pwedeng biktima lang tayong lahat ng karahasan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here