Si Arnold at ang punong mangga

0
48

Noong Agusto 2014 ay may lalaking nagbigti  sa puno ng manggang. Ayon sa pamilya nito marami itong problema dahil sa hirap ng buhay. Nahihirapan itong buhayin ang pamilya nito dahil isa lang itong hamak na mangingisda at minsan wala pa itong nahuhuling isda kaya kahit sa pagkain nila araw-araw ay bigo siyang mapakain ng tatlong beses ang kanyang pamilya. Pakiramdam tuloy niya’y wala siyang kuwentang tao.  

Isang gabi, nakainom daw ito at naglakad-lakad sa dalampasigan. Hinayaan lang ito ng kanyang pamilya dahil di nila lubos maisip na gagawa ito ng hindi maganda dahil napakabait daw nito. Kaya nga lang, kahit gaano kabait ang isang tao kapag dumapo sa puso’t isipan nito ang depresyon, nakakagawa ng masama.  

Kinabukasan,  nagulantang  ang pamilya ni Arnold sa balitang nagbigti si Arnold sa puno ng mangga na nasa bakanteng lote. Iyon naman kasi ang gusto ng lalaki, ang magkaroon ng katahimikan at mangyayari iyon kapag nagpakamatay ito.  

Akala ng pamilya ni Arnold ay natahimik na ang kaluluwa nito matapos itong mailibing at maalayan ng dasal kung saan siya nagbigti subalit ayon sa mga taong nakatira malapit sa puno ng mangga,pagsapit ng alas-nueve ng gabi hanggang sa madaling araw ay may naririnig silang iyak ng lalaki na parang naglalakad lang sa paligid.Hindi lang pinansin ng mga tao ang iyak na iyon ng lalaki ngunit pagkaraan ng isang buwan may isang binatilyong lasing na nagbigti rin at matapos itong mailibing pagkaraan ng isang linggo ay may nagbigti na naman na lalaki subalit ito’y nailigtas ng mga kapatid nito. 

Dahil sa mga pangyayaring iyon natakot na ang mga tao doon at iniisip nila na sinakyan daw umano ng demonyo ang kaluluwa ni Arnold at nalason ng demonyo ang mga isipan noong ibang taong nagbibigti dahil kapareho lahat ang istilo ng pagpapakamatay nila — pagbibigti. Nabahala na tuloy ang mga tao sa lugar na iyon kaya ang ginawa nila pinabasbasan nila sa pari ang puno ng mangga kung saan namatay si Arnold. 

Kahit gaano kalaki ng ating problema ang pagbibigti ay hindi solusyon sa lahat ng ating mga problema. Kaya lang, hindi naman natin hawak ang kanyang isipan. Sana nga lang kapag nakakakita ka ng taong dinadapuan ng depresyon, kausapin mo siya at ipadamang okay lang ang lahat. Para mawala sa isip niya ang pagpapakamatay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here